Poverty Line at Poverty Incidence: Pagsukat at Pagsubaybay sa Isyu ng Kahirapan

Tisha Evite
5 min readOct 18, 2018

--

Matagal nang usapin sa ating bansa ang kahirapan. Hindi rin maitatanggi na mahalaga para sa isang ekonomiya na malaman kung anong antas ng pamumuhay ang natatamasa ng mga mamamayan nito dahil isa ang standard of living sa mga nagpapahiwatig ng kabuuang kalagayan ng bansa.

50 porsyento ng mga Pilipinong sumagot sa survey ang nagsabing dapat nakaahon na sila kahirapan pagdating ng 2040. Source: facebook.com/AmbisyonNatin2040

Ang ating pamahalaan ay may layunin na matanggal nang tuluyan ang kahirapan sa bansa pagdating ng taong 2040. Nagmula ito sa Ambisyon Natin 2040, ang unang pinagtibay na dokumento na nagsasaad ng mga hangarin ng mga Pilipino sa loob ng 25 na taon. Kaya naman ang Philippine Development Plan (2017–2022) ay naka-ayon dito, pati na rin ang tatlo pang susunod na medium-term plans ng Pilipinas.

Ngunit, ano ang instrumentong ginagamit upang masubaybayan kung may pagbabago nga ba ang mga polisiya ukol dito? Dito na papasok ang mga konsepto ng poverty line at poverty incidence.

Ano at para saan ang Poverty Line?

Ang poverty line o poverty threshold ay tumutukoy sa kung magkano ang kailangan ng isang pamilya na may limang miyembro upang matustusan ang kanilang pangangailangan.

Figure 1. (Source: PSA)

Tinawag itong linya dahil ito ang naghahati sa mga nakakakamit ng halaga ng threshold sa isang buwan at mga pamilyang hindi (Figure 1). Ginagamit ito para malaman kung ilang porsyento ng populasyon ang itinituring na mahirap.

Paano nakukuha ang halaga ng threshold?

Kung pinaguusapan ay ang mga mahihirap sa Pilipinas, nararapat lamang na magmula ang datos sa bansang pinag-aaralan. Magkakaroon ng pag-over o underestimate sa bilang ng mahihirap kung hindi natin ito susundin.

Isang halimbawa ni Sicat (2003) ay kung pagbabatayan natin ang threshold ng Amerika, marahil lalaki nang sobra ang kabuuang numero ng mahihirap sa bansa dahil sila ay may mataas na halaga ng threshold, na umabot sa halagang $2,542 kada buwan o katumbas ng P 137, 799.

Gayundin, kung susundin ng Amerika ang threshold ng Pilipinas, marami ang maituturing na “mayaman” o may komportableng pamumuhay kahit na hindi naman totoo. Dapat nating tandaan na ang threshold ay nakabase sa sariling kalagayan, presyong hinaharap sa merkado, at iba pang salik.

Sa Pilipinas, naka-base ang balangkas ng poverty line sa Family Income and Expenditure Survey (FIES) na sinasagawa kada tatlong taon ng Philippine Statistical Authority (PSA).

May iba pang pamamaraan sa pagkuha ng threshold tulad ng:

  1. Food basket approach — kung saan kinukwenta ang suma ng presyo ng mga pagkaing magbibigay na sapat na energy intake;
  2. Self-rating method — na mismong mga respondente ang nagtatala kung tinuturing ba nila ang sarili bilang poor, non-poor o borderline (sakto lamang).
Figure 2. (Source: PSA)

Makikita sa Figure 2 na ang halaga ng poverty threshold ay tumataas habang lumilipas ang taon. Natural lamang na tumaas ang minimum na pangtustos ng isang pamilya kung ang presyo ng bilihin o inflation ay tumaataas din. (BASAHIN: Ano ang katotohanan sa inflation?)

Kung may datos na sa threshold, maari nang makwenta ang tinatawag na poverty incidence.

Ano naman ang ipinapahiwatig sa atin ng Poverty Incidence?

Ang poverty incidence ay nagsasaad ng porseynto ng kabuuang populasyon ang namumuhay sa ibaba ng poverty line.

Para sa pagpapadali ng diskusyon, sabihin nating may 5 tao sa isang lugar at ito ang kinikita ng kanilang buong household isang buwan:

  1. Juan — P 10,500
  2. Pedro — P 42,001
  3. Nene — P 29,800
  4. Balong — P 8,900
  5. Weng — P12,000

Kung susundin natin ang tantiya ng NEDA na threshold para sa 2018 (P 42,000), makikita natin na ang pamilya lang ni Pedro ang maituturing na may kakahayang tustusan ang kanilang pangangailangan. Sa paghanap sa poverty incidence sa partikular na grupo na ito, 4 sa 5 pamilya o 80% ang maituturing na mahirap.

Figure 3(Source: PSA)

Sa huling datos ng PSA, ang poverty incidence sa Pilipinas ay nasa 16% (Figure 3). Sa unang tingin, makikita nating bumaba ito ng halos 3% mula sa sinundang taon.

Ngunit ang magandang balitang ito ay hindi masyadong kahanga-hanga kung ikukumpara natin ang ating bilis sa mga kapitbahay natin sa rehiyong East Asia (Figure 4).

Figure 4. Pagbaba ng poverty rate base sa US$ 3.20/ araw kada 1% pagtaas ng Gross Domestic Product (GDP). (Source: World Bank)

Ilan sa mga dahilan na nilatag ng World Bank para sa pangyayaring ito ay:

  1. Ang maliit na paglago ng agrikultural na sektor ng bansa kung saan kabilang ang mayorya ng mahihirap sa bansa;
  2. Patuloy na income inequality o hindi pagkapantay-pantay ng kita ng mahihirap at mayayaman na pumipigil sa epektibo ng mga reporma ng gobyerno;
  3. Mga natural na kalamidad na nakakasira ng ani at mga gulong nakakasagabal sa pamumuhay sa lugar tulad ng Mindanao.

Bagamat hindi perpekto ang sukat ng poverty incidence dahil hindi nito naipapakita kung gaano kalayo ang isang tao sa poverty line, ito ang unang hakbang na ginagamit sa pagkilala kung ilan nga ba sa ating populasyon ang nananatiling kabilang sa mga mahihirap na pamilya.

Gabay din ang mga sukat na ito sa mga targeted programs ng gobyerno tulad ng “4 Ps” na isang uri ng conditional cash transfer at iba pa. Bukod dito, nakakapagbigay pa rin ito ng impormasyon na madaling mai-komunika sa iba nating kapwa Pilipino.

Mga Sanggunian

Sicat, G. P. (2003). Economics. Volume 3: Philippine Economic and Development Issues. Pasig City: Anvil Publishing.

The World Bank. (2017). Making Growth Work for the Poor: A Poverty Assessment for the Philippines.

Ang manunulat ay nagtapos ng BS Economics na may specialization sa Development Economics mula sa UP Los Baños. Siya ngayon ay nagsisilbi bilang Data Analyst sa Coins.ph.

--

--

Tisha Evite

Economist, Department of Finance | former Data Science analyst, Coins.ph | UPLB