[~Walang Hangganan.]
*Piksyon. Ang modelo ng
Mundong umaalpas sa
Tanaw ng aking paningin
Distansyang abot ng mga paa
Alaalang maririnig muli mula
Sa tikom na pagkatiklop —
Nawawalang oras
Lulan ng nagpapalitang mga paksang
Nakapaloob sa espasyong
Pinamamagitan ng mga linya.
*Limitasyon. Dahil hindi magpapaangbot
Ang simula sa huli,
Ang harap sa likod
Ay hindi magtatagpo
Sa kanilang tipanan,
At ang mga ulap ay kailanma’y
‘Di sasalubong sa iyong mga yapak.
*Kasinungalingan. Sa pagwakas ng kakayahang maaninag ang nalalapit na lupalop, dugong lumulusong sa katawan nang mapaandar ang parito’t paroon ng aking inilululang alaala,
~Ang panahong tikom na natiklop ay magbabalikwas, at hindi magpapaangbot sa mga tiyak na espasyong nakapaloob sa mga nagpapalitang linya
*Sapagkat ito’y may hangganan.