Sino ang matapang? Sino ang kalaban? Kaya ba ng ‘Pinas ang mga dayuhang hukbo?

Yari Kagami
8 min readMar 23, 2020

--

*ipinost sa Facebook noong August 2019

Pambungad

Sunod-sunod ngayon sa balita ang hinggil sa panghihimasok ng China sa ating bansa. Sariwa pa rin sa atin ang tungkol sa pagbangga ng kanilang mga barko, sa bangka ng mga kababayang mangingisda sa Recto bank. Nagdulot ito ng malaking ahitasyon laban sa pambu-bully ng China, at may mga ilan ding may pangamba kung sasakupin ba nila tayo. Tatlo ngayon ang inilalabas na mga naratibo ng estado-militar hinggil dito.

Una, i-downplay ang mga nangyayari kesyo wala naman daw namatay (sa Recto bank), o kaya magsinungaling na walang pagbanggang nangyari, o kaya ilipat ang atensyon sa mga dilawan sa pagbring up sa SAF44 at iba pang trahedya ng dilawang administrasyon.

Pangalawa, gayahin ang sabi-sabi nina Robin Padilla na wag nating indahin ito dahil hindi natin kayang “talunin” ang China.

Ikatlo, umatake sa mga di armadong organisasyong nagpapanawagan sa pambansang soberanya, at gamitin ito ng militar para i-justify ang pagpapatupad sa mandatory ROTC; na kesyo mga duwag naman daw ang mga ganitong grupo na hanggang sa salita lang ang banat.

Talakayin natin ang mga nasabing punto, at tingnan natin: sino ba talaga ang matapang?

[1: Pagsisi sa mga dilawan muli]

Marami nang bumatikos sa ganyang lohika, at hindi ko na rin masyadong nakikitang umiikot ito sa social media. Parehong namumutiktik ng kapalpakan at atraso sa mamamayan ang rehimeng Aquino at Duterte. Hindi nae-excuse ng kasalanan ng isa, ang pagpapakatuta ng isa pa. Kung titingnan ang kasaysayan, sa ilalim ni PNOY nagkaroon ng legal na awayan sa China, pero minana niya rin ang daang-taong pagpapakatuta sa US, sa mga pagpapatupad ng mga programa mula sa militar (EDCA) hanggang sa mga social services tulad ng edukasyon (K-12).

Sa sobrang tagal nang naka-ugat sa kasalukuyang sistema ang kamay ng US, tila nakalimutan ng mga Pilipino ang kolonyal na interes ng US sa ating bansa, kahit ideklara tayong “independent.”

Sadyang si Duterte’y nagsusubok na humiwalay sa US para sa isa pang lumalakas na world super power — China.

Sa kabila man ng pagpapalit ni Duterte ng amo, hindi niya iglap na mabubura ang matagal nang kolonyal na relasyon ng US at Pilipinas, mula sa kultura (tingnan ang pagkahumalig sa American culture tulad ng social media na kalakhan ay galing sa kanila), politika (magbilang ng naluklok na presidente ng Pilipinas na walang “basbas” ng America), ekonomiya (pagpasok sa mall saan nanggagaling ang kalakhan ng produkto, ilang Mcdo na ba meron sa Pinas, bakit tila lahat ng sari-store kahit gaano kaliblib, ay may coke?) at militar (mismong ang AFP-PNP ay ini-anak at patuloy na “ginagabayan” ng militar ng US, at si Duterte mismo ay nagpapayag ng pagtatayo ng mga military facilities sa Pampanga, Palawan, Nueva Ecija, Cagayan de Oro, at Cebu city.)

Pero ito ang malinaw — ang tuta ay tuta; maiba man ang amo, tuta pa rin.

[2: World wars at mga imperyalista]

May mga nagtatanong kung aatake ba talaga ang Tsina. Long story short: maaari itong makipagdigma sa US, pero gusto niya itong iwasan.

Bakit? Dahil pareho silang imperyalistang bansa. Ano ang imperyalismo?

Ang imperyalismo ay pag-control, direct o indirect, sa buong panlipunang pamamalakad ng bansa para sa sarili nitong interes. Kaya kahit na sa legalidad, independent ang ating bansa, kung sa aktuwal kalakhan ng mga programa ng estado ay mas nagbibigay pakinabang sa imperyalista, nasa ilalim tayo ng imperyalismo — hindi tayo tunay na malaya.

Paano natin nasasabing dudulo sa digmaan ang galawan ng imperyalismo?

Sa kasaysyan ng pag-usbong ng imperyalismo, lagi itong nakikipag-agawan ng “teritoryo” sa iba pang imperyalista. Una, Hinahati ng mga imperyalista ang mundo sa usapin ng ekonomiya. Tingnan na lamang ang mga grupo tulad ng ASEAN, APEC, RCEP, BRICS, at iba pa.

Ang ganitong paghahati sa mundo, ay laging dudulo sa krisis sa politika kung saan kailangang hatiin muli ang mundo sa teritoryal na usapin — world war. Kaya nga ani ng isang Ruso noong unang bahagi ng 1900’s, ang world war ay hindi digmaan ng mga bansa, kundi digmaan ng mga naghaharing imperyalista’t mga kaalyado nilang rulling class sa iba pang bansa. Kaya kahit sinabi ng mga tao noon na ang World War I ay ang “war to end all wars,” dahil nananaig pa rin ang imperyalismo, wala pang isang siglo, nasundan ito ng sequel, at kumalat sa mararaming mas malilit na digmaan at proxy warfare.

Sa kasalukuyan, lalong umiinit ang tensyon sa pagitan ng US at China. Kung usapin ng digmaang pang-ekonomiya, patuloy pa rin ang trade wars ng dalawang bansa kahit na may pansamantalang “truce.”

Ani mismo ni retired Lt. Gen. Ben Hodges, maaaring magdigmaan ang dalwang bansa sa hinahanarap na 15 taon.

Pero ang sabi naman ng defense minister ng China, ayaw nilang makipagdigmaan, pero kung mangingialam ang US sa kanilang politka (halimbawa, ang usapin ng Taiwan), lalaban sila hanggang katapusan.

Bakit ayaw ng China sa gera? Dahil sa buong daigdig, ang US pa rin ang numero unong imperyalistang bansa sa ekonomiya at lalo na sa militar. Ang puhunan ng China ay nakabase sa yamang nagawa ng sosyalistang konstruksyon na natigil noong 70’s, at ngayon sila nagpapalawak ng kanilang kapital sa iba’ ibang anyo (tulad ng debt colonization). Samantalang ang US ay nangunang imperyalista pagkatapos pa lang ng World War II, na nagpababa sa kapangyarihan ng mga lumang imperyalista tulad ng UK, France, at Germany.

Kung hindi malayong magkaroon ng digmaan sa pagitan ng dalawa imperyalista, at kung hindi titindig si Duterte para sa kapakanan ng bansa’t gusto lamang isalba ang sarili, ang kanyang pagpapakatuta sa parehong bansa batay sa ihip ng hangin, ay mag-iipit sa atin dalawang nag-uumpugang bato.

[3: Pagsingit ng kampanya ng estado-militar na igiit ang mandatory ROTC]

Naiintindihan natin na sa ganitong panahon, lumalabas ang pagiging makabayan ng mga kabataang Pilipino. Makasaysayan ang papel ng kabataan sa pakikibaka para sa pagbabago; mula pa kina Bonifacio, hanggang sa kasalukuyan. At makikita natin kung bakit tingin ng iba’y dapat lamang silang magpakahusay upang maging handang mandirigma laban sa mga imperyalista.

Pero ilagay natin sa context ang mga bagay-bagay.

Una hawak ito ng AFP, at ang commander-in-chief ay walang iba kundi si Duterte. Matapang ka nga, pero ang institusyong ito ay pinamumunuan ng tuta. Kahit si Lorenzana ay pabago-bago ng sinasabi tungkol sa China. Sasabihin niyang mag nagiging stable ang sitwasyon sa WPS dahil sa ugnayan ng dalawang bansa, pero sasabihin niya rin na bully ang China.

Akala ng ilang tao rito sa lungsod na ang gigiting o matatapang ng AFP-PNP, pero sa nayon, ilan na bang mga magsasaka at katutubo ang pinatay ng mga ito? Ilang legal na welga na ba ang marahas na dinisperse ng PNP? Ilan na ba sa kanila at mga paramilitary na hawak nila, ang naging tagabantay ng mga lupain ng mga lokal o dayuhang landlord/businesses?

Bilib kayo sa mga kuwento ng sakripisyo nila sa Marawi, e tila nakalimutan niyo ang mga balita ng pagnanakaw na naganap noong panahong ito. At as of May 2019, may mahigit 50,000 pa ring residente ng Marawi ang hindi pa nakakabalik.

Pangalawa, hindi pagiging makabayan ang turol ng ROTC sa aktuwal.

Kung sincere ang estado na bumuo ng makabayang diwa sa mga kabataan, bakit nito binabawasan ang units ng pagtuturo ng kasaysayan at kultura ng Pilipino sa kolehiyo?

Ang tinuturo ng ROTC ay walang iba kundi bulag na pagsunod na nagtatago sa tabing ng mga salitang “patriotism.” Balikan na lang ang reaction ni Matteo Guidicelli sa mga nagpakita sa kanya na hindi naman talaga makabayan ang aktuwal na praktika ng AFP. “Stop talking,” ika nga niya — ganyan bumanat ang mga isip-pasista.

Dahil mismo sa ganyang bulag na pagsunod, at ultimo’y pasismo, naging “hot bed” ng abuso ang ROTC. Tandaan kung bakit nga ba tinanggal ang pagiging mandatory nito in the first place. At tandaan kamakailan lang ang balita ng pagpatay ng ROTC commander sa kapwa estudyante. Kahit sabihin pa ng AFP na hindi yan bahagi ng programa ng ROTC, open secret na talamak ang pang-aabuso sa karapatang pang-tao sa loob ng mga ganyang institusyon. Winawasak ng pasistang militar ang kritikal na pag-iisip, at kinukundisyon ang mg baguhang kadete sa sistemang namumutiktik ng entrada para sa abuso.

Sinasabi ng militar na kailangan nang i-push ang mandatory ROTC para makaharap ang China, kahit sila mismo’y di openly and consistently maka-condemn rito dahil sa utos ng kanilang panginoong Duterte. Ganyan lang ang nakikita nila pag sinabing conflict sa China, dahil mga utak-pulbura sila. Tingin nila masasagot lahat ng problema sa pagpapatahimik ng mga bala. Palibhasa’y ganyan ang ginagawa nila sa pangkaraniwang mga mamamayan.

Hindi porke handang sumabak sa digmaan, matapang na.

[4: Kung sakaling makaroon nga ng digmaan]

Kung hindi mabago ang kabuoang stance ng pamahalaan na igiit ang pambansang soberanya sa harap ng dalawang imperyalista, trapped tayo. Pero, gayunpaman dito na lalabas ang isa pang punto hinggil naman sa digmaan. Mayroon nga kasing mga lumalabas na justification na porket mas malakas sa bilang at armas ang China (at US din) kumpara sa atin, ay matatalo tayo agad, kung kaya dapat wag na lang indahin ang nangyayari sa West Philippine Sea.

Kailangang pag-aralan ang kasaysayan ng pakikidigma, ang mga seryosong naniniwala sa ganito.

Ang digmaan ay hindi naipapanalo ng armas lamang.

Balikan ang kasaysayan ng Pilipinas. Hindi tayo baguhan sa pakikipagdigma sa mga puwersang mas malakas sa atin sa bilangan lang ng tropa at ng armas. Simula pa lang sa mga kaso nina Lapu-lapu, Magat Salamat, Diego Silang, and rebolusyong 1896, at maging ang pakikidigma ng HUKBALAHAP noong iniwan na tayo ng mga Amerikano, naririyan ang mayaman ng karanasan sa digmaang asimetrikal, o labanan na hindi pantay ang lakas sa kabuoan.

May mga danas ang iba pang bansa sa pakikidigma laban sa mga malalaking dayuhang kolonisador at imperyalista. Andiyan ang mga bansa sa Africa tulad ng Haiti, mga bansa sa Latin America, at maging Vietnam na nanalo pareho laban sa US at China.

Ang digmaan ay naipapanalo sa pagkakaisa ng mga tao (military at civilian), sa husay sa estratehiya/taktika kung kailan lalaban at kailan aatras, kaalaman at panlililang sa kaaway. Hindi iyan pawang natatakdaan sa dami o lakas ng armas lamang.

Kung humantong sa puntong sinalakay tayo ng mga imperyalista, kinakailangan ng buong husay, tatag, at pagkakaisa ng mamamayang Pilipino para gapiin sila. Diyan nagmumula ang disiplinang bakal na lumaban.

Tandaan, bagamat mahuhusay ang baril at gamit ng mga imperyalista, kailangan pa rin ng taong kakalabit sa gatilyo. Mas madaling matalo ang hukbong hindi ganap na nainindigan sa ipinaglalaban. Walang justifiable na dahilan ang China para manalakay sa Pilipinas kundi payamanin ang mga naghaharing uri nila.

Tulad ng kaso ng US sa Vietnam, kapag nasira ang morale ng mga mananakop, mayroon naman silang uuwiang bansa.

Sa kabilang banda, wala nang ibang mauuwian o malilipatan ang kalakhan sa atin. Walang ibang mas higit na alam ang sarili nating bakod kundi tayo, at walang ibang magtatanggol ito nang may ubos-kayang lakas kundi tayo.

Sa ganitong pagkakataon, hindi puwedeng manguna ang mga tulad ni Duterte, na madaling isusuko ang laban para panatilihin ang sarili. Wala siyang pinagkaiba sa mga taksil tulad nina Aguinaldo sa harap ng mga Amerikano, at ng mga lokal na pinunong tumulong kay Legaspi’t mga Kastila upang salakayin ang mga Pilipinas.

Tanggalin sa isip na kaya tayo nasasakop ay dahil mahina tayo. Ang kasaysayan ng Pilipinas ay kasaysayan ng pakikibaka. Ang ating mga pagkatalo ay nagmumula sa kataksilan ng mga namumunong madalas ay nanggagaling sa mataas na uri sa lipunan. Hindi tulad natin na hindi kayang mangibang-bansa kapag nagkagipitan na, ganoon kadali sa kanilang isuko ang laban.

Matuto sa kasaysayan.

[Konklusyon: Ang paggiit sa Pambansang Soberanaya]

Ang punto, tulad nang nasabi na, ay hindi mangunang makipag-digmaan sa Tsina; bagkus, ay igiit ang soberanya ng Pilipinas sa kanyang kinikilalang teritoryo. Ang bias ng tunay na makabayang lider, ay laging nasa kapakanan at kasarinlan ng mamamayan ng bansa. Ngunit, kahit anong pagpapanggap ni Duterte na gumagamit lang siya ng “diplomatic tactics” sa usapin ng Tsina at US, kitang-kita na ang paling niya ay magpakatuta sa interes ng dalawa.

Hindi tayo ganap na malaya, mahaba lang ang tanikala — abot lampas pa ng South China Sea o ng Pacific Ocean.

Ilang siglo na tayong hinuhuthutan ng mga dayuhan at ng kanilang mga tuta sa ating pamahalaan.

Ang tapang na kailangan natin ngayon ay mapagpasyang paggiit sa ating pambansang soberanya, at pagpapanagot sa mga pinunong tinataksil tayo sa ibang bansa — kahit pa’y tinututukan nila tayo ng baril.

Wakasan ang imperyalismo, mapa-US o China! Singilin ang taksil na si Duterte! Patalsikin!

--

--