Ang paglaban ni B

ni Faye Almazan at Katrina Torno Mina

Sa isang mapang-aping lipunang patuloy na sumusupil at nagpapahirap, sila’y patuloy na lumalaban.

Sa isang mapang-aping lipunang kumukulong at gumagapos, sila’y pilit na kumakawala.

Sa isang mapang-aping lipunang bumubusal sa kanilang mga bibig, sila’y magsusumigaw. Sila’y lalaya.

Narito ang apat sa mga kababaihang manggagawa ng Unibersidad ng Pilipinas. Sila’y magsasalaysay ng kanilang mga kwento at karanasan sa kanilang pamamalagi sa unibersidad.


Si Gina Villegas, isang Administrative Officer sa UP CMC.

Ang hiling ni Gina

Kaliwa’t kanang tawag sa telepono, patung-patong na mga papeles na aasiksuhin, at maya’t mayang pakiusap mula sa iba’t ibang tao sa kolehiyo. Ito ang araw-araw na pamumuhay ni Gina Villegas, mas kilala bilang Ate Gina ng UP College of Mass Communication (UP CMC). Sa loob ng 26 na taon niyang pamamalagi sa kolehiyo bilang Administrative Officer V, isa sa kaniyang hiling, ang mapagkalooban ng bahay sa loob ng unibersidad.

Pagpatak ng alas kwatro ng madaling araw, bumabangon na si Ate Gina para simulan ang kaniyang araw-araw na gawain. Ipagluto ang kaniyang tatlong anak ng agahan. Siguraduhing makapasok sila ng eskwelahan. At saka aasikasuhin ang sarili para sa arawang biyahe mula Welcome Rotunda papunta sa kaniyang trabaho sa unibersidad.

“Kung may pabahay, malaking ginhawa sakin! Laking ginhawa kung dito yung housing ko. mas less yung travel,” aniya.

Si Vilma Montalbo, isang security guard sa UP CSWCD.

Ang paggabay ni Vilma

Sa likod ng kaniyang istasyong napapalibutan ng sari-saring kagamitan para sa kaniyang trabaho, nakatayo at matamang nagmamasid si Ate Vilma Montalbo ng UP College of Social Work and Community Development (CSWCD), isa sa ilang kababaihang security guard sa UP Diliman.

Kung tatanungin ang kalagayan ng kanyang pagtatrabaho sa UP, ayon sa kanya ay ayos naman ito dahil mababait ang mga estudyante sa kanya. Wala rin siyang naranasang kahit anong porma ng diskriminasyon sa dalawang taon niya sa unibersidad.

Ngunit, bago mapagdesisyunang maging isang security guard ng unibersidad ay nagtrabaho muna si Ate Vi bilang isang kasambahay sa Bahrain ng ilang taon. Pagkabalik sa bansa ay sinubukan niyang mag “manicure” at “pedicure” sa kanilang lugar ngunit dahil sa maliit na kita ay sinubok din niya ang pagpapasada ng kanilang tricycle.

“Ako na yung nagdrive, instead na pababoundary-han, ako na yung nagdrive,” aniya.

Naging security guard rin siya ng Purgeold at Robinsons sa Oriental Mindoro, ngunit hindi naging sapat ang kita niya at ng kanyang asawa. Kaya bagaman malayo sa kanyang asawa at tatlong anak ay lumuwas siya mula kanilang probinsiya upang makipagsapalaran sa Maynila.


Si Cecilia Bacaran, isang manininda sa unibersidad.

Ang paghihintay ni Cecilia

Sa saliw ng masayang ingay ng kanyang mga apong naglalaro, masuyong nag-aantay sa tapat ng mga naiwang bakas ng natupok na CASAA si Cecilia Bacaran para sa kanyang susunod na kustomer.

Taong 1990 pa nang magsimulang magbenta sa may harap ng CASAA si Nanay Cecilia. Simula’t sapul ay ito na ang naging pwesto ng kanyang mga panindang monay, lumpia, carioca, at turon. Kaya naman noong nalaman niya ang pagkasunog ng CASAA ay naisip niyang hihina na ang kaniyang paninda.

Higit isang taon matapos ang pagkasunog ng CASAA, matatagpuan pa rin si Nanay Cecilia sa tapat ng dating kinatitirikan nito. Nagtitinda pa rin, ngunit sa pagkakataong ito ay mas mahina ang kita.

“Humina talaga kami. Nung may CASAA pa, laki ng tubo namin ngayon wala na. Kasi nga wala nang CASAA wala nang lumalabas dito paunti-unti na lang,” kanyang pagsasalaysay.

Kahit ganito ang kaniyang kalagayan, aniya’y wala siyang balak lumipat ng lugar na pagtitindahan. Ayon sa kanya ay kuntento na siya sa kung anong tubo ang kaniyang kinikita upang masustentuhan ang kanyang mga apong nakatira sa bahay kasama niya.

Nasaksihan din ni Nanay Cecilia ang pagtaas ng renta sa libong piso mula sa dating limampung piso lamang kada buwan.

Ngunit ayon sa kanya ay ayos lamang ang isang libong bayad kada buwan dahil ito naman ay kanilang hinuhulug-hulugan araw-araw.

“Hindi, okay lang yun. Kayang-kaya sampung pisong [kada] araw. Sampung piso o kinse. Kayang-kaya naman yan.”


Si Jenalyn Genton, nagpapatakbo ng photocopying machine sa Palma Hall.

Ang karera ni Jenalyn

Sabay sa bugso ng mga estudyanteng hindi magkanda-ugaga sa pagtakbo sa mga pasilyo ng Palma Hall, hindi rin magkamayaw si Jenalyn Genton sa pagpapatakbo ng makinang tumutulong sa kaniya upang buhayin ang kaniyang asawa at dalawang anak, ang photocopying machine.

Ang pagpapatakbo ng pribadong photocopying machine sa loob ng unibersidad ang nagsisiguro ng kanilang pangaraw-araw na gastusin.

“Weekly ang sahod namin. Depende sa arawan namin plus may komisyon. Depende sa kita,” aniya.

Ngunit hindi palaging pulido ang takbo ng photocopying machine para kay Jenalyn. Kung minsan, nag-abono siya para sa mga kopyang hindi kinukuha ng mga kostumer.

“Nagpalit kami ng posisyon. Siya nasa bahay.”

Sa loob ng halos dalawang taon magmula nang magkasakit ang kaniyang asawa, si Jenalyn ang nagtataguyod ng kaniyang pamilya, “Nagpalit kami ng posisyon. Siya nasa bahay.”

One clap, two clap, three clap, forty?

By clapping more or less, you can signal to us which stories really stand out.