Nasusunog na Bahay - Salitang Ugat Art Exhibit Performance
Uploading this piece again for Michelle. The difference between this and the second draft is probably only in the lineation as how it was performed. There might be differences in words but I don’t remember if there is any Hahaha.
I.
Nakatayo ako sa gitna ng sunog
mga nagaapoy na pader, nalalaglag na kisame, saradong mga bintana.
Nananatili ang usok sa loob at kahit na nakakasilaw ang apoy,
walang liwanag sa loob ng bahay na ito.
Itong bahay na nasusunog mula loob papalabas.
Nakapikit at kinakapa ang daan
at sa bawat bulag na pagabot sa kung saan
ay mapapaso.
Sinusubukan kong huminga
pero sa bawat hatak ng hangin sa dibdib
masasaktan ako’t ibubuga lang din
ang makapal na usok na nagmula sa aking sariling tirahan.
Inay, itay, naamoy niyo ba ang makapal na usok? Hindi ko alam kung saan iyon nagmula pero, nariyan -
makapal at maitim na hangin...
II.
Ang bahay na siguro ang isang malaking simbolo ng estado ng isang pamilya. Mayroong, malaki, maliit, malawak, masikip, maliwanag, madilim, maingay, tahimik. Repleksyon ito ng buhay ng isang pamilya. Kaya na lang siguro masaya ako nung unang wala pa akong kaalam-alam sa lahat ng nangyayare sa kabila ng mga puting pader ng ating bahay, Nay, Tay. Isang gabi, sumilip ako sa butas ng pader, isang maliit na siwang nung bata pa ako - na ngayo’y isa nang malaking espasyo na nagpapahiwatig ng nawawalang pantakip ng mga baho ng pagaasawa’t pagpapamilya. Sa siwang na 'yun, narinig ko ang boses niyo - sinasambit ang mga katagang "sira-ulo” "punyeta” "gago” "putangina”.
Inay, itay, punyeta naman ayoko nang marinig ang mga nagsisigawan niyong boses.
III.
Nung bata pa ko, tuwing hapon, lalabas tayo sa veranda at tuturuan niyo ako ng ingles, matematika, agham at kung ano-ano pa.
Ethics, o kung paano maging isang mabuting tao. Pinakaunang turo niyo sa"kin na dapat gumalang ang isang tao. Po at opo. Kumain ka na ba? Opo. Uminom ka na ba ng gamot? Opo. Osige maglaba ka, pagkatapos magtupi ka ng damit saka magplantsa, isama mo na yung plantsahin ng mga kuya mo, bumili ka rin pala ng bigas sa palengke saka ng gata, sabihin mo yung bagong gawa. Tangina naman… po. Itinuro niyo sa’kin na dapat akong gumalang sa nakakatanda. Pero sa pagdaan ng panahon unti unti ko ding natuklasan hindi naman nasusunod yun. Ni kayo ngang magasawa walang respeto sa isa’t-isa, pano pa sa iba. Sa hindi kilala, sa walang pake.
Ngunit kung may isang leksyon man akong hindi makakalimutan na itinuro niyo, ito ay ang mga pagaaral natin sa arkitektura. Sa inyo ko nalaman na mayroon palang mga tahanang maganda ang panlabas na porma, makulay at hindi tinipid sa pintura, makikinang na mga bubong, malalaking bintana at pintuang bumubukas magisa, ngunit pagpasok mo ay sasalubungin ka ng watak watak na kisame’t mga dagang naglipana. Inay, itay. Mga nabubulok na pundasyong tila nabugbog sa bawat bagyo ng pagaaway, linoleum na gutay gutay sa tuwing nagbabagsakan ang mga paa, mga bumbilyang napupundi na para bang gustong itago sa mga malaki kong mata ang mga kaganapan. Inay, itay, natutunan ko na hindi kailangang umalis ang isa sa inyo para tayo ay maging isang watak na pamilya. Itinuro niyo sa’kin na hindi lahat ng mga broken family ay nabubuo lamang ng magkahiwalay na asawa at mga anak na nawawala sa kanilang mga landas. Pwede naman din pala kung yung mga anak ay may sarisarili nang mundo’t walang pagtanaw na loob sa ugat na pinagmulan nila’t yung mga magulang. Hahaha yung mga magulang na hindi nagpapansinan. Yung mga magulang na poot at galit na lang ang natitira nilang damdamin sa isa’t isa Pwede naman pala eh.
Inay, itay, kailan ba kayo titigil sa pagaaway.
IV.
Ilaw at haligi. Ang mga magulang daw ang ilaw at haligi ng tahanan. Ilaw na siyang gabay ng pamilya at haligi na siyang susuporta sa pamilya san man ito tutungo. Naghahanap ako ng gabay ngunit napakadilim ng bahay sa kabila ng sunog, Inay, Itay. Ang mga kristal sa aranya ay nagniningning sa ating mga anino ang mga bumbilya’y pundido’t basag basag Naapakan ko ang mga bubog sa bawat hakbang ng aking paa’t mata Ang kisame’y nakapatong na s’aking balikat ang bubong ay nahahawakan na ng mga palad na sugat na sugat na sa kalawang NASAAN? Nasaan kayo. Ang mga tunay na kayo. Nasaan ang mga taong dapat gumaganap na ilaw at haligi ng tahanan. Hanggang kailan sisirain ng bahay ang sarili niya? Hanggang kailan magsasawalang pakialam ang dapat sanang bakal na pundasyon? Hanggang kailan susunugin ng mga kandila’t, gasera’t, mga bumbilya ang sarili niyang pinagluluklukan?
Inay, itay, naguusok na ang tahanan natin sa nagbabagang apoy. Hindi ako makahinga at hindi ako makakita sa kapal ng usok pero bakit lalo niyo pang ginagatungan ang impyernong ito.