Takbo (maikling kwento)

Isa na naman iyon sa mga umaga kung saan yayayain mo akong tumakbo dahil wala kang kasama. Agad naman akong sasagot ng “oo”… syempre dahil ikaw ‘yan — at alam mo naman hinding-hindi ako makakatanggi sa’yo. O sige, siguro oo na din pala, pero isang beses lang yun. At ibang kwento na. Pero sa ibang mga kagustuhan mo, asahan mong laging “oo” ang isasagot ko.

Malayu-layo na rin ang natakbo nating dalawa. Hindi ko na napigilang mapahinto. Nanghihina na rin kasi ang mga tuhod ko. Sasabihin ko na sana sayong tumigil muna tayo saglit ngunit wala ka na pala sa tabi ko. Nagpatuloy ka sa pagtatakbo. Hindi mo na namalayang saglit akong tumigil. Nanatili ako sa aking kinatatayuan habang tinatanaw ka, nag-aabang kung mapapansin mo bang wala na pala ako sa tabi o sa likod mo. Napalingon ka sa tabi mo at natigilan. Tinanggal mo ang earphones mo na halos pasabugin na ang mga tenga mo sa lakas ng tugtog na nagmumula rito. Sa wakas, napansin mong wala ako sa tabi mo. Agad kang luminga-linga para hanapin kung nasaan na ako. At sa layo ng distansya nating dalawa, nagawa pa ring magtama ng ating mga mata. Nakita ko ang pagsalubong ng kilay mo at mabilisang pagsimangot. Agad ka naman tumakbo pabalik sa akin; ako’y naghihintay lang hanggang sa makarating ka. Habang papalapit ka sa akin ay unti-unti ring bumagal ang pagtakbo mo, hanggang sa dahan-dahan ka na lang na naglakad; ang ‘yong bawat hakbang ay maiingat.

Kitang-kita ko sa ekspresyon mo ang pagkairita. “Bakit naman hindi ka nagsabi na huminto ka pala? Sana sinabihan mo man lang ako, ‘di ba? Ang layo na ng narating ko, yun pala di na kita kasama. Huminto ka na pala dito. Kung gusto mong magpahinga, sabihan mo agad ako kasi hihinto din naman ako. Hihintayin kita,” ani mo. Halu-halo ang emosyon sa mga mata mo. Hindi ko alam kung paano ilalarawan. Pero isa lang ang malinaw: ganyang-ganyan din ang emosyong pinakita mo sa akin noong unang beses akong humindi sa isang kagustuhan mo.

“Nagpahinga lang naman ako saglit. Ang bilis mo rin kasing tumakbo kaya ‘di na kita agad nasabihan. Di na kita tinawag. Hinayaan na lang kita,” paliwanag ko. Bumibigat na ang paghinga mo. Napairap ka sa sinabi ko. “Yan ka na naman e. Hilig mo talaga sa mga ganyan, ‘no? Yung wala kang pake kung iniisip kong kasama pa kita pero yun pala ako na lang mag-isa. Di na pala kita kasama…”

Alam ko na kung sa’n patungo ang usapang ito. Hindi na ito tungkol sa pagtakbo natin. Patungkol na ito sa dapat na laban nating dalawa na naging laban na lang ng isa dahil sa pagbitiw ko sa’yo.

“Bilis mong sumuko e.” Kita ko ang pagtiim-bagang mo, para bang nagpipigil ka ng emosyon. Gusto kong sabihin — o isigaw — na napaka-babaw mo para magtampo sa isang napaka-simpleng bagay. Ngunit alam ko rin naman kung ano ang pinanghuhugutan mo. Mahigit isang taon na ang nakalilipas ngunit sariwa pa rin sa’yo ang lahat. Sa akin rin naman…

“I want to replace your surname with mine. And it pains me so much na sa dinami-dami ng mga tao sa mundo, nagkataon pang pareho tayo. At kung ipagpipilitan ko pa ‘to, it will be my ever greatest sin. Ikaw na yung nakikita kong maglalakad nang dahan-dahan papunta sakin, habang naghihintay ako sa may altar.” Wala na siyang paki kung umiiyak man siya harap ko. Desperado na siya. Desperado na din ako pero kumpara sa kanya, mas pinapanindigan ko kung alin ang tama. “Gustong-gusto kitang pakasalan. Ikaw na yun e. Oh God, I love you, but I love Him too. Pero kung kasama kita sa laban na ‘to, handa akong baliin lahat ng paniniwala ko, lahat ng prinsipyo ko; ipaglalaban natin kung ano ang nararamdaman natin. Sabihin mo lang, please. Sabihin mo. Di mo naman ako kayang tanggihan ‘di ba?” inabot niya ang kamay ko at hinawakan ito nang mahigpit na mahigpit. Pinanood ko ang pagtakas ng luha sa kanyang mata.

“Oo, tama ka. Di kita kayang tanggihan. Pero kahit ngayon lang, maglalakas-loob ako. Tatanggihan kita. Ito ang unang beses na hi-hindi ako sayo. Hindi kasi ‘to laban e. Walang laban kasi wala tayong tyansang manalo. Simula pa lang talo na agad tayo. Alam natin yan pareho. Habang kaya pa, tapusin na natin ‘to. Sa mata ng lahat at ng Diyos, mali.”

Kung anu-anong malulutong na mura na ang pinakawalan niya. “Mahal ko Siya, pero ngayon wala muna akong paki. Di naman ako naghahangad na maging santo e. Di rin ako umaasang sa langit ako mapupunta. Kung sa impyerno ako mapunta, okay lang. Di naman siguro ako maiinip dun e. Sigurado magkikita-kita kami ng tatay ko, ng mga kapatid ko, ng mga tropa ko dun.” Nagawa niya pang magbiro. Hinalikan niya ang kamay ko. Isa, dalawa, tatlo… hanggang sa binitawan niya ito upang ikulong ako sa mga bisig niya. Rinig ko ang munting mga hikbi niya habang nagsasalita. “Isang beses lang tayong binigyan ng pagkakataong mabuhay. And I want to spend this lifetime with you. Kung pagkatapos nito, sa impyerno na, ayos lang kasi at least nung nabuhay ako, ikaw naman yung nakasama ko.”

“Mahal din kita. Pero pasensya na, dun pa rin ako sa kung ano ang tama. At ang tama ay iwan ka na kasi yun ang mas makakabuti sating dalawa.” Kumalas ako sa yakap niya at umalis na.

Ilang buwan rin kaming hindi nag-usap matapos ang araw na iyon. Isang araw nalaman ko na lang na may girlfriend na siya. Saka lang rin niya akong kinausap muli. Ayos lang sa akin. Masakit man, masaya pa rin ako para sa kanya. Pinilit naming ibalik ang kahit “pagkakaibigan” man lang. Pinilit kong makuntento sa kahit ganun na lang.

“Akala ko ba masaya ka na sa buhay mo ngayon? Bakit parang kung kelan ka makakuha ng tyansa, sinusumbat mo lahat sakin? Di ka pa napapagod?” Hindi ka sumagot. Nanatili lang ang mga tingin mo sa mga mata ko. Pilit kong binabasa kung ano ang nasa isip mo. Pero wala. Ang tunog ng cellphone mo ang bumasag sa katahimikan nating dalawa. Tumalikod ka sa akin at sinagot ang tawag. “Hey babe… Hmm?…uh, yeah I’m with…” napahinto ka at muling napalingon sa akin habang sinasabi mo sa kanyang “I’m with my cousin…” saka ka muling tumalikod at lumayo pa nang konti. Hindi ko na narinig ang iba niyong usapan. Nang matapos ang tawag sinabi mo sa aking malapit lang siya sa lugar kung saan tayo ngayon at maya-maya lang ay papunta na siya. At gaya ng inaasahan, nagpakita matapos ang ilang minuto. Pumulupot ang braso mo sa bewang niya nang lumapit siya sa iyo sabay halik sa pisngi nito. Matapos nun ay nginitian niya ako na ibinalik ko naman sa kanya.

“You know what? I’m thankful na pag wala ako, ikaw ang kasama nitong boyfriend ko. At least wala siyang ibang girls na kasama kundi ikaw. You’re his cousin, kaya kampante ako pag ikaw kasama niya,” aniya at pabiro pang tinapik ang braso ko. Ngumiti lang ako kahit sa totoo lang ay gusto ko sa kanyang ibato ang hawak kong bote ng mineral water. Narindi ako dahil parang paulit-ulit niyang sinasampal sa akin na pinsan mo lang talaga ako at siya yung pwedeng-pwede talaga para sayo. Nagpasalamat ako na nag-aya na siyang umalis kayo. Inalok niya pa akong sumama sa inyo pero agad ko iyon tinanggihan. Di ko kaya.

Naghiwalay na tayo ng direksyon. Kayo sa kaliwa at ako naman sa kanan. Tumakbo ako. Yung mabilis na mabilis. Yung takbong mapapahabol ang isang aso dahil akala niya masamang-loob ako.

Nakakalungkot pala talagang tumakbo mag-isa ‘no? Ako yung unang nang-iwan pero ako pa rin itong mag-isa, hindi matakbuhan yung nararamdaman ko para sayo. Mula noon hanggang ngayon parehas pa rin, e. Kahit anong pilit kong pagtakbo, hindi ko pa rin talaga mahanap-hanap yang finish line ng damdamin ko para sayo.

Pero masaya ako para sayo na may nahanap ka nang iba. Masaya ako pero kinailangan kong lumayo. Yun na ang huling araw na nakita mo ako. Sana maintindihan mo kung bakit wala man lang pormal na pamamaalam. Kailangan ko lang hanapin ang sarili ko sa lugar na malayo sayo.

Mahal kita at miss na miss na rin kita.

Hayaan mong sabihin ko yan dahil ito na ang huling beses na kakausapin kita sa mga sulat ko. Ibabaon ko na ang papel na to sa ilalim ng lupa. Dun sa pinakamalalim na mahuhukay ko. Dun sa hindi ko na mahuhukay muli para balik-balikan ang huling alaala ko sayo.