I’m Ellenya L

CInEMA
CBCPCINEMA
Published in
3 min readOct 6, 2019

Gagawin niya ang lahat mapansin lamang sa social media — nakikita ba natin ang sarili natin kay Ellenya?

Technical assessment: 3.5 ★★★✬✩
Moral assessment:
3★★★✩✩
CINEMA rating:
V 13

Isa lamang ang pangarap ni Ellenya (Maris Racal) — ang maging sikat na Vlogger. At gagawin niya ang lahat para matupad ito. Nariyang tumayo ang kanyang ama sa bubungan hawak hawak ang cellphone na nakatali sa isang patpat, nariyang patutukan ng electric fan ang kanyang buhok para magmistulang nililipad ng hangin habang nakasakay sa motorsiklo, at nariyang subaybayan ang isang tunay na sikat na Vlogger (Sue Ramirez). Sa tulong ni Peng (Inigo Pascual), ng kanyang ama (Alvares) at ng ilang mga kaibigan nagmamahal, nagagawa ni Ellenyang magkunwari at magpasiklab sa kanyang mga larawan at video na inilalabas para lamang magkaroon ng maraming followers. Makikilala niya si Kyle (Sugui), at lalo siyang magiging mapangahas upang pikit matang gawin ang lahat para lamang sumikat.

Isang tiyak na natumbok ng I’m Ellenya L ay ang usapin ng pagkahumaling ng kabataan sa social media. Ang mga eksena ay pamilyar at mahusay namang nagampanan ni Racal ang katauhan ni Ellenya. Madaling makakaugnay ng mga manunuod ang sarili sa kwento ni Ellenya at chemistry nina Racal at Pascual. Mahusay din naman ang ibang nagsiganap bagamat kapos ang pagkabuo ng kanilang mga katauhan. Manipis at iisang dimensyon ang mga ito, na parang isang pagsasanay lamang sa pagpuno ng isang lumang template. Nakatatawa ang ilang eksena pero kapag pinag-isipan na ay parang ampaw na puro tamis at walang laman. Ang napiling pagtatapos sa kwento ni Ellenya ay mas bagay sa mga maiikling produksyong inilalagay sa social media. Sumabog pero hindi nanuot. Nakabibigla pero hindi nagtatagal.

Malaki ang impluwensya ng social media sa kasalukuyang henerasyon. Kasabay ng paglago ng teknolohiya at pagdali ng mga gawain ay ang paglaki ng problema sa pakikipag-ugnayan, pagturing sa sarili, at pagiging totoo. Ipinakita ng pelikula ang kahungkagan ng pagpupumilit maging ibang tao sa social media at ang labis na umasa sa mga taong tatangkilik ng anumang kwentong ilahad dito. Nakalulungkot na nagiging batayan ng ating mga kabataan sa kaganapan ng kanilang pagkatao ay ang biglaang pagsikat sa social media at ang sukatan ng kaibigan ay ang dami ng tagasunod. Naghahalo ang totoong pagkatao sa pagpapanggap at pagpapakitang-gilas na madalas naisasantabi ang pagsusumikap, pagiging mapanuri, delikadesa, at pakikipag-kapwa. Ginawang katatawanan ang sitwasyon, at marami sa atin ang tunay na natawa dahil nakikita natin ang katotohan sa kwento. Ang mahirap nga lamang ay tinatanggap na natin ito bilang bahagi ng kultura at hindi naman tuluyang iintindihin ang patutsada ng pelikula. Sa isang banda, ipinakita kung paano ang mga magulang ay maaring sisihin dahil sa kanilang pagkukunsinti o ang hindi nila pagkakaunawa sa mga kahihinatnan ng sobrang pagkalulong sa social media. Pero sa kabilang banda, maganda naman na sa pamilya at sa tunay na kaibigan pa rin makikita ang tunay na ugnayan at pagtanggap sa sarili. — PMF

DIRECTOR: Boy2Quizon; LEAD CAST: Maris Racal, Iñigo Pascual; PRODUCER: Joyce Bernal; STORY: Neil Arce; SCREENWRITER: Jeps Gallon; EDITOR: Renard Torres; CINEMATOGRAPHY: Arvin Viola, Tey Clamor; MUSIC: Andrew Florentino; GENRE: Comedy; COUNTRY: Philippines LANGUAGE: Filipino RUNNING TIME: 86 minutes

--

--

CInEMA
CBCPCINEMA

The film rating and classification board of the Catholic Bishops' Conference of the Philippines.