Credits: http://reporter.ph/the-effects-of-mining-industry-in-the-philippines/

SA NGALAN NG GINTO

Joseph FronZa

--

Sa unang silahis pa lang ng bukang liwayway, maagang naghanda si Jimmy para pumasok sa paaralan. Gumuhit ang matipid na ngiti sa kanyang labi nang mapagmasdan ang sarili sa salamin na nakasuot ng puting uniporme. Pamana pa ito sa kanya ng nakatatandang kapatid kaya’t masyadong malaki para sa kanyang payat na pangangatawan. Samantalang ang suot-suot niya namang itim na pantalon ay sumasayad sa lupa. Bigay sa kanya ito ng kaibigang tumigil na sa pag-aaral. Wala siyang sapatos o tsinelas na pansapin man lang. Hinahalikan ng kanyang paa ang daanan tuwing papasok sa paaralan. Gayunman, tila lumulutang sa alapaap ang kanyang katawan bunsod ng kasayahang nadarama. Sa wakas, makakapag-aral na siya.

Kinse anyos na si Jimmy. Nasa ikatlong baitang na sa isang paaralang itinayo ng isang Non-Governmental Organization. Katabi nito ang isang may sakit na bundok. Larawan ito ng isang taong may Kanser. Nalalagas ang buhok. Nakakalbo. Humihina ang pangangatawan. May taning na ang buhay. Bibilangin na lamang ang nalalabing araw sa mundo.

Pumasok ang ina ni Jimmy sa loob ng kanilang pinagtagpi-tagping bahay. Ginulo nito ang buhok niya at may larawan ang mukha nito ng isang napakalaking ngiti. Ngiting may paghanga, pagmamalaki para sa anak na mas piniling ituloy ang pag-abot sa kanyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.

“O, anak pagbutihin mo ang pag-aaral! Galingan mo.” Paalala ng ina ni Jimmy.

“Opo, inay hindi ko na po sasayangin ang pagkakataong ito.”Sagot ng huli.

“Huling paalala! Huwag ka nang babalik doon ah! Mag-aaral ka at ako naman ang magtatrabaho para sa atin.”Pakli ng ina.

“Opo, inay! Pangako!” Sambit naman ng anak niyang si Jimmy.

“Buti naman at nagkakaintindihan tayo. O, sige pasok na!”Sabay abot ng baon sa kanya. Limang piso. Kulang pero pagkakasyahin.

Inabot ng dalawang oras na paglalakad nang nakayapak bago maabot ni Jimmy ang paaralan. Ito ang unang araw ng kanyang pagbabalik eskuwelahan matapos tumigil pitong taon na ang nakararaan bunsod ng kawalan ng pera. Kailangan kasi ng kanang-kamay ng kanyang ama at kuya sa trabaho. Dumako ang kanyang mata sa nakakalbong bundok. Napalilibutan ng mataas na yerong harang ang paligid nito. Mula sa kanyang kinatatayuan, makikita ang mga higanteng panghakot ng mga gumuhong tipak na bato at malalaking traktura. Tinitigan niya nang maigi ang nakapaskil na trapal na may nakasulat na mensahe sa geyt na gawa sa retasong bakal. Bumalik ang kanyang tingin sa paaralang sinisinta. Nagawi muli ito sa kanginang tinitingnan. Dumako muli sa Paaralan. At bumalik muli sa bundok. Paaralan. Pangarap. Bundok. Kita. Paaralan. Edukasyon. Bundok. Trabaho. May pangarap ngunit nasa bundok matatagpuan ang ginto. Bundok. Pantawid pamilya.

Sa huling pagkakataon, sinulyapan niya ang sintang paaralan. Tinalikuran ang pangarap na makapagtapos. Sinuway ang payo ng magulang. Hinubad niya ang kanyang puting uniporme, itim na pantalon, at sinilid sa kanyang bayong. Nakasuot na lamang siya ng lumangbutas-butas na sando at naka-jersey shorts. Kinapa ni Jimmy ang kanyang pitaka sa bulsa. Wala siyang nakapa. Binulatlat niya ang kanyang bayong at naroon ito. Unti-unti niyang binuksan ang lumang pitaka at agad na bumungad ang larawan ng kanyang ama at kuya. Buong pagmamahal niyang kinabisado ang bawat detalye ng kanilang mukha sa larawan. Hinaplos-haplos at ginawaran ng halik. Sinimulan niyang tunguhin ang lugar ng bundok. Kinausap ang guwardiya. Pinapasok. Komunsulta sa pinakapinuno ng linangan ng yamang mineral. Tinanggap kahit menor de edad. May trabaho na.Perangkikitain. Pantawid gutom. Pagkakatao’y nasayang.

Patawarin niyo po ako inay. Paulit-ulit na sambit ni Jimmy habang binubuno ang oras na dapat ay nasa eskuwelahan sa mabigat na pagpalo ng maso sa dingding ng hinukay na tunnel sa ilalim ng naghihingalong kabundukan.

Flash Report:Gumuho ang isang tunnel sa isang maliit na minahan sa Benguet Province kung saan isang minero ang pinaniniwalaang na-trap. Isang minero ang nakulong sa loob ng isang mining tunnel sa bayan ng Bokod, Benguet matapos gumuho ang lupa rito. Bukod sa masikip ang lugar, halos sarado na ang lagusan nito. Sa likod ng gumuhong bahaging ito ng minahan pinaniniwalaang naroon ang labing limang taong gulang na si Jimmy Climaco na pawing isang binatilyo pa lamang.Noong Biyernes daw pumasok ang mga batang na si Climaco at kaibigan nito sa loob ng tunnel kung saan may bahagi roon na lose ground kaya’t nag-cave in. Nakaligtas naman ang isa nitong kasama ngunit hindi pa kinikilala. Mabuti naman daw ang lagay ng survivor. Kasalukuyan pa ring nire-recover ng Benguet Provincial Rescue Team ang katawan ng binatilyo sa gumuhong tunnel.

Mabilis na kumalat ang masamang balita sa lokal ng Bokod. Naglalako ng panindang gulay at prutas ang nanay ni Jimmy nang malaman nito ang nangyari sa anak. Hindi siya makapaniwala sa narinig na balita at nagugulumihanan kung paano nangyari ang aksidente. Iniisip niya na sana’y isa lang itong masamang bangungot. Na sana’y ang tinutukoy sa balita ay hindi ang anak niyang si Jimmy na alam niyang nasa paaralan at hindi ang Jimmy na kasalukuyang hinahanap pa ang katawan sa gumuhong bahagi ng bundok.

Bumagsak ang mundo ng ina ni Jimmy. Mali ang akala nito. Napagtanto niyang hindi tumupad sa kanyang utos ang anak. Hindi ito tumupad sa kanyang pangako. Sinisisi niya ang sarili sapagkat kaya napilitang pumasok muli sa minahan si Jimmy ay para makatulong sa pagbabayad ng gastusin sa bahay. Sa tingin niya’y nagkulang siyabilang ina, na siya dapat ang pumapasan ng lahat; na siya dapat lamang ang nagtatrabaho at hindi ang kanyang anak.

“Panginoon, bakit naman ganito? Kinuha mo na nga ang ang asawa ko pati ang panganay ko, hindi mo pa pinatawad pati ang aking bunso….”Paghihinagpis ng ina ni Jimmy.

Mag-isa na lamang ito sa buhay. Malungkot. Masakit. Napakasakit mamatayan ng minamahal sa buhay lalo na’t ang siyang kumuha ng kanilang buhay ay ang walang awang minahan. Namatay sila para lamang sa gintong putik. Inagaw ang kanilang buhay nang wala sa oras kapalit ang kakarampot na perang kikitain.

--

--