Diaspora ng isang Beauty Queen: Venus de Milo ng mga Nasyon

Maria Kristelle C. Jimenez
Assortedge
Published in
10 min readDec 14, 2019
Ang pageantry ay naging bahagi na ng kultural at politikal na diskurso makalipas ng apat na dekada. Ngayon at patuloy na lumalawak ang kinabibilangan nito, maituturing na nga ba itong daan upang makapaghatid ng adbokasiya ang mga kababaihan? Larawan: Assortedge

Ganda at talino. Heto ang pangunahing pamantayan para sa pagpili ng mga kandidatang ilalahok sa taunang beauty pageants. Ang beauty pageants, maging ito ay nasa lokal o global na entablado, ay isa sa mga buhay at produktibong industriya ng kaganapang-kultural. Kaya naman, hindi kataka-taka na magmula sa lokal na patimpalak, umabot na ang kasikatan ng pageantry hanggang sa internasyonal na lebel. Ngayon, mayroong apat na kinilalang pangunahing beauty competitions: ang Miss International, Miss Earth, Miss World, at sa ginanap na Miss Universe kamakailan lamang.

Katulad ng boxing, itinuturing ang pagsubaybay sa beauty pageant bilang isang komunyal na gawî ng mga Pilipino. Ang bawat baryo, munisipyo, siyudad, at bayan ay nagkakaroon ng taunang patimpalak bilang bahagi ng pista’t iba pang okasyon — na siya rin namang sinasalihan ng iba’t ibang kadalagahan at sinusuportahan ng manunuod. Maituturing na isa sa matinding panatiko ang mga Pilipino sa mundo ng beauty contest. Hindi ito kataka-taka lalo na’t isa ang Pilipinas sa itinuturing na crazed pageant fans sa buong Asya, maging sa buong mundo. Laman ng internet, mga pahayagan, at maging sa social media ang mga kaganapan sa patimpalak, lalong higit sa sinusuportahang kandidata.

Sa loob ng halos isang siglo magmula nang lumaganap ang tradisyon ng pageantry sa iba’t ibang panig ng bansa; samu’t saring suri, komentaryo, at babasahin ang nagtalâ ng ebolusyon ng kultura ng pageantry. Ayon kay Banet-Weiser (1991), ang konsepto ng beauty pageant ay hindi lamang “umiinog sa isang kongkretong depinisyon”. Hindi lamang ito isang patimpalak, o isang paraan upang mangkundena ng naiibang tradisyon, o isang pagbuo ng pamantayan sa pagtukoy ng kagandahan at katalinuhan, o isang pagsasangkapan ng pagiging isang babae, o isang paraan upang maging reaksyunaryo ang isang nasyon: ang beauty pageant ay ang mga bagay na ito at higit pa.

Paggalugad sa Binuong-Espasyo: Diaspora ng isang Beauty Queen

Si Catriona Gray at Pia Wurtzbach ay ilan lamang sa mga halimbawa ng diaspora ng mga kandidata sa mga beauty pageants, o mga kababaihang nagmula sa transnasyunal na lokasyon. Si Catriona Gray ay isang Australyano-Pilipino, habang si Pia Wurtzbach naman ay isang Aleman-Pilipino. Larawan: Good News Pilipinas

Sa mga nagdaang internasyonal na beauty pageants, maraming kandidata ang produkto ng diasporikong pinagmulan, o pagsasalin-lahi ng dalawang magkaibang nasyon. Nagkakaroon ng paglawig ng espektro ng pamantayan sa pagpili ng reyna ng kagandahan sa bawat nasyon. Dahil dito, binuksan na rin ang mga institusyon ang pinto ng beauty pageant sa pagtanggap ng mga kandidatang transnasyunal.

Ilan sa mga ito ay ang Miss Universe 2018 na si Catriona Gray, isang Australyano-Pilipino; Miss Universe 2015 na si Pia Wurtzbach, isang Aleman-Pilipino; at Miss Universe 2019 first runner-up na si Madison Anderson Berríos, isang Puerto Rikano-Amerikano.

Gayunpaman, hindi tuluyan ang pagtanggap sa diaspora ng mga kandidata mula sa iba’t ibang nasyon. Ibinahagi ni Chong (2006) ang isang insidente sa Miss Chinatown kung saan kinundena ang pagsali ng isang transnasyunal na kandidata. Maraming bahagi ng mundo ang nagkakaroon ng hindi-maiapaliwanag na takot ng “pagkawala ng kultura” sa pamamagitan ng paglalahok ng transnasyunal na kandidata.

Sa ginawang pananaliksik ni Schackt (2005) hinggil sa regularisasyon ng isang lokal na patimpalak para sa mga kababaihan ng Maya India, isa sa mga bahagi ng patimpalak ay ang pagsusuot ng tradisyunal na kasuotan. Maliban sa kagandahan, nagiging pamantayan na rin ng ilang nasyon sa pagpili ng kandidata ang cultural authenticity o ang pagsasalarawan ng tugmang detalye ng pang-araw-araw na buhay at wika ng isang kultura.

Nagkakaroon ng kahuwaran ang preserbasyon ng kultura ng isang nasyon, dahil sa patuloy na pagwawangis sa kulturang Kanluranin. Sa ginawang pagsusuri nina Rondilla at Spickard (2007), tinananong nila ang ilang Asyano-Amerikanong kababaihan kung “Mas Mainam ba ang Maputi?”, kung saan halos-palaging tugon ng mga kababaihan ay ‘oo’. Sa ginawang pag-aaral ni Ashikari (2005), napag-alaman niya na ang pagpapaputi ng mga Haponesa ay hindi lamang upang gayahin ang kulturang Kanluranin, kundi upang ipagtibay ang simbolismo ng kabuuang kulay ng balat ng nasyon ng mga Hapon. Sa kasalukuyan, hindi maikakaila na ang pangunahing pamantayan ng kagandahan sa buong mundo ay nakabase sa perspektibong Kanluranin. Mula sa kanilang depinisyon nakadepende ang [re]produksyon ng tatanghaling mga “perpektong babae” ng mga nasyon.

[Re]produksyon ng “Perperktong Babae”

Sa Pilipinas, laganap ang pagkakaroon ng boot camp, o mga lugar kung saan nag-eensayo ang mga kandidata. Inaabot ng humigit-kumulang na walong oras kada araw ang pagsasanay na ito. Larawan: AFP

Ayon kay Becker (1984), ang pag-aaral ng popular na kultura ay hindi na lamang nakatuon sa kultural na kasangkapan o simbolo bilang babasahin, kundi pati na rin sa proseso ng produksyon. Mayaman ang beauty pageant sa simbolismo at kultural na produksyon. Naging pangunahing interes ng mga akademiko, mananaliksik, at kritiko ang simbolismo at kulturang umiinog sa pagbuo ng “perpektong babae”: ang pangunahing tao na nagsisilbing representasyon ng tradisyon, kultura, at lahi — o ang Venus de Milo ng isang komunidad.

Sa malawak na depinisyon, ang beauty queen ay isang babae (kadalasan ay cisgendered), na pinili ng mga grupo ng tao upang maging kinatawan at simbolo ng kanilang komunidad. Ang paraan ng deliberasyon ay sa pamamagitan ng beauty pageant; na nagkakaiba batay sa konteksto, lugar, at binuong pamantayan ng nag-organisa ng patimpalak. Ang mapipiling kandidata ay tatanghaling reyna, kung saan sa loob ng isang panahon (madalas ay isang taon) ay itatampok ang kaniyang sarili, suot ang napanalunang korona at setro — ang dalawang pangunahing sumisimbulo sa kaniyang kaganapan bilang reyna. Gayunpaman, ang mga regulasyon na binubuo ng mga institusyon ang siyang nagtatakda sa [re]produksyon ng kanilang tatanghaling perpektong babae.

Dito sa Pilipinas, talamak ang pagkakaroon ng pageant training camps, o mga lugar kung saan ang mga nais maging kandidata sa mga beauty pageant ay nagsasanay upang maging kinatawan ng Pilipinas sa mga kompetisyon. Sa artikulong “How the Philippines became a beauty pageant superpower”, ibinahagi rito ang proseso ng brutal na pagsasanay ng mga Pilipina upang pumasok sa pamantayan ang kanilang postura, paglakad, pagkilos, at maging pagmumukha. Suot ang halos dalawampung sentimetro na high heels, ang mga mag-aaral ay paulit-ulit na pag-aaralan ang kanilang lakad, galaw ng baywang, ngiti, at salita. Ang beauty boot camp na ito ay tumatakbo sa loob ng anim na araw sa loob ng isang linggo, at inaabot hanggang madaling araw.

Kamakailan lamang, naging usap-usapan ang inilabas na collage ng The Times of India, isang lokal na pahayagan sa India. Kapansin-pansin ang pagkakaroon ng parehong kulay ng balat, haba ng buhok, hugis ng mukha, at katawan ng 30 kandidata ng Miss India ngayong taon. Magmula dekada ’90, matindi ang paghahanda ng mga kandidata — mula sa pagpapanatili ng balingkinitang katawan, hanggang sa pagpapaputi. Hindi maikakaila na malaking pamantayan sa pagpili ng kandidata ay ang pagkakaroon ng mas maputing balat, na siyang tinututulan ng ilang kritiko. Kada taon, isang daang milyon na produktong pampaputi ang ginagawa’t naibebenta sa mga kababaihan ng India.

Upang mapanatili ang pagiging pangunahing bansa sa pagbuo ng mga perpektong babae, matindi ang regularisasyong binuo ng Venezuela sa loob ng mahabang panahon. Sa loob ng anim na dekada, pinanatili ng Venezuela ang kanilang istriktong pamantayan sa vital statistics ng mga kandidata. Ang optimum body ratio nila ay 90:60:90 o siyamnapung sentimetro para sa dibdib, animnapung sentimetro para sa baywang, at siyamnapung sentimetro para sa balakang. Dahil dito, nagkaroon ng pangangailangan ang mga kandidata na magkaroon ng mga matitinding operasyon: mula sa pagpapatambok ng puwet at dibdib, pagpapatangos ng ilong, maging pagpapatanggal ng bituka. Sa loob ng murang edad, inilalapit na ang mga batang babae sa marahas na produksyon ng perpektong babae. Ang mga batang babae na nasa walong taon ay tinuturukan ng hormones, o mga kemikal na kinakailangan upang maging matangkad at gumanda ang hubog ng katawan.

Talamak ang kultural ng [re]produksyon ng mga kababaihan upang tumugma sa isteryotipikal na depinisyon ng mga reyna ng kagandahan. Sinusugan ito ni Edmondson (2003), kung saan kinumpara niya ang proseso ng [re]produksyon sa “isang natural na yaman, katulad ng langis, upang buuin at ibenta sa ibang bansa para sa pagpapayaman ng nasyon”. Maituturing ang beauty pageants bilang pabrika kung saan ang mga kultural na simbolismo ng pagiging isang “perpektong babae” ay patuloy na kinakasangkapan, itinuturing na komodoti na paulit-ulit na gagawan ng replika upang maipagpatuloy ang pagwawangis sa kulturang pinaghalawan nito.

Venus de Milo: May mukha at tinig, ngunit walang kamay

Noong Oktubre 2019, ginamit na simbolo ang istatwa ni Venus de Milo ng Femen, isang kalipunan ng mga peministang Pranses. Sinisimbulo ng Venus de Milo ang angking kagandahan ngunit may kawalan ng tulong. Larawan: The Art Post Blog

Makalipas ng isang siglo, marami nang pagbabago ang nangyari sa mundo ng beauty pageant. Hanggang ngayon, sumisimbolo pa rin ang mga kandidata bilang Venus de Milo ng kanilang nasyon. Bagama’t nagkaroon ng mukha at tinig ang ilang usaping pang-kababaihan sa tulong ng beauty pageant, mayroon pa ring kakulangan at kawalan ng kamay — dahil sa panandaliang tugon ng mga patimpalak na ito walang-katapusang diskurso sa kaganapan ng pagiging isang babae.

Sa tipikal na regularisasyon ng mga patimpalak, kinakailangan na nasa edad 18 hanggang 26 taong gulang, hindi pa kasal, at hindi pa nagkakaanak. Sa ilang bansa, isa rin sa tinitingnang pamantayan ay ang nasyonalidad ng kandidata. Sa Japan, kinakailangan na limampung porsiyento ng iyong nasyonalidad ay mula sa purong Hapon. Isa rin sa karagdagang pamantayan sa ibang bansa ay ang kakayahan ng kandidata na magsalita ng pambansang wika ng sariling nasyon at wikang Ingles. Sa Pilipinas, naging kultura ang paggamit ng wikang Ingles at ang hindi pangangailangan ng translator — sa kabila ng pagkakaroon ng pambansang wika.

Maging ang sekswalidad at kasarian ng mga kandidata ay tinitingnan din ng mga institusyon. Matatandaan na tinanggalan ng korona bilang Miss America si Vanessa Williams matapos malaman ang homosekswal niyang kasarian at ang paglaganap ng kaniyang mga larawan sa Playboy Magazine. Gayundin, hindi pa rin ganap ang pagtanggap sa mga transekswal na kababaihan, at ang paglahok nila sa pambabae na beauty pageants. Nagkaroon ng matinding pagpapalitang-kuro ang pagtanggap kay Ángela Maria Ponce Camacho, ang kauna-unahang transekswal na ginawaran ng Miss Universe-Spain noong 2018.

Maraming kritiko ang umuusig sa regularisasyon na binubuo ng mga kinatawan ng beauty pageants. Inihahayag din ng mga kritiko ang kontradiksyon ng beauty pageant kung saan isinasapubliko ang pagdiriwang ng pagkakaiba habang may ikinakabit pa ring pamantayan — na nagpapalaganap ng liberal, at Kanluraning paniniwala ng peminismo at kasarinlan. Ayon kay Blum (2002), itinuturing ng kalipunan ng patimpalak na “karespe-respeto” ang isang babae kung siya ay “birhen, heterosekswal, pasibo, hindi pa namumulat, at hindi pa naikakasal”. Hanggang ngayon, ang konotasyon ng beauty pageant ay nakagawî pa rin sa kinagisnang pamantayan — o ang pagbuo ng “perpektong babae” sa wangis ng isang babaeng Kanluranin. Nakainog pa rin ang pamantayan ng mga patimpalak sa isteryotipikal na depinisyon ng isang babae: maputi ang balat, kulay-mais ang buhok, mapula at manipis na labi, maliit na katawan, may balingkinitang pangangatawan.

Kaibahan, Kababaihan, Kaganapan: Pagkundena sa Opresyon

Tinanggalan ng korona si Veronika Didusenko matapos malaman ng kawani ng Miss World-Ukraine ang pagkakaroon niya ng anak. Larawan: Reuters

Bagama’t namamayani pa rin ang opresyon sa kababaihan, hindi naging hadlang sa mga itinanghal na Venus de Milo ng kanilang nasyon na gamitin ang kanilang mukha at tinig para ipahatid ang kaganapan ng pagiging isang babae. Dahil sa pagkakaroon ng reporma sa mga regularisasyon, dahan-dahang nitong nabubuksan ang pagtanggap sa beauty pageant bilang espasyo ng mga kababaihan upang ibahagi ang kanilang sarili — sa posibilidad ng pagbabago ng imahen ng beauty pageant bilang paraan ng pananangkapan sa mga babae. Maraming mga kandidata na ginamit ang beauty pageant bilang pedestal ng pagbabahagi ng kanilang adbokasiya.

Nakiisa ang iba’t ibang beauty queens sa #AsSheIs movement, isang adbokasiya sa social media na naglalayong ipagdiwang ang natural na mukha ng mga kababaihan. Ibinahagi nina Catriona Gray, Pia Wurtzbach, Gazini Ganados, at iba pang kandidata ang kanilang mga larawan na walang bahid ng kolorete, kalakip ang mga personal na mensahe hinggil sa pagtanggap sa bawat bahagi ng mukha ng kababaihan.

May ilan ding kandidata na binuksan ang usapin hinggil sa regulasyon ng beauty pageants. Isa sa mga kasalukuyang kumukundena rito ay ang hinirang na Miss World-Ukraine 2018 na si Veronika Didusenko. Bumuo si Didusenko ng #RightToBeAMother campaign trend sa kaniyang Instagram account — isang pagtuligsa laban sa regulasyon na binubuo sa mga internasyonal na beauty pageants na humahadlang sa mga kababaihan na lumahok kung sila ay wala na sila sa edad, mayroon nang anak, o kasal na.

Nagkaroon din ng paninimula sa pagbabago ng mga regularisasyon sa mga patimpalak. Isang pagpoprotesta laban sa karahasan ang naging panguhahing tema ng Miss Universe-Peru noong 2017. Sa halip na magbahagi ng vital statistics ang 23 na kandidata, ibinahagi nila ng mga istatistika hinggil sa mga pang-aabuso sa mga kabataan at kababaihan. Ito ang nagbigay-daan upang magkaroon din ng reporma ang institusyon ng Miss Venezuela ngayong taon — kung saan hindi na ililimbag at ilalabas sa mga lokal na pahayagan ang vital statistics ng mga kandidata.

Maging ang dahan-dahang pagtanggap sa mga transekswal ay nagbibigyan na rin ng pansin. Makalipas ng 67 taon, nagkaroon ng kauna-unahang transekswal sa buong Asya bilang kandidatang kalahok ng Miss Universe. Naitalâ ni Swe Zin Htet, ang Miss Myanmar ngayong taon, ang pagpapalawig ng depinisyon ng pagiging isang babae.

Sa pagtatapos ng araw, ang mga kababaihang bahagi ng patimpalak na ito ay siya pa ring Venus de Milo ng kanilang nasyon — mga mukha at tinig ng iba’t ibang adbokasya ngunit may kakulangan o kawalan ng kamay upang mapalawig ang kanilang kaganapan. Nawa’y hindi lamang panandalian ang pagbibigay-mukha at pagbabahaging-tinig para sa mga kababaihan. Na sa oras na matapos ang patimpalak at masarhan ang pinilakang tabi ay matapos na rin ang kanilang kaganapan.

Magsilbing hamon at patuloy na paglaban ang pagbabagong nagaganap sa simbolismo ng beauty pageant sa mga susunod pang taon. Dahil sa huli, ang kababaihan ay higit pa sa iginawad sa kaniyang korona at setro.

PINAGKUNAN:

Ashikari, Mikiko (2005). Cultivating Japanese Whiteness: The “Whitening” Cosmetics Boom and the Japanese Identity. Journal of Material Culture.

Banet-Weiser, Janet (1999). The Most Beautiful Girl in the World: Beauty Pageants and National Identity. Berkeley, CA: University of California Press.

Becker, Howard (1984). Artworlds. Berkeley, CA: University of California Press.

Blum, Linda M. (2002). Body Wars, the Clash of the Paradigms. Qualitative Sociology.

Chong, Jia-Rui (2006). Tiaras, Sashes, Diversity. Los Angeles Times.

Edmondson, Belinda (2003). Public Spectacles: Caribbean Women and the Politics of Public Performance. Small Axe March.

Rondilla, Joanne L. and Spickard, Paul (2007). Is Lighter Better? Skin Tone Discrimination Among Asian Americans. New York: Rowman and Littlefield.

Schackt, Jon (2005). ‘Mayahood Through Beauty: Indian Beauty Pageants in Guatemala.’ Bulletin of Latin American Research.

--

--

Maria Kristelle C. Jimenez
Assortedge

Independent publisher, writer, and researcher. Sex worker. EIC, Vox Populi PH. AEd, Revolt Magazine PH. Founder, Rebo Press. Email: maria@voxpopuliph.com