Pipiliin ko ang Tag-araw
Para sa mga single na may hangaring dakila
Para sa mga piniling mag-isa
Narito ako para sabihing, “Di ka nag-iisa.”
Paranaman sa may kapareha,
Sa taong pinili ang pagsinta,
Nais kong ipaalam, kasama ka rin sa tula.
Ang pamagat ng tulang ito ay, “Pinipili ko ang tag-araw.”
Alalahanin, ang huling oras na nakaramdam ng pag-ibig
Huling beses na napakinggan ang isang tinig,
Tinig na sa gitna ng ingay ay malinaw sa pandinig — Ano nga ba ang pag-ibig?
Emosyon lamang ba at kilig,
Mga salitang ‘mahal kita’ na nangggagaling sa bibig, ilang ulit nang narinig?
Kagaya ng halamang kulang sa dilig,
Yan ang maagang pagsali sa laro ng pag-ibig.
Minsan panalo, minsan talo, madalas may kapalit
Masaya ngunit saglit
Masarap, bagamat puno ng pasakit.
Nagsimulang matamis, nagtapos na mapait.
Yan ang hagupit ng pag-ibig na pinilit.
Ang tamang pag-ibig sa maling panahon ay maling pag-ibig.
Huli na nang marinig ko ang kasabihang ito,
Sumulong na ako sa bagyo, walang payong o sombrero
Sinugod ang unos makarating lang sa kinaroroonan mo
At doon, natagpuan natin sa isa’t isa ang masisilungan.
Naisip ko, okay lang magkasipon basta kasama ka maghapon
Okay lang na maubo basta’t napakinggan ang iyong kwento.
Di ninais na tumigil pa ang ulan kahit sobra nang nalalammigan,
Ngunit kinailangang tumigil ng ulan.
Kasabay ng huling patak nito ang aking paglisan.
Oo, pinili kong lumisan. Pero hindi, hindi ko inakalang hindi mo ko pipigilan.
Bawat hakbang papalayo ay singsakit ng karayom na tumutusok saking puso,
Ngunit anong silbi ng pananatili, kung natatanging ulan lang ang ating tali?
Mas mabuti pang bumili ka ng payong, at bibili ako ng sa akin.
Nang sa gayon, hindi lamang ulan ang magpapalapit sa atin.
Dahil di ako naniniwala sa other half na konsepto.
Diba’t mas mainam nga na magtagpo ang dalawang tao na di kalahati, ngunit buo?
Kaya’t sa muling pagkikita, pipiliin kong hindi piliin ka.
Sa halip, sa pagpatak ng ulan, titiisin ang lamig ng mag-isa.
Pipiliin ko ang tag-araw, sa kabila ng matinding pagsinta
Dahil ang pagpili sayo ay pagpili sa kaligayahang pansamantala.
Pipiliin ko ang tag-araw, dahil ang pag-ibig ay di lamang emosyon
Ito’y pagtitiyaga; ito’y isang desisyon.
Pipiliin ko ang tag-araw, habang nakatingin sa hinaharap
Natutunan kong matanggap na di lahat ng pangarap nararapat mahanap.
Kaya pipiliin kong di pumili, hangga’t ang ulan ay kasinlakas parin ng dati,
Hangga’t di pa kayang tumayo sa sarili
Hangga’t di pa ako buong naniniwala
Na hindi lahat ng makakapagligtas sa iyo ay tama,
At hindi lahat ng makakapagpasaya sa iyo ay biyaya.
Pagdating ng tag-araw, yayakapin ka ng mahigpit.
Sa ilalim ng sinag at matinding init,
Sasabihin sa sarili, “Tunay ngang sulit ang bawat saglit
Na pinili kong iwasan ang pag-ibig na pilit.”