Hello, Love, Goodbye

CInEMA
CBCPCINEMA
Published in
3 min readAug 8, 2019

May gustong iparating ang pelikula, pero di pa rin napigilang sumunod sa pormula ng kilig-kiliti-at-drama.

Technical assessment: 3 ★★★✩✩
Moral assessment:
3 ★★★✩✩
CINEMA rating:
V 14
MTRCB rating: PG

Sa airport, handa nang lumipad papauwi ng Pilipinas si Joy Marie Fabregas (Kathryn Bernardo), isang college graduate ng nursing na namamasukan bilang DH sa Hong Kong. Susunod: flashback sa nakaraang apat na buwan kung saan isinasa-larawan ang mga hirap na dinaranas ni Joy maitaguyod lamang ang pamilya. Makikilala niya si Ethan del Rosario (Alden Richards); sa umpisa ay binabara-bara niya ang mga patutsada nito, pero kalaunan ay magkakalapit din sila. Ayaw dibdibin ni Joy ang relasyon nila ni Ethan dahil nangingibabaw sa kanyang isipan ang napipintong katuparan ng kanyang pangarap na maginhawang buhay sa Canada. Ang dating pabling naman na si Ethan ay siryoso nang maghahanda para sa kinabukasan nila ni Joy bilang mag-asawa.

Malaman ang kuwento ng Hello, Love, Goodbye, maganda naman ang mga linyang binibigkas ng taos-puso ng mga artista, kaya lang, sa kabuuan ng pelikula ay hindi pa rin ito naging lubos na plastado. May labis, may kulang. Hindi naihanda nang sapat ang manunuod sa ilang mga eksena, tulad ng panggugulo ng kapatid ni Ethan sa bar, ang pagsali ni Joy sa talent contest, o ng biglang pagsulpot ng ex-GF ni Ethan bilang judge dito. Parang sumunod lang sa pormula ng kilig-kiliti-at-drama. Pero may mga parte din namang makatotohanan ang dating, gaya ng pagganap ni Maricel Lax bilang nanay ni Joy, at yung dalawang Tsinang artista na gumanap na mga amo ni Joy.

Higit sa lahat, sinikap ng Hello, Love, Goodbye na magsalita para sa mga OFW sa paglalahad ng mga di-kanais-nais na bunga ng paglayo sa pamilya para kumita nang malaki sa ibang bansa: mga nawawasak na pamilya at gumuguhong pangarap, ang pagbabago ng pananaw ng mga kabataan tungkol sa kanilang pinapahalagahan sa buhay, ang nasusugatang paggalang sa sarili gawa ng mapang-aping ugali ng mga amo, atbp. Halimbawa: hindi kailanman magiging tama o makatuwiran para sa isang taong may asawa na ang dumayo pa sa ibang bansa at magpakasal doon para lamang magkaroon ng karapatang manirahan doon pero nangyayari yan, kahit saan may OFW — hindi lang sa Hong Kong. Kung baga, lumang tugtugin na ang mensahe. Ngayon, ano ang matatawag na “bago” sa Hello, Love, Goodbye? Ano pa kungdi ang tambalang Kathryn at Alden, na kung ibabatay sa hiyawan ng mga nanonood kapag “nagkakadikit” na ang dalawa ay — mukhang pumatok. Ganoon yata ang kalakaran sa industriya ng pelikula dito sa Pilipinas — kung gusto mong mabili, ibigay mo ang hilig ng mamimili. — TRT

DIRECTOR: Cathy Garcia-Molina CAST: Kathryn Bernardo, Alden Richards, Kakai Bautista, Joross Gamboa, Maricel Laxa, Lito Pimentel, William Lorenzo, Jameson Blake PRODUCER: Carlo L. Katigbak, Olivia M. Lamasan SCREENWRITER: Carmi G. Raymundo, Cathy Garcia-Molina, Rona Co STORY: Carmi G. Raymundo CINEMATOGRAPHER: Noel Teehankee PRODUCTION COMPANY: ABS-CBN Film Productions DISTRIBUTOR: Star Cinema COUNTRY: Philippines LANGUAGE: Filipino RUNNING TIME: 117 minutes

--

--

CInEMA
CBCPCINEMA

The film rating and classification board of the Catholic Bishops' Conference of the Philippines.