YS 10 at YS 11 Nakibahagi sa Webinar ng Sining ng Pagsasaling-Wika

ANGELICUM NTH
UST ANGELICUM NTH
Published in
3 min readJun 1, 2022

Isinulat nina: Dareen Al Hamesh at Keith Candice Millado

Ang Departamento ng Filipino ay inanyayahan ang mga mag-aaral ng UST Angelicum College sa baitang YS 10 at YS 11 noong Setyembre 24, 2021 upang makibahagi at magtamo ng kaalaman sa kanilang inihandang online webinar. Ang tagapagsalita na si Prof. Lakandupil C. Garcia ang nabigyan ng imbitasyon upang ibahagi ang kanyang kaalaman sa naganap na webinar na may temang “Sining ng Pagsasaling Wika.” Ang naganap na webinar na ito ay bahagi ng selebrasyon sa pagdaraos ng Buwan ng Wika na nakatuon sa pagsupil ng kolonisasyon sa pag-iisip ng mga Pilipino.

Ang webinar ay sinimulan sa pamamagitan ng isang panalangin na pinamunuan ni Jazlyn Luisa C. Ortiz mula sa YS 11 at ng dalawang tagapagdaloy ng programa na galing sa YS 11 na sina Paola Friya Anika A. Sampelo at Charles Benedict A. Sayson. Kasama ang Departamento ng Filipino, ipinakilala nila ang tagapagsalita na si Ginoong Lakandupil C. Garcia na bihasa sa iba’t-ibang larangan. Siya ay nagtapos ng Bachelor of Arts in Filipino, Master, at Doctor of Education. Isa rin siyang Licensed Professional Teacher.

Nakasentro ang talakayan sa kung paano ang wastong paraan ng pagbaybay ng mga salita at ang tamang pagsasalin mula sa wikang dayuhan patungo sa wika ng bawat etniko. Itinuro din ni Ginoong Garcia ang mga hakbang sa paggawa ng artikulong nakasalin sa Filipino at ang mga karaniwang pagkakamali na hindi napapansin ng mga manunulat. Matapos ang pag-aaral ay naghanda ng katanungan si Prof. Lakandupil C. Garcia upang suriin ang natutunan ng mga dumalo. Bukod dito, nagbigay ng mga halimbawa ang tagapagsalita upang maging gabay ito sa mga mag-aaral kung wasto ba ang kanilang ginagawa o hindi. Sa huli ay nagkaroon ng pagkakataon ang lahat na magbigay ng katanungan na siyang sinagot ni Prof. Garcia.

Sa huling bahagi ng programa ay may iniwang mensahe ang punong guro na si Gng. Irene Barrios Gopez bilang bating pangwakas at ganun din ang Departamento ng Filipino na nagbigay ng pasasalamat sa lahat ng dumalo sa kanilang inihandang webinar. Iginawad ang sertipiko ng pagkilala sa pakikilahok kay Ginoong Lakandupil C. Garcia sa pagbabahagi at paglinang ng pag-iisip ng bawat isa sa Sining ng Pagsasaling-Wika.

Tiyak na may mga aral at mahahalagang impormasyon na nakuha ang mga mag-aaral mula sa aktibidad na ito at inaasahan ng UST Angelicum College na ang bawat Thomasian Angelican ay magkaroon ng pagmamahal sa sarili nilang wika at pagyamanin nila ang kanilang kaalaman sa kagandahan ng wikang Filipino.

Tandaan na ang wika ay ang kaluluwa at salamin sa pagkatao ng isang bansa.

--

--