Pagtatanggol sa Tagapagtanggol

Angela Mae
Blank Sheet
Published in
4 min readFeb 26, 2018

Nagsilitawan na ang mga bakas ng paghilom ng saping osona (mas kilala sa Ingles bilang ‘ozone layer’) na pumapaibabaw sa kontinente ng Antartika, ayon sa pananaliksik ng ilang siyentipiko sa Massachusetts Institute of Technology (MIT).

Ang osona ang nagsisilbing tabing sa kalangitan na pananggalang ng ating daigdig sa mapaminsalang ultrabiyoletang sinag ng araw. Ito ay isang suob na may tatlong atomo ng oksiheno at may kemikal na komposisyong O3. Ayon sa mga dalubagham, ang pagkabutas ng saping osona ay sanhi ng pagdami ng greenhouse gases at ang pinaka-epekto nito ay ang pag-init ng daigdig.

Unang ginawa ng mga siyentipiko sa kanilang pagsusuri ay ang pagsukat ng tama sa saping osona gamit ang mga weather balloons na nakabase sa Syowa Station, Antartika at sa mga istasyon sa South Pole, kabilang na rito ang groundbased na mga kasangkapan at satelayt.

Inilalantad sa pananaliksik na isa’t kalahating milyong milya kwadrado ang nabawas sa saping osona, batay sa kanilang naitalang mga sukat na ginawa sa bawat Setyembre ng taong 2000 hanggang 2015. Ang laki na ito’y katumbas ng apat na milyong kilometro kwadrado na mas mas malawak pa sa lupain ng India.

Ang pananaliksik papel na inilimbag sa periyodikong ‘Science’ ay naglalahad na ang pagtakda ng pagbabawal ng chlorofluorocarbon (CFC) ay nakatulong sa pagbawas ng masasamang epekto. Kabilang sa mga kinikilalang Ozone Depleting Substances (ODSs) ay ang mga kemikal na nakapaloob sa mga aerosol cans at pridyeder. Subalit, ang mga piling kemikal na ginagamit na panghalili sa mga mapaminsalang chlorofluorocarbons (CFCs), na mga mabisang global warming gases, ay nag-aambag sa patuloy na pagakyat ng emission rates. Umaabot ito sa pitong porsiyento taunan at tiyak na ito’y lubhang makakaapekto sa pagbabago ng klima. Ito ay umaaligid sa atmospera nang mahigit limampung taon, na nangangahulugang ang saping osona ay hindi maituturing na ganap na naghilom hanggang sa mga taong 2050 o 2060. Tantiya nila na umabot sa tugatog ang produksiyon ng mga ozone-depleting gases sa hulihan ng taong 1990s at magbuhat doo’y dumausdos na pababa.

Ang matagumpay na pagsasakatuparan ng 1987 Montreal Protocol, na ang layunin ay ang pagbawas ng Ozone Depleting Substances, ay nangangahulugan na maaaring asahan ang panunumbalik ng 1980s na anyo ng ating saping osona, bagama’t marahan.

“There are positive indications that the ozone layer is on track to recovery towards the middle of the century” (May mga positibong indikasyon na nagpapahiwatig na ang saping osona ay nasa landas na ng paghilom sa umaabot na kaligitnaan ng siglo), banggit ni U.N. Under-Secretary-General at UNEP Executive Director, Achim Steiner.

Sa isang pahayag, kaniyang idinugtong: “The challenges that we face are still huge. The success of the Montreal Protocol should encourage further action not only on the protection and recovery of the ozone layer but also on climate.” (Malalaki pa rin ang mga hamon na ating kinakaharap. Ang tagumpay ng Montreal Protocol ay dapat gawing tunguhin sa paghimok ng aksyon hindi lamang sa pagtatanggol at pagpapagaling ng saping osona kundi sa klima rin). Sa isang ulat, tasa ng UN na kung hindi nagsagawa ng sama-samang kasunduan sa bawat bansa ay hindi malayong magkaroon ng higit sa dalawang milyong kaso ng kanser sa balat sa lahat ng dako ng mundo pagdating ng taong 2030. Ang atmosperang antas ng ozone depleting substances ay tataas ng makasampu sa darating na 2050 kung hindi naipasa ang Montreal Protocol.

“We can now be confident that the things we’ve done have put the planet on a path to heal” (Taas-noo na nating masasambit na ang lahat ng ating ginawa ay nagbunga ng pagkalunas ng winasak nating planeta), sabi ni Professor Susan Solomon ng MIT na namuno sa internasyonal na pangkat ng mga mananaliksik.

Kabilang sa pangkat nina Solomon sina Diane Ivy, isang siyentista sa Department of Earth, Atmospehric and Planetary Sciences, at iba pang mananaliksik mula sa National Center for Atmospheric Research sa Boulder, Colorado, at sa Unibersidad ng Leeds sa United Kingdom.

--

--