Faux Dictionary: /sa·na/

[preposition]

Sa puntong ito, ang umaga ay katuwang pa rin ng kadiliman. Ang gabi ay kapos, at ang hamog nito’y nagkukumahog pa rin sa mga sulok at sahig, tahimik sa paghimlay nang natutulog pa na aparatong sumisingaw sabay ng init ng huling bahagi ng umaga.

Ginising ko ang makina, inusli ang imbitasyong lumipad sa ‘di pa nadidiskubreng parte ng kalawakang sakop ng hamog at kadiliman. At sa pagaatubili, hinila ko ito sa may nakapalipot na lubid at ikinarga sa hangin.

Ang nipis ng hangin ang nagbibigay duda sa akin, kung parehas lang ba ang grabidad sa espasyong kinabibilangan ko. Bawat antas na naaabot sa atmospera ay humihila palayo sa aking kabig, ang bigat ng mga araw na nagising lamang kasabay sa pagsinag ng liwanag.

Naalpas ko na ang bundok, naalpas ko na ang nalilipad ng mga nilikha, at lumulubog na ako, sa gitna ng kadilimang sinusuko ang sarili sa umuusbong na liwayway.

Pabalik na ang aparato sa kanyang paghimlay, namumuo na ang mga butil ng hamog sa mga nilikhang ‘di lumilipad, at ang katawan ko’y bumabagsak palayo sa kinagisnang kawalan, hinahatak ang sarili sa kinagugustuhang balantay kung saan walang gabi at walang umaga. Sana.