Siguro

Faci
Acad Oval
Published in
1 min readJul 18, 2016

--

Siguro kung ikaw lang itong kausap ko ngayon, malamang sa malamang eh nagtatawanan na tayo. Magsisimula tayo siguro sa mga panahong pareho tayong pumalpak sa buhay. Pag-uusapan natin iyon, lalagyan ng re-enactment, gagayahin yung boses, tapos bigla tayong hahalakhak. Grabe ka tumawa: hindi malakas, hindi mahina, pero may hinhin na hinahanap-hanap ko.

Siguro kung ikaw lang itong kasama ko ngayon, malamang sa malamang eh nagpabuhat ka na sa likod. Bigla ka na lang yayakap sa likod ko. Ang amoy mong kinaadikan ko ay siyang sasakop sa buong isipan ko at lalasunin ito para buhatin ka. Biglang titibay ang mga tuhod ko dahil nasa likod na kita. At sa pagkakataong iyon, maglalakad tayo. Babagalan ko para damhin ko ang tibok ng puso mo. Dadamhin ko ang buhok mong may kiliti ng pag-ibig. Kasabay ng kalbaryo ko sa bigat mo ay ang mga bulong mo sa puso mo ng salita ng pag-ibig- na kung siguro’y napasaakin ay madalas kong pakikinggan bago matulog.

Siguro kung ikaw lang itong minamahal ko ngayon, malamang sa malamang ay masaya ako. Ako lang, pagkat kahit kailan ay hindi naging akin ang mga yakap na iyon, ang buhok na iyon,ang boses na iyon, ang katulad mo, ikaw. Hindi ka kailanman naging akin. HInding-hindi.

--

--