Mukha

Kanina bigla kang nagpakita. Masayahin ka pa rin tulad ng dati. Ang mga larawan ninyo ay tila nagsasabing masaya ka kung nasaan ka. Noong isang araw parang ikaw, hindi sinasadyang nakita ang mga sulat na dapat para sa’yo noong araw na gusto kong magtapat, tulad ko pipi pa rin sila. Maglilimang taon na rin pala silang namimintana habang nag-aabang na maihatid sa dapat nilang puntahan. Hindi tulad ng sulat mas mabilis ang balita, nalaman kong matagal ka nang nagsara ng pinto at nanahan kung saan naroon siya. Isa ito sa mga balitang matagal ko ding inantabayanan, subalit hindi ko pa rin napaghandaan. Sa tinagal-tagal ng panahon para kang grabedad na patuloy na humahatak sa akin pabalik kung kailan masarap tumawa kasama ka, magpuyat para makita ka. Kung kailan dapat nagsalita ako, mas naging matapat, mas naging matapang. Paulit-ulit kong binabalikan ang lahat at naghahanap ng paliwanag na sasapat para maka-usad. Minsan, ang sakit ay mas masakit kaysa kung kailan una itong naramdaman.

Mukhang hindi ka pa rin niluluma ng panahon sa aking gunita.

Note: Limang taon na ngayon, limang taon na akong umiibig ng lihim.

One clap, two clap, three clap, forty?

By clapping more or less, you can signal to us which stories really stand out.