Ang Baboy Kinakain, Hindi Ibinubulsa

Naalala ko, noong bata ako, kinuha ko ang bola ng kalaro ko upang itago sa aming cabinet. Trip lang, yun ang nasa isip ko. Wala naman akong seryosong dahilan upang itago ang bola, pero gusto kong makita ang magiging reaksyon niya kapag nalamang nawawala ang paborito niyang laruan.

Malamang ay hindi ako magaling magtago sapagkat natagpuan agad-agad ng kalaro koang bola. Dahil bata pa rin siya noon, at ang bata ay sinasabi kung ano ang nasa isip, kumuha siya ng laruang baril, itinutok sa akin, at sumigaw ng “Magnanakaw! Magnanakaw!” ng paulit-ulit.

Narinig ito ng mama ko; imbes na pagalitan ang kalaro ko sa pagiging over-acting, pinalo niya ako at pinagalitan. “Gusto mo bang tinatawag kang magnanakaw?!” sigaw niya. “Masama ang magnakaw! Kahit piso, kahit singko sentimos, kapag hindi sa iyo ay wag mong kunin. Manghingi ka na lang sa akin.”

Noong panahong iyon ay hindi ko maintindihan kung bakit ako ang pinagalitan, samantalang naglalaro lang naman ako. Pitong taong gulang ako noon at dalawampung tatlong gulang na ako ngayon, ngunit naririnig ko pa ring parang alingawngaw ang sigaw ng kalaro ko at pag-akusang ako ay magnanakaw, at nararamdaman pati na rin ang marahan na kurot sa aking braso ng mama ko. “Masama ang magnakaw.” “Humingi ka na lang sa akin.” “Gusto mo bang sinasabihan kang magnanakaw?”

Paulit-ulit, magnanakaw.

Itong partikular na karanasan kong ito noong ako ay bata pa ay aking pinanghawakan sa loob ng halos dalawang dekada. Masama ang magnakaw. Kahit piso, kahit singko sentimos, kapag hindi sa iyo ay huwag na huwag mong kukunin.

Kanina ay gumising ako ng alas-sais ng umaga kahit na ang sarap ng tulog ko at ang normal na gising ko kapag walang pasok sa trabaho ay alas-onse ng tanghali. Hindi ito pangkaraniwang araw. Nanakawan ako, hindi lang ng bola, kung hindi ng libu-libong pera na pinaghihirapan kong pagtrabahuhan araw-araw. Ang tax na sana’y napunta sa mga taong gusto kong tulungan, ang tax na ikinakaltas sa akin buwan-buwan, ay ninakaw ng mga walang kaluluwang lunod sa pera at kapangyarihan.

Guilty ako sa kasalanang maawain ako at mabigay sa mga pulubi. Alam kong mali ang maging enabler, katangahan na magbigay ng pamasahe sa hindi mo kakilala dahil lang naaawa ka, pero guilty ako sa kasalanang iyon at marami-rami na ring bata, matanda, may kapansanan, nasa bingit ng buhay, at kung anu-ano pa na binigyan ko ng pera dahil naawa ako. Yung iba totoo, yung iba gimik lang, pero wala na akong distinction. Pikit-mata, binibigyan ko sila ng pera, pagkain, at anu mang natitira sa bulsa ko. Sinubukan ko na itong itigil simula ng maloko ako ng isang modus operandi ng matandang nagpanggap na mamamatay na sa loob ng isang linggo, pero makalipas ang ilang buwan ay nakita na naman naming namimilipit sa sakit dahil isang lingo na lang daw siyang mabubuhay

Itinigil ko nang maging enabler, pero sa pamamagitan ng tax ko, kampante ako na nakakatulong akokahit papaano sa mga taong gusto kong tulungan. Kampante ako na ang ikinakaltas sa akin buwan-buwan ay napupunta sa programa para sa mga lolo, lola, mga bata,at mga tao sa kalye na walang matirhan. Mga taong araw-araw kong nakikita.

Pero hindi. Ang tax na pinaghirapan ko ay napunta sa mga mamahaling sasakyan, mga magagarang mansions at condo units, plane fare para makapunta sa awards night at maka-rubbing elbows si Justin Bieber, mga signature na damit na hindi naman bagay sa kanila o malamang ay itinabi para mabulok sa bath tub.

Mga walanghiyang magnanakaw.

200 Bilyon na sana ay nakatulong sa mahihirap. Na sana ay nagbigay ng pabahay at trabaho sa mga nangangailangan. Na sana ay ipinanggawa sa kalsada ng Buendia para hindi kami lumulusong sa baha dumura lang ng konti ang langit. Na sana ay naipambili ng mga amphibians o mga salbabida o kahit na ano pang makakatulong sa mga kababayan natinsa panahon ng bagyo.

Pero hindi, ninakaw ng mga walanghiya at walang pusong mga pulitiko na ibinoto mo, na ibinoto ko.

Masakit man ang legs ko ngayon dahil mahaba-haba rin ang pinadyak ko para makarating sa Luneta, masaya ako na may magawa man lamang kahit konti para ipamukha sa mga magnanakaw na hindi natin ito papalampasin. Nagpunta ako doon hindi para sa tax na ikinakaltas sa akin, kung hindipara sa mga taong gusto ko sanang tulungan na sa ilalim pa rin ng LRT nakatira ngayon. Para sa’yo, at para sa kaniya, at para sa bawat Pilipinong ninakawan ng mga taong sinubukan nating pagkatiwalaan.

Masama ang magnakaw.

Ang baboy, kinakain. Hindi ibinubulsa.

Makonsensiya na sana kayo.

One clap, two clap, three clap, forty?

By clapping more or less, you can signal to us which stories really stand out.