Maligayang Araw ng Kasarinlan
Magandang isipin na ang pagmamahal sa bayan ay katulad din ng pagmamahal sa isang tao—
at ang pagmamahal ay nakatali sa pagkilala sa taong iyon.
Sa ganitong paraan may pagmamahal na malalim, at may “pagmamahal” na mababaw; may nagmamahal ng tunay, at may “nagmamahal” ng tamad.
Sapat na ba na alam mo ang birthday ng isang tao para sabihing mahal mo siya? O ang kanyang e-mail address? Ang kulay ng kanyang buhok? Ang paborito niyang tatak ng damit?
At sa bayan—
Sapat na ba na alam mo ang isang petsa ng kasarinlan? Sapat na ba na pinanganak ka dito, o na alam mo ang kulay ng bandila?
Sapat na kaya na fan ka ni Manny Pacquiao, ng Azkals, o ng Gilas?
O alam mo ang lyrics ng ‘Lupang Hiniriang’?
Maganda ring isipin na tulad ng marami sa atin na may pagkakataong magmahal ng isang mabuting tao, may panghihinayang ako para sa mga hindi natutong magmahal ng malalim at tunay.
Ang ganda ng Pilipinas. Ang buti ng Pilipino. Ang galing ng kuwento natin.
Sayang naman kung hindi mo matututunang mahalin ang bayan na ito.
Duyan ng mga magigiting; lupa ng araw, ng luwalhati at pagsinta.