Sakaling magkita tayo sa kabilang buhay

Faci
Acad Oval
Published in
4 min readDec 27, 2016

Hindi ko sasayangin ang pagkakataon na masabi sa iyo ang lahat ng ito.

  1. Magaling ka pala ngumiti. Sa sobrang galing mo, napapahinto mo ang mundo ko. Nakakatamad nang patakbuhin ang aking mundo, kaya salamat sa iyo dahil may rason na ako para hindi huminto.
  2. Pasensya sa isang bagay na hindi ko naibigay sa iyo. Masyado akong nakain ng ninanais ng aking puso kaya nakalimutan kong meron pala akong kasama. Nakalimutan kita. Pasensya.
  3. Pinagsisisihan ko kung bakit ako iniwan ng tatay ko. Hindi naman siguro niya gagawin iyon nang walang dahilan. Ako ‘yong tipo ng tao na madalas naghahanap ng bagay sa malayo; kahit na meron na akong mahahanap sa tabi ko. Lagi akong naghahanap sa malayo. Lagi akong umaasa. Hindi ko masisisi ang sarili ko dahil wala akong tiwala sa sarili ko. Hindi ako makadama ng pag-ibig sa mga taong nakapaligid sa akin. Masama akong magmahal. Mabuti akong manakit. Wala akong alam. Wala. Dapat lang akong iwan.
  4. Lumipas ang maraming araw, ni hindi kita naalala sa gunita. Naghanap ako sa malayo — mula sa pag-ibig ng isang makata hanggang sa pag-ibig ng isang baliw. Sinuong ang lahat ng kahihiyan. Naalala kong mahirap lang ako. Naalala kong wala akong disenteng itsura. Naalala kong tao lang ako. Naalala kong meron palang ikaw. Meron palang ikaw.
  5. Aaraw-arawin ko ang pagkain ng cup noodles kasama ka, kahit pareho tayong maratay sa ospital dahil sa UTI.
  6. Sinubukan kong pumasa sa mga inaasahan mo para sa akin, pero napatunayan kong na hindi ako karapat-dapat para sa iyo.
  7. May pagkatanga pala ako paminsan-minsan. Hindi minsan, MADALAS. Madalas kahit yung sarili ko, hindi ko na maintindihan.
  8. Hindi ko pala masabi sa iyo na habang tinuturuan kita sa mga bagay na hindi mo maintindihan, tinuturuan ko ang sarili ko na mas maging bukas para sa iba.
  9. Masyado naman yata akong naging bukas.
  10. Kakaiwan lang ng kaibigan kong natulungan kong labis. Minahal ko yung babae, kahit patago. Iniwan ko siya dahil hindi ko siya naipagtanggol sa mga taong naninira sa kanya. Hindi ko siya naipaglaban dahil naniwala ako na hindi sila makikinig sa akin. Naniwala ako na gagawin ko nga ang mga bagay na sinabi ko sa kanya. Naniwala ako na nasa kanya ang mali.
  11. Pinagsisihan ko na umabot na ang kahibangan ko sa iyo. Sa iyo mismo. Pinasok ko ang kahihiyan. Pinasok ko ang mga bagay na nakapagpatunay sa akin na hindi ako karapat-dapat para sa kahit sino, na mahirap lang ako, na hindi ko kayang ibigay ang lahat para sa iyo.
  12. Maraming salamat dahil sa lahat ng kahibangan ko, sa iyo ko nakita na nagmahal ako nang tunay. Maraming salamat sa iyo dahil aking napagtanto na kahit kailan ay hindi magiging sapat para sa isang kagaya mo ang pagmamahal na wala sa oras, hinilaw ng pagkamabilis ng mga pangyayari, walang kasiguraduhan kung makikipagtagalan ang pag-ibig ko sa pagputi ng buhok mo, at ang pinaka-importante — kung para sa iyo ba talaga itong pag-ibig ko.
  13. Iniwan ko muna sila. Lumayo ako. Pumunta ako sa gulod. Umupo. Himinga. Sumigaw ng malakas hanggang sa mapaos. Inubos ang lakas. Saka umiyak. Napag-isip-isip ko na hindi ako nagiging totoo sa sarili ko. Noong iniwan ako ng tatay ko, hindi ako nagpakatotoo. Pinilit kong umiyak sa isang tabi sa paniniwala na wala akong lakas para pigilan ang bisig niya sa pagbukas ng pinto, palabas sa aming bahay, palayo sa amin. Noong ginawa ko ang lahat ng kahibangan ko, hindi ako nagpakatotoo. Ginawa ko ang lahat ng iyon sa paniniwalang mahal niyo ako at makukuha ko kayo at importante sa lahat ang pagmamahal kahit wala sa tamang panahon, wala sa tamang tao, wala sa tamang pagkakataon, wala sa kahandaan. Noong iniwan ako ng kaibigan ko, hindi ako nagpakatotoo sa sarili ko. Nanahimik ako sa paniniwalang wala akong magagawa, na hindi ako magiging sapat, na hindi ako makakatulong, na walang mangyayari. Noong minahal kita, hindi ako nagpakatotoo sa sarili ko. Minahal kita sa pag-aakalang sapat na ako para sa iyo, na kaya kong akapin ka sa panahong nagigimbal ka, na magagawa kong sungkitin ang mga bituin para sa iyo. Naniwala ako na ikaw na talaga, na ito na talaga, na tayo na talaga — -bulag sa katotohanang hanggang dito na lang talaga. Nagkahalo-halo na lahat. Sinikap kong ayusin. Pero nagsinungaling ulit ako. Pinaniwala ko ang sarili ko na may magagawa pa ako, na may pag-asa pa ako. Pinaniwala ko ang sarili ko na kaya ko pa, pagkat bakit pa ako maniniwala sa katotohan kung binuhay na ako ng kasinungalingang gumabay sa akin sa paghahanap sa pag-ibig na hindi ko madama sa mga taong nakikita ko sa paligid ko at ako namang si tanga ay naghanap iba.
  14. Magpapakatotoo na ako sa sarili ko. Ayoko na. Tanggap ko na. Pasensya ka na. Nakita kita bago ko iyon ginawa. Ikaw pa rin yung taong nagpaalala sa akin kung ano nga ba ang pag-ibig na nararapat. Ikaw pa rin yung taong may malaking pisngi, may mabilog na mata, unat ang buhook. Magaling ka pa rin sa pagpapahinto ng mundo ko. Pero tama na. Ako naman ang magpapahinto ng pag-ikot ng mundo ko. Sawa na ako. Sawang-sawa na.

Pahabol: Kung sakali ngang pumarito ka na, sundan mo lang ang amoy ng cup noodles sa langit. Ako iyon! Aaraw-arawin ko ang pagkain ng cup noodles kasama ka dahil wala ng UTI sa langit. Kumain tayo habang pinakikinggan ko ang mga sasabihin mo sakaling magkita tayo sa kabilang buhay.

--

--