Buy Bust

Nakababahala na pinakita ang tahasang pagbabalewala sa buhay at kawalan ng pag-asa na makaahon sa pagkakasadlak ang lugmok na lipunan

CInEMA
CBCPCINEMA
5 min readAug 10, 2018

--

DIRECTOR:
Erik Matti
LEAD CAST:
Anne Curtis, Brandon Vera, Victor Neri, Arjo Atayde, Levi Ignacio, Nonie Buencamino, Lao Rodriguez, Alex Calleja, Ricky Pascua
PRODUCERS:
Vincent Del Rosario, Veronique Del Rosario-Corpus, Erik Matti
EXECUTIVE PRODUCERS:
Vic del Rosario, Jr., Ronald “Dondon” Monteverde
STORY:
Erik Matti
SCREENPLAY:
Anton Santamaria, Erik Matti
PRODUCTION DESIGNERS:
Michael Español, Roma Regala
COSTUME DESIGNER:
Loi Villarama

EDITED BY:
Jay Halili
CINEMATOGRAPHY:
Neil Derrick Bion
MUSIC BY:
Erwin Romulo, Malek Lopez
FIGHT DIRECTOR:
Sonny Sison
GENRES:
Action, Crime
PRODUCTION COMPANIES:
Viva Films, Reality Entertainment
DISTRIBUTED BY:
Viva Films (Philippines), Well Go USA Entertainment (North America)
COUNTRY:
Philippines
LANGUAGE:
Filipino, English
RUNNING TIME:
2 hr 6 min

Technical assessment: 3.5 ★★★✩✩
Moral assessment:
2.5 ★★✬✩✩
CINEMA rating:
V18
MTRCB rating: R16

Kasama ng bago niyang squad ay muling naghahanda para sa susunod niyang misyon ang anti-narcotics police agent na si Nina Manigan (Anne Curis) sa ilalim ng pagsasanay ni Lacson (Victor Neri). Naubos ang unang squad ni Nina at apektado pa din sya ng sinapit ng kanyang mga kasama kaya determinado sya na di na maulit ang nangyari. Di naman nagkukulang ang trainor nila na si Lacson sa pagpapaalala na para maiwasan ang katulad na pangyayari ay mahalaga ang pagsunod sa order ng pinuno, maging team player at pangalagaan ang bawat isa. Sa bagong drug buy bust mission ay magtutungo ang bagong squad kasama ng asset sa Tondo upang mahuli ang target na si Biggie Chen (Arjo Atayde) subalit makakatunog ang ka-deal ng asset magbabago ng plano kung saan gaganapin na ang buy bust sa lugar na tinatawag na Gracia Maria, isang kilalang lugar ng mga squatters at droga. Magsisimula ang operasyon ng ika-7 ng gabi at maingat na papasukin ng squad ang masikip na lugar. Subalit bago pa man sumapit ang ika-9 ng gabi ay matutunugan na ang buy bust at mapapalaban na ang squad. Mawawalan sila ng signal upang tumawag ng back-up hanggang tuluyan silang maiwan sa laban at mahihirapan hanapin ang daan palabas sa looban dahil pati mga taong bayan sa lugar ay tutugisin din sila at walang tutulong sa kanila ituro ang daan palabas. Bago sumikat ang araw ay masasakote naman ni Nina ang target na si Biggie at malalaman niya mula rito kung sino ang mga malaking “Judas” na kasabwat niya sa hanay ng pulisya.

Malinaw naman ang mensahe ng pelikula kung pagmumulat sa publiko ng kabulukan sa gobyerno kaugnay sa pagpapatupad ng programa laban sa ipinagbabawal na droga ang layunin nito. Naihatid naman ito sa kabila ng mga butas sa kwento. Nagtuturo ng taktika para maging gabay sa pagsasagawa ng operatiba ang tagapagsanay ng squad at base sa intelligence report ang mga inpormasyon, pero bakit tila hindi pinag-aralan mabuti ang lugar ng Gracia Maria na pinapasok nila at inalam ang mga daan palabas. Gumamit pa ng timer para ipakita kung ilan oras na sila naliligaw na parang nasa kagubatan na pinaglalaruan ng mga elemento at isa-isang mapatay. Bagamat aksyon ay di maiwasan na mabagot sa panonood ng mga pinahabang eksena ng madugong labanan at walang habas na patayan lalo na at gabi ang eksena kaya madilim ang mga kuha ng camera. Gayunpaman, makatotohanan ang setting na slum area. Gayundin ang ang galaw, hitsura, pananalita ng mga tao at kaakibat na sound bites. Akma ang ginamit na pag-iilaw at epektibo bilang simbolo ng madilim na labanan sa magdamag hanggang sa pagsilay ng liwanag sa umaga. Nasa konteksto ang mga murahan at pagsambit ng mga bulgar na salita. Nakatulong ang mga inilapat na musika sa pagpapaigting ng mensahe. Malakas ang dating ng drone shot sa huling bahagi habang naka voice over ang broadcast news tungkol sa enkwentro. Sa kabuuan ay makikitaan ng sinseridad ang direktor sa paghahatid ng pelikulang tumatalakay sa talamak na isyu ng droga, kahirapan at korupsyon sa lipunan.

Wala na ba talagang halaga ang buhay ng tao may pakinabang man o wala sa lipunan basta sa ngalan ng droga? Sa dalawang oras na takbo ng pelikulang Buy Bust ay pawang patayan ang nasaksihan hindi lang sa pagitan ng magkalaban kundi pati mga galit na mamayan — lalaki, babae, bata at kabataan. Mga bihasa at armado ng mga improvised na pasabog, sima at patalim. Kahit ang tao na nagpahayag ng paghahangad na matapos ang kaguluhan at pandadamay sa kanilang kabitbahayan sa lugar ay nanguna rin sa pagtugis sa mga nagpakilalang police. Ang mga alagad ng batas na dapat ay nagpoprotekta sa mamayan ay pinapain ang mga kasamahan na matapat sa tungkulin para mapatay ng mga mas pinoprotektahan nilang kriminal. Nakitaan naman ng malasakit sa isa’t isa ang mga kasapi ng swuad subalit bahagya lamang kumpara sa mas mahabang exposure ng kawalan nito. Sa huli kahit ang natitirang tumupad sa tungkulin ay pinili pa rin iliko ang tama sa halip na ilaban ang katotohanan. Isang lugmok na bayan ang pinakita sa Buy Bust. Bagamat malinaw na layunin ng pelikula na magmulat sa publiko ng mga dapat malaman sa likod ng mga napapabalita sa media at iniuulat ng gobyerno sa bayan, nakababahala na pinakita na tahasang pagbabalewala sa buhay at kawalan ng pag-asa na makaahon sa pagkakasadlak ang lugmok na lipunan. IBD

--

--

CInEMA
CBCPCINEMA

The film rating and classification board of the Catholic Bishops' Conference of the Philippines.