Spoken Word: Walang Hanggan

I. Dapit Hapon

Nakadungaw ako sa bintana at tinatanaw ang nagdurugong langit. Malapit nanaman palang matapos ang araw at magiging isang bahagi nanaman ito ng kahapon.

Naaalala nanaman kita.

“Kumusta ka na?” isang pabulong na tanong sa hangin. Matagal na pala noong huli tayong nagkausap. Ilang buwan narin ang nakalipas pero, bakit kaya hindi parin ako makalimot?

Hinahanap hanap kita.

Hinahanap hanap parin kita maging sa mga hindi inaasang lugar:

Sa kwarto,

Sa mga ulap at tala,

Sa bawat salita ng paborito kong tula,

Sa mata ng mga taong araw-araw kong nakakasalamuha.

Ikaw — ikaw parin ang nakikita.

Mahal, naiisip mo rin kaya ako?

II. Gabi

Sinakop na ng dilim ang liwanag. Muling maghahari ang buwan at magsisilabasan na mga tala.

Humiga nalang ako kama. At kagaya ng isang sirang plaka, paulit-ulit binabagtas ng isip ko ang mga natitirang alaala mo.

Mahal parin pala talaga kita. Pero teka!

Pangako, itaga ko man ‘to sa bato, sinubukan kitang kalimutan.

Gumigising araw-araw dala ang mga ngiti at tawa. Kasama ng mga pagbabakasakaling hindi mo pagbisita sa magulo kong isipan.

Mahal, hindi parin malinaw sa’kin kung paanong hindi ako naging sapat. Kung bakit hindi “tayo” naging karapatdapat.

Nandito parin pala yung sakit.

At heto ako, ilang beses nang sumuko at sinabi sa sariling “huli na”.

Heto ako, katulad ng mga alon na pa-ulit ulit na humahalik sa dalampasigan — patulo’y parin sa pagbalik sa kung saan mo ako iniwan.

Heto ako, bukas ang mga braso para sa pagbabalik mo.

Mahal, andito parin ako.

Ikaw nalang ang kulang.

One clap, two clap, three clap, forty?

By clapping more or less, you can signal to us which stories really stand out.