Isa kang Manlilikha (Spoken Word Piece)
A tribute piece to PESANTE Art Fair, Organic Market, Benefit Gig & Music Video Launching at Peninsvla Cafe, Naga City.

Ilang gabing tahimik
ang kagubatan — walang imik
tahanan ng puno ang lupa
at ang lupa ang tahanan ng tao
habang binubuhay ng mga bituin ang langit
Ito’y ginawang mapa ng mga taong mapanakit
Tulong! sigaw ng mga taong naliligaw —
sa kanilang sariling sigaw
kailangan daw ng dasal mula
sa mga babaeng banal
sa may totoong dangal
sa mga babaeng nakaramdam
ng tunay na pagmamahal
wala na raw tayong magagawa
kundi ang matulala
Paisa-isang bumagsak ang mga dahon
dinala ng hangin sa bahay ng mga
may balak sa dilim
mapanakit
mapangakit
mapangapi
walang sinasanto kahit ang katabi
nagkalat sa lupa ang mga dahong
nabahidan na ng dugo
habang dinadaanan ng mga taong
lango sa pagasa
mga taong paisa-isang nabubulag
sa makasalanang mithiin
tinapakan ng dahon
ang mga kasalanan
tinakpan ng nakakabinging tunog
galing sa mga dasal ng mga umiibig
tinabi sa gilid ng mga walang awa.
Ilang dahon pa ba ang kailangang matuyo?
Ilang puno pa ba ang kailangan mamatay?
Kelan ba babagsak ang ulan
para buhayin ang mga punong nauuhaw
sa ilalim ng araw.
Ito ang mga panalangin ng mga nakabitin
na nakikipaglaban ng mataimtim.
Tuloyan ng dumanak
ang dugo sa lupa
mapapawi pa ba
ng mga dalaga
ang mga dalangin
ng mga naunang biktima?
Mapapawi pa ba
ng mga matatanda
na todo an pagsanto rosaryo?
May papatungohan ba
ang mga sinakripisyo ang buhay
para sa mga walang buhay?
Para patuloy na mabuhay
ang mga tunay na buhay
Para buhayin
ang mga patay na pag iisip ng karamihan
para gisingin
ang mga nagtutulogtulogan
Ilang buhay pa ba
ang kailangang mamatay
para ibuklat ang inyong mga mata?
Nakipagtuos ang aking sarili
sa mga mapagunawa raw
pero hindi makaintindi.
Nakipagtuos ang aking sarili
sa mga utang na hindi mabayaran
sa akin na walang magawa
sa akin na gustong makalaya
sa akin na gusto pang mabuhay.
Nakipagtuos ang aking sarili
habang pinapatay nila
ang mga panalangin
at pinipigilang makarating
ang mga mensaheng bitin
Sino ang magpapatuloy
ng mga salitang
hindi natapos,
iniwang paos,
iniwang kapos?
Sino ang magpapatuloy
ng lupang nakatiwangwang?
Sa mga hayop na wala ng pagkakakilanlan
Sa butil ng palay na walang laman
Makakain pa ba yan,
Kung ang ating magsasaka’y
walang laman ang tiyan.
Pano mo nasisikmura
ang mga nangyari?
Pano ka nakakatulog sa gabi?
Silang mga magaling
bakit parang
laging ang sama ng tingin?
Nadiskobre ng mga nakaligtas
sa unang hagupit ng pagdurusa — ang pana,
naghanap ng panusok ang mga galit na galit.
Ang pana na tinutukoy ko ay ang kaalaman
at ang panusok ay ang mga letra,
kapag pinagsama-sama
ay pwedeng kang magakawa ng, kataga, tula, kanta — Sining
Nadiskobre ng mga nakaligtas ang sining.
kunin ang mga pana
at iponin ang mga naiwang galit.
Higopin sa centro
at gamitin sa pagpaslang
sa mga nagsimula ng unos,
sa mga umangkin ng dalangin
na pangakong tutuparin.
Pero totoo ba
na tinupad nila
ang kanilang mga panalagin
o gusto lang nilang kaming paslangin?
Kaya heto ang aking pana,
heto ang aking tula
ginagamit panlaban sa giyera.
Hindi matatapos ang kagulohan
kung hindi ka makikipaglaban
kung hahayaan mo lang
silang maghariharian.
Isa kang manlilikha!
gumawa ka ng sariling mong sandata
walang mangyayari
kung lahat tayo ay nakatulala.
walang mangyayari
kung lagi tayong nakatulala.
Gumawa ka ng Obra,
walang mangyayari
kung lagi kang nakatulala!
Gumawa ka ng Kanta,
walang mangyayari
kung lagi kang nakatulala!
Gumawa ka ng Tula,
walang mangyayari
kung lagi kang nakatulala!
Gumawa ka ng gumawa
Imbis na lagi kang nakatulala!
Tandaan mo isa kang Manlilikha!
