Firefly

CInEMA
CBCPCINEMA
Published in
5 min readJan 5, 2024

Ang pelikulang ito ay isang napakagandang paglalarawan kung paanong nananaig ang pag-ibig sa pagitan ng isang ina at ng kanyang anak sa kabila ng mga pagsubok sa buhay.

Technical assessment: 4.5 ★★★★✬
Moral assessment:
4.5 ★★★★✬
MTRCB rating: PG

CINEMA rating: VA (Viewers of All Ages)

Ang Firefly ay kapwa kuwento at paglalakbay. Pinatutunayan ng awtor (Dingdong Dantes) sa isang journalist na ang kanyang aklat, “Firefly”, na umani ng gantimpala ay hindi kinopya lamang, kungdi isang orihinal, hinalaw mula sa mga alaala ng kanyang kabataan. Isasalaysay niya ang kuwento kung saan ang bida ay isang batang nagngangalang Tonton (Euwenn Mikaell) na walang ibang hinihiling kungdi ang maging matapang. Busog siya sa pagmamahal ng kanyang inang si Elay (Alessandra de Rossi) na siyang nagbukas ng kanyang isipan sa makulay na mundo ng mga kuwento, lalung lalo na ang kuwento kung paanong ibinibigay ng mga alitaptap ang hiling ng bawa’t taong makakatunton sa “isla ng mga alitaptap” sa Ticao, Bicol. Ito rin ang kuwento na siyang magdagdala kay Tonton sa isang paglalakbay kasama sina Mang Louie (Epi Quizon), Erika (Ysabel Ortega), Billy (Miguel Tanfelix), at Aling Carmen (Yayo Aguila).

Payak lamang ang daloy ng buong pelikula, ngunit ang paglalahad nito ay ginamitan ng makulay at de-kalidad na animation. Walang tapon sa performance ng mga nagsiganap sa pelikulang ito bagama’t ang pinakamakinang ay yaong kina de Rossi at Mikaell. Kung tutuusin, hindi ganoong kahaba ang screen time ni de Rossi ngunit ang kanyang pagganap ay isa sa mga bagay na nagdala ng pelikulang ito. Hindi sapat ang salitang “napakahusay” para ilarawan kung gaano niya binigyang katuturan ang buong istorya. Nakadagdag rin sa impact ang voice over ni de Rossi sa mga piling eksena sa pelikula. Tinapatan naman ang husay ni de Rossi sa pag-arte ni Mikaell na hinirang na Best Child Actor ng MMFF 2023.

Isa pang katangi-tanging bagay sa pelikulang ito ay ang cinematography at directing. Ang kanilang paggamit ng natural lighting hangga’t maaari ay nagpatingkad sa ganda ng kapaligiran. Tampok sa pelikula hindi lamang ang magagandang tanawin sa bansa, partikular na sa Bicol, kungdi pati na rin ang mga alamat na nauugnay sa kanila. Kapansin pansin rin ang matalinong paggamit ng mga kulay para sa partikular na mga karakter. Sa madaling sabi, napakahusay at masining ang kabuoan ng pelikulang ito.

Higit sa lahat, ang Firefly ay isang napakagandang paglalarawan kung paanong nananaig ang pag-ibig sa pagitan ng isang ina at ng kanyang anak sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Sa umpisa, ang nais hilingin ni Tonton sa mga alitaptap ay maging matapang. Sa huli, hindi na niya kailangan pang hilingin ito dahil ang payak ngunit malalim niyang pag-ibig sa kanyang ina ang nagpatatag at nagpatapang sa kanya. Ngunit hindi niya magagawa ang huling hiling ng kanyang ina kungdi dahil sa mga taong sumama sa kanyang paglalakbay patungo sa isla ng mga alitaptap. Napakagandang paalala nito sa mga manonood — na hindi tayo kailanman nag-iisa sa paglalakbay sa buhay. May mga taong handang umagapay sa atin at handa tayong tanggapin sa kabila ng lahat. — ANL

DIRECTOR: Zig Dulay; LEAD CAST: Alessandra de Rossi, Euwenn Mikaell; CINEMATOGRAPHY: Neil Daza; PRODUCTION COMPANY: GMA Pictures, GMA Public Affairs; EDITING: Benjo Ferrer; MUSIC: Len Calvo; DISTRIBUTOR: Axinite Digicinema Inc.; GENRE: Fantasy, Drama; COUNTRY: Philippines; LANGUAGE: Filipino, Bicolano; RUNNING TIME: 103 minutes

English language version:

Firefly is both a story and a journey. The author (Dingdong Dantes) proves to a journalist that his award-winning book, “Firefly,” is not plagiarized but an original work, drawn from his own childhood memories. He narrates the story where the protagonist is a young boy named Tonton (Euwenn Mikaell) whose only wish is to be brave. He is filled with the love of his mother Elay (Alessandra de Rossi), who opens his mind to the colorful world of stories, especially the tale of how fireflies grant wishes on the “island of the fireflies” in Ticao, Bicol. This is also the story that takes Tonton on a journey with Mang Louie (Epi Quizon), Erika (Ysabel Ortega), Billy (Miguel Tanfelix), and Aling Carmen (Yayo Aguila).

The overall flow of the entire film is simple, but its presentation is enriched with vibrant and high-quality animation. Nothing is wasted in the performances of the actors in this film, although the most shining are those of de Rossi and Mikaell. In fact, de Rossi’s screen time is not that long, but her performance is one of the things that elevated the film. The word “excellent” is not enough to describe how she gave meaning to the entire story. De Rossi’s voice-over in selected scenes also adds to the impact of the film. De Rossi’s acting prowess is matched by Mikaell, who was hailed as the Best Child Actor at MMFF 2023.

Another outstanding aspect of this film is its cinematography and directing. Their use of natural lighting enhances the beauty of the surroundings. The film features not only the beautiful landscapes of the country, particularly in Bicol, but also the legends associated with them. The intelligent use of color for specific characters is also noticeable. In summary, the entirety of this film is excellent and artistic.

Above all, Firefly is a beautiful portrayal of how the love between a mother and her child prevails despite life’s challenges. At the beginning, Tonton’s wish to the fireflies is to be brave. In the end, he no longer needs to wish for it because his simple but deep love for his mother strengthens and fortifies him. However, he wouldn’t be able to fulfill his mother’s final wish without the people who joined him on the journey to the firefly island. It is a beautiful reminder to the audience that we are never alone in life’s journey. There are people willing to accompany us and accept us despite everything.

EDITOR’S NOTE: Firefly won Best Picture, Best Child Actor, and Best Screenplay awards at the Metro Manila Film Festival 2023.

--

--

CInEMA
CBCPCINEMA

The film rating and classification board of the Catholic Bishops' Conference of the Philippines.