Thomasians-Angelicans Pinagyaman ang Wikang Filipino sa Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2021

ANGELICUM NTH
UST ANGELICUM NTH
Published in
4 min readJun 1, 2022

Isinulat nina Dareen S. Al Hamesh at Keith Candice M. Millado

Tuwing sasapit ang buwan ng Agosto ay ipinagdiriwang ng UST Angelicum College ang Buwan ng Wikang Pambansa bilang pagkilala sa ating pambansang wika na Filipino. Sa pagdiriwang na İto, samot-saring mga gawain ang inihanda upang gunitain ang kagandahan at kahalagahan ng ating wika sa kasalukuyang kultura at tradisyon na mayroon tayo. Ang tema ng Buwan ng Wika para sa taong ito ay: “Filipino at mga Wikang Katutubo sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino” na naglalayon na bigyang pansin ang daan-daang katutubong wika sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang Wika ay isang paraan ng komunikasyon na tumutulong sa bawat isa na maipahayag ang kanilang mga ideya at pananaw. Sumasalamin ito sa ating pagkatao at pagkakakilanlan na dapat ay iginagalang at isinasabuhay natin sa lahat ng oras. Sa pamamagitan ng ating Wika, tayo ay nagiging tanyag upang makilala at mapanatili ang pagkakaisa ng ating bansa. Ang ating wika ay hindi lamang tungkol sa pagsasalita at komunikasyon dahil maaari rin itong maging sa anyo ng sining at kagandahan. Ang ating wika ay maaaring nasa panitikan na maaaring mamulaklak sa iba’t ibang paraan. Ang isang tula, halimbawa, ay isang natatanging paraan ng paggamit ng ating wika upang ipahayag ang ating damdamin. Mayroon tayong mga Epiko na nagsasalaysay ng ating mga hindi nakalilimutang bayani. Bukod dito, ang mga kuwento ay maaaring hango sa pamamagitan ng wika, na nauuri bilang mga maikling kwento, alamat, at pabula.

Isa sa mga suliranin na kinakaharap ng bansa ngayon ay ang pagkamatay ng ating mga katutubong wika. Mayroong mahigit 120 na katutubong wika sa bansa, ngunit dulot ng globalisasyon, pag-unlad ng teknolohiya, at impluwensiyang kolonyal ay wala na ang ilan sa mga ito. Ang bilang ng mga Pilipino na gumagamit ng sariling wika ay bumababa at kadalasan ay dayuhang wika na ang inaaral ng mga tao na siyang nagiging resulta ng pagkawala ng mga wika at paglaho ng mayamang kultura ng bansa. Pagkakaroon ng suliraning panlipunan at pangkultura sa pagitan ng iba’t ibang etniko na nagdudulot ng diskriminasyon at kawalan ng pagkakapantay-pantay sa bawat lahi. Madalas na ang pagkakaroon ng kaguluhan at hindi pagkakasundo dahil sa kakulangan ng pag-unawa sa saloobin at nais sabihin ng bawat isa.

Ang Komisyon sa Wikang Filipino katuwang ang Kagawarang Filipino ng UST Angelicum College ay naghahangad na hikayatin ang mga Thomasians-Angelican na gamitin at pagyamanin ang kanilang pambansang wika. Nagpasya ang paaralan na magsagawa ng mga paligsahan at webinar na nilahukan ng mga mag-aaral upang maipamalas nang lubos ang kanilang mga kakayahan. Ilan sa mga aktibidad na naganap ay ang poster-making contest, pagsalaysay at pagsulat ng kwento, spoken word poetry, at kasuotang Pilipino na bukas para sa mga mag-aaral mula sa Basic Education Department. Ang pangunahing layunin ng mga aktibidad na ito ay maipamalas ang kaalaman at maging pamilyar sa mga wikang katutubo ang mga Thomasian-Angelicans at maihahalintulad ito sa kasalukuyang tema o paksa ng Buwan ng Wikang Pambansa.

Sa pamamagitan ng Buwan ng Wikang Pambansa, ipinaalala sa atin ng ating mga ninuno ang mga pagsubok at kasaysayang hinarap ng ating bansa na sana ay magsilbing gabay para sa magandang kinabukasan ng ating bayan. Dapat isabuhay ng bawat mamamayan ang kahalagahan ng pagiging makabayan sapagkat nasa atin ang kapalaran ng susunod na henerasyon. Ang lahat ay posible sa kagandahan ng ating wika, anuman ang anyo nito. Sa pamamagitan ng kayamanan nito, lumilikha tayo ng pagkakaisa at pagyakap sa lahat ng ating mga talento sa paghubog ng yaman ng ating wika na humahantong sa pagkakasundo ng ating ngayon.

Tandaan natin na anuman ang uri ng aktibidad na maaari nating salihan, ang pangunahing layunin natin ay ang matuto, mahalin, at yakapin ang ating sariling wika. Sa huli, ang ating wika ang siyang dahilan kung bakit ang ating lahi ay bukod-tangi sa buong mundo kung kaya’t nararapat na huwag natin ito kalimutan at patuloy na pagyamanin ito. Ang wikang Filipino ang siyang ipamamana natin sa susunod na henerasyon at magiging sandigan nating mga Pilipino.

--

--