Duterte: Ang Messiah

Mata sa mata, ngipin sa ngipin. Ganito tayo nadagit ng kamay na mapaniil.
May maling lohika na kaya hindi natin kayang buong kagalitan ang mga Marcos ay dahil hindi naman naitama ng mga sumunod sa kaniya ang mga pagkakamali at kahayupang ginawa nito. Sa punto de vista ng mga DDS, ng mga nananalig at sumasamba sa panginoong Duterte, wala nang pag-asa ang bayan lalo pa’t pagod nang umasa sa mga bigong pangako ng mga nakalipas na administrasyon.
Wala nang panahon para maging idealistic. Totoo ang kahirapan at hindi ito konsepto lang. Wala nang tiwala ang publiko sa sistema ng hustisya lalo pa’t mayaman at maimpluwensiyang pamilya lang ang kayang bumili nito.
Nakaugat sa ating mga Pilipino, lalo sa mga Kristyano ang paniniwalang “Ipagpasa-Diyos na lang.” Gaya ng “Bahala na,” para bang tuluyan na lang nating isinusuko ang ating kalayaan para lumikha ng mas makabuluhang bagay at ipinapaubaya na lang sa “diyos” ang kahihinatnan ng lahat.
Dito makukwestyon ang depinisyon ng hustisya at paano ba ito nararating. Sa sikolohiyang Pilipino, may konsepto tayo na “Hayaan mo na, ipagpasa-Diyos mo na lang. Hayaan mo nang ang Diyos ang humatol sa kaniya.”
Ang totoo, maraming pagod nang maging Kristyano. Hindi sapat ang “sorry” lalo kung hindi mo naman naranasang harap harapang patayin at gahasain ang mahal mo sa buhay at panooring babuyin at warakin ang kanilang pagkatao. Maraming pagod nang umasa sa batas para makamit ang hustisya. Maraming pagod nang ipagpasa-Diyos ang lahat.
At ang masakit, maraming hindi nauunawaan ang halaga ng due process at pagod nang maghintay sa nakakaurat na proseso. Para sa iilan, binulag tayo ng ating pananapalataya at ang pagkakaroon ng pananampataya ay hindi pagiging mulat sa kung ano ang totoo. Para bang sinasabing:
Tao ang nagdulot ng kawalan nang hustisya at paniguradong tao rin ang may kakayahang magbalik nito, hindi ang batas at lalong hindi ang “diyos.”
Marahil kaya tayo ganito ngayon: uhaw na uhaw sa pagbabago, uhaw sa sasambahin at uhaw sa paghahanap ng taong magsasalba sa atin. Naghanap tayo ng pagbabago at ng taong magdadala sa atin sa langit, yaong kaya tayong paligayahin sa kaniyang kaharian. Para tayong mga batang sabik na sabik makatikim ng paboritong inumin.
Sa panahon ng pagkauhaw, si Duterte ang nakita nating likido na ang totoo, nauhaw lang tayo lalo at nagutom. Binigo tayo ng Messiah. Huwad ang propesiya. Nagugutom ang mga tao, walang katiyakan sa trabaho at kalusugan. Mataas ang presyo ng bilihin at hindi makasabay ang mga nasa laylayan. Pinapatay gabi-gabi. Walang galang sa kababaihan.
Aasa pa ba tayong may second coming itong “pagbabago?”