Layo

Kasing gulo ka ng bagyong hindi malaman
kung gaano kalakas ang bubuhos na ulan
Kasing gulo ka ng lindol na nagaabang
na kung kailan darating, hindi ko alam
Kasing gulo ka ng aparador ko sa mga
pagkakataong hindi ko siya gustong ayusin,
tambak ng gamit, tambak ng dahilan,
pero alam kong kaya ko pang hanapin
ang bagay na kailangan.
Kaya kong hanapin ang ikaw na kailangan.

Pero ikaw,
Ikaw din ang nagsabing huwag na kitang hanapin.
Ikaw na rin ang nagsabing huwag na akong lumapit.
Ikaw na rin ang nagbitaw ng mga salitang,
natatakot ako,
hindi ko gusto,
hindi ikaw ang hindi ko gusto,
pero hindi ko gusto,
lumayo ka,
layo,
para sa atin pareho,
layo.

Huwag mo kong hayaang magalit lalo
sa sarili kong nalilito.

Ikaw, ikaw ang nagsabi nito.
Ikaw ang nagsabing lumayo ako.

Bakit hindi na lang ikaw?
Bakit hindi na lang ikaw yung mawala?
Bakit hindi na lang ako ang iwan,
bakit hindi na lang ikaw ang magkasala,
bakit ako pa ang kailangan lumimot
na ang iyo atang akala
ay sa pagtingin ko sa mga tala,
hindi ko iniisip na kasama kita,
gusto man lang maramdaman,
isang beses lang,
na makasama ka.

Kahit isang beses lang.
Kahit alam kong hanggang doon lang.
Kahit pagsapitin ang ating mga mata ng kahit saglit lang.

Bigyan mo ako ng pagkakataon.

Pero naiintindihan ko
na ikaw ay parang alon,
hindi malaman ang gustong gawin,
lalapit at lalayo,
makikita at maglalaho,
hindi ko naintindihan agad,
ngayon alam ko,
sana.

Sana.

Sana patawarin mo ako.

One clap, two clap, three clap, forty?

By clapping more or less, you can signal to us which stories really stand out.