3Pol Tropol Huli Ka Balbon!

CInEMA
CBCPCINEMA
Published in
4 min readJan 14, 2020

Ito’y nagibigay-pag-asa at nagbabalik ng pananampalataya ng mga manonood sa mga opisyal ng pamahalaan — sa gobyerno man o kapulisan.

Technical assessment: 3 ★★★✩✩
Moral assessment:
3 ★★★✩✩
CINEMA rating:
V 14
MTRCB rating: PG

Estudyante pa lang ng pagpu-pulis si Apollo “Pol” Balbon (Coco Martin) nang sagipin niya ang buhay ng Defense Secretary Guillermo (Rowell Santiago) sa isang engkuentro. Kaya naman nang maging ganap nang pulis si Pol, agad siyang namasukan at kinuha bilang personal bodyguard ni Secretary Guillermo. Sa kasaamang palad, maa-ambush si Secretary Guillermo dahil sa nalalaman nito ukol sa krimen ng iligal na pag-aangkat ng armas. Mapagbibintangan si Pol bilang suspek sa pag-ambush at mapipilitan siyang magtago at mag-panggap bilang babaeng si Paloma upang makatulong na rin sa pag resolba sa krimen at para na rin maingatan at protektahan ang anak ni Secretary Guillermo na si Trina (Jennilyn Mercado). Kailangan lamang mahanap ni Pol ang ledger na magpapatunay na wala siyang kinalaman sa krimen. Hanggang saan kaya siya dadalhin ng paghahanap sa ledger habang unti-unti ring namumuo ang damdamin niya para kay Trina?

Isang karaniwang action-comedy ang 3Pol Trobol, Huli Ka Balbon. Walang bagong inihain kung tutuusin — ngunit hindi maitatangging mahuhusay ang mga tauhang nagsiganap dito. Ito ang pinaka-bentahe ng pelikula — ang husay ni Martin lalo na sa pagpapanggap bilang babaeng si Paloma. Kapani-paniwala kasi si Martin bilang babae, bagama’t hindi kapani-paniwala ang sitwasyon, napaniwala pa rin nito ang mga manonood na maaari nga siyang

maging tunay na babae. Walang itulak kabigin din ang husay ng iba pang nagsiganap — bagay na nakasagip sa kung tutuusi’y gasgas na kuwento. Hindi rin maayos ang hagod ng emosyon dahil sa bilis ng mga pangyayari sa pelikula — marahil maari na itong palagpasin sapagkat kung tutuusi’y plot driven ang pelikula: nakatutok sa mga pangyayari at hindi sa pagpapalalim ng karakter. Sa kabilang banda, nagawang ibalik ng 3Pol Trobol, Huli Ka Balbon ang naghihingalong genre ng Action-Comedy. Sa ganitong batayan, masasabi nang pasado na rin ang pelikula sa kabuuan. Yun nga lang, sana’y mas iangat pa nito ang kaledad ng paglalahad ng kuwento upang hindi naman maging insulto sa kakayanan ng manonood na magsuri at mag-isip.

Kung usaping moral ang pag-uusapan, marami namang mapupulot sa 3Pol Trobol — una sa lahat, napaka-dalisay ng pagkatao ni Pol. Magalang na anak, tapat sa tungkulin, may respeto sa kababaihan. Mga katangiang bihirang mahanap sa kalalakihan, lalo na sa sangka-pulisan na karaniwang inilalarawan bilang mga babaero at kontrabida ng lipunan. Sa pelikulang ito, ibinalik ang nararapat na paggalang sa mga nakauniporme — na siya naman talagang dapat. Maging ang karakter ni Yorme (Mayor Isko Moreno) na nanatiling malinis maging sa pelikula ay kahanga-hanga. Nariyan din ang kakaibang tapang sa pakikipaglaban para sa katotohanan. Ang 3Pol Trobol, Huli Ka Balbon ay nagibigay-pag-asa at nagbabalik ng pananampalataya ng mga manonood sa mga opisyal ng pamahalaan — sa gobyerno man o

kapulisan. May mga tiwali at kawatan, ngunit may mga may mabubuti pa ring kalooban. Kung ang lahat lamang ay handang mamatay para sa ikabubuti ng bayan, marahil maiibsan ang malalaki nating suliranin bilang isang bayan. Ngunit hindi pa rin maitatanggi na bagama’t hindi maiiwasan, may mga eksena pa rin ng karahasan ang pelikula na maaring hindi angkop sa mga batang manonood. Kung kaya’t hinihikayat ng CINEMA na gabayan pa rin ang mga bata sa panonood at ang pelikulang ito ay nararapat lamang sa mga may edad 14 pataas. — RPJ

DIRECTOR: Rodel Nacianceno CAST: Coco Martin, Ai-Ai delas Alas, Jennilyn Mercado, Sam Milby, Edu Manzano,Tirso Cruz III, Carmi Martin, Joey Marquez, Mitch Valdes, John Prats, Jojit Lorenzo, Mark Lapid, Bianca Manalo, PJ Endrinal, Super Tekla, Boobsie Wonderland, Marc Solis, Lester Llansang, John Medina, Donna Cariaga, Noong Ballinan, Joven Olvido, Sancho de las Alas, Bassilyo, Smugglaz, Happy, Soliman Cruz, Jhong Hilario, Ping Medina, Kim Molina, Pepe Herrera, Long Mejia, Lou Veloso, Marissa Delgado, Whitney Tyson, Bernard Palanca, Ali Khatibi, Paolo Paraiso and Ivana Alawi, Rowell Santiago, lsko Moreno. SCREENWRITER: Rodel Nacianceno, Noreen Capili PRODUCER: CCM Film Productions EDITOR: Rodel Nacianceno MUSICAL DIRECTOR: GENRE: action comedy CINEMATOGRAPHER: DISTRIBUTOR: CCM Film Productions LOCATION: Philippines RUNNING TIME: 110 minutes

--

--

CInEMA
CBCPCINEMA

The film rating and classification board of the Catholic Bishops' Conference of the Philippines.