Indak

CInEMA
CBCPCINEMA
Published in
4 min readAug 14, 2019

Narito ang isang pelikulang nagsasabing hindi dapat kalimutan ang pinagmulan at dapat laging ipagmalaki ang kasarinlan.

Technical assessment: 3 ★★★✩✩
Moral assessment:
3.5 ★★★✬✩
CINEMA rating:
V 13
MTRCB rating: PG

Hilig ni Jen (Nadine Lustre) ang pagsayaw at pangarap niyang makilala sa talentong ito. Kaya’t nang may nag-upload ng video kung saan makikita ang husay niya sa pag-indak habang nasa bangka sa gitna ng dagat, maraming humanga sa kanya at nag-viral ito. Hinanap siya ni Vin (Sam Concepcion) at sinadyang pinuntahan kahit pa sa isla siya nakatira upang kumbinsihin na sumali sa grupo nilang Indak Pinas na makikipaglaban sa nalalapit na paligsahan sa South Korea. Bagama’t hindi sigurado at may alinlangan sa sariling kakayahan (gawa ng isang mahapding karanasan sa pagsayaw nung nakababata pa siya), tinanggap na rin niya ang alok ni Vin. Sa basbas ng kanyang ina (Yayo Aguila), sumama siya kay Vin at naglayag patungong Maynila upang mag-ensayo at maghanda para sa kumpetisyon.

Mahusay ang daloy at pagkakalahad ng kuwento ng Indak. Ipinakita sa pelikula ang iba’t-ibang daigdig — nariyan ang buhay sa isla, sa siyudad, at sa ibayong dagat. Sa sentro nito ay isang babaeng nag-aagam-agam at tila di tiyak sa kanyang sarili at sa tunay na naisin sa buhay. Makabago ang paglalahad nito ng kuwento — walang histerya, halos walang mabibigat na eksena — kumbaga sa sayaw ay alalay lang at kusang dumadaloy. Sa umpisa tila nakakabagot ngunit habang lumalalim at yumayabong ang kuwento, kasabay ng mga indakan at tugtugin, naliliwanagan ang manonood na hindi lang ito basta pelikulang romansa o patungkol sa pag-abot sa pangarap — tungkol ito sa ating kasarinlan bilang Pilipino na ipininta sa makabagong panahon. Mahusay ang naging pagganap ni Lustre. Lutang na lutang ang kanyang husay dito hindi lamang sa pag-arte kundi maging sa pagsayaw at pagkanta rin. Hindi rin matatawaran ang angking galing ni Concepcion sa pagsayaw at pag-awit. Marahil nagkulang sa lalim ng kilig o relasyon ng dalawa ngunit maari na itong palagpasin lalo pa’t hindi naman ito ang sentro ng kuwento. Mas naiangat pa rin sana ang husay ng lahat sa pagsayaw kung mas naging kamangha-mangha pa ang kanilang ipinakitang pag-indak. Ngunit para sa isang pelikulang nangahas ipagyabang at sumugal sa galing ng Pinoy sa pag-indak, kapuri-puri pa rin ang pelikula.

Hitik sa aral at pagpapahalagang Pilipino ang Indak. Nariyan ang walang tigil na paalala ng pelikula ukol sa hindi paglimot sa pinanggalingan. Nagsusumigaw ang mensaheng ito sa maraming eksena lalo na nung nasa Korea na ang grupo — at madalas na ipinapaalala kay Jen hanggang sa huling sandali na anuman ang marating niya’y mahalagang hindi siya lumimot kung sino siya at kung saan siya nanggaling. Sa panahong ito kung saan talamak sa mga kabataan ang pagkakaroon ng maraming tanong at agam-agam ukol sa kanilang pagkatao, maging ng kanilang kasarinlan bunga ng impluwensiya ng social media, narito ang isang pelikulang nagsasabing hindi dapat kalimutan ang pinagmulan at dapat laging ipagmalaki ang kasarinlan. Nariyan din ang mga aral ukol sa pagpapahalaga sa magulang at pamilya at tunay na pagkakaibigan. Hindi matatawaran ang naging dedikasyon ng bawat miyembro ng Indak Pinas makamit lamang ang kanilang inaasam-asam na pangarap. Pinakabuod na mensahe ng pelikula ay ito — malawak ang daigdig at maari mong abutin anumang pangarap mo, ngunit wala nang higit pang lalalim at lalawak kaysa iyong karanasan at pagkatao na may kakayanang magmalasakit at magmahal kasabay ng kakayanang mangarap at bumangon mula sa pagkabigo. Makabuluhan ang pelikula lalo na sa kabataan — ngunit nangangailangan pa rin ng gabay ng magulang habang nanonood ang sinumang nasa edad 13 pababa. — RPJ

DIRECTOR: Paul Alexie Basinillo LEAD CAST: Nadine Lustre, Sam Concepcion, Yayo Aguila SCREENWRITER: Paul Alexei Basinillo, Juvy Galaminton, Kim Noromor PRODUCER: Vicente del Rosario III, Veronique del Rosario-Corpus GENRE: Drama, Dance, Musical CINEMATOGRAPHER: Odyssey Flores DISTRIBUTOR: Viva Films LOCATION: Philippines, South Korea RUNNING TIME: 117 minutes

--

--

CInEMA
CBCPCINEMA

The film rating and classification board of the Catholic Bishops' Conference of the Philippines.