Isa Pang Bahaghari

CInEMA
CBCPCINEMA
Published in
4 min readFeb 15, 2021

Bagama’t ipinakikita ng pelikula ang kahalagahan ng pagpapatawad, may ‘mantsa’ din itong pinagtatakhan namin: Pambayad ba ang sarili sa kabutihan ng iba?

Technical assessment: 2.5 ★★✬✩✩
Moral assessment:
3 ★★★✩✩
CINEMA rating:
V14
MTRCB rating: PG

Dalawampung taong hindi nagpakita si Domeng (Philip Salvador) sa kanyang asawang si Lumen (Nora Aunor) at tatlong anak matapos magkasakit at mag-asawa muli sa ibang bansa. Labis na naghirap si Lumen at napariwara naman ang kanyang tatlong anak dahil sa pag-aabandona ng asawa. Nagbalik si Domeng sa kanyang pamilya upang himingi ng tawad at makabawi matapos malamang may taning na ang kanyang buhay. Magpapatulong siya sa kanilang kababata at matalik na kaibigang si Rey (Michael de Mesa). Matagal nang mahal ni Rey si Domeng at hindi siya nagatubiling lumipat, sumuporta, at maging tulay ni Domeng upang matanggap muli ng kanyang pamilya. Mula sa maliliit na kabutihan at pagtitiyaga ng dalawang lalake ay mapapatawad si Domeng ng kanyang pamilya. Maitutuwid naman ng ama ang buhay ng mga anak. Subalit mauunahan sina Domeng at Lumen ng kamatayan bago muling magkakabalikan.

Ang pagsasama-sama ng malalaking pangalan sa industriya ang tanging maipagmamalaki ng Isa Pang Bahaghari. Una, puspos sa melodrama ang buong kwento para piliting mapaiyak ang mga manunuod. Ang kaso, hindi ka madadala kahit gaano kalakas ang hagulgol at sigawan dahil hungkag ang mga salitang binibitiwan ng mga tauhan. Pinipilit nilang akapin ang mga hinubog na tauhan ng kwento pero napakarami nilaang puwang na kasisilatan. Una, hindi sapat ang dahilan ni Domeng para hindi makipag-ugnayan sa kanyang pamilya matapos siyang maaksidente. Hindi rin sapat ang dahilan ni Lumen na hindi malaman ang nangyari kay Domeng gayong kaya naman siyang tulungan ni Rey at ng iba pa nilang kaklase. Bakit napariwara ang mga anak nila Lumen? Hindi maaring sisihin si Domeng dahil ang pagkakaalam naman nila ay namatay ito. Mabuting tao at maasikasong ina naman si Lumen kaya nakapagtakang lumaki silang pariwara. Kung 20 taong kinimkim ng mga anak ang galit sa ama, biglang-bigla naman ang pagbabagong loob nila. Kulang sa pagbuo ng pagbabagong-isip. Sa kabuuan, may katamaran ang pagkakagawa ng pelikula. Sa halip na bigyang panahon ang pagbuo sa mga lohikal na motibo ay inubos ang oras sa sigawan, hagulgulan, at pagmamartir ng ni Rey. At ang “pangulat” na eksena sa huli — isang malaking kalokohan! Hindi makatotohanan at naging katawa-tawa lamang ito. Akala mo’y baguhan ang gumawa ng kwento sapagkat hindi nito matiyak kung ano ang bibigyang-tuon: ang pagsisisi ba ni Domeng, ang love triangle ba, o ang hindi nasukliang pag-ibig ni Rey kay Domeng. Nakapanghihinyang dahil pawang batikan pa naman ang bumuo sa produksyon para magkaroon lamang ng ganitong resulta.

Ang paghingi ng kapatawaran at pagbibigay nito ay hindi itinatakda ng panahon. Laging may pagkakataon ang tao para magbago. Laging bukas ang puso ng tao para magbigay ng pangalawang pagkakataon. Ipinakit sa Isa Pang Bahaghari na kahit ilang taon na ang nakalipas, kahit matatanda na ang mga tauhan, ay hindi pwedeng sabihin huli na para magsimula muli. Ito marahil ang magandang mensahe ng pelikula — pagpapatawad — na kailangan natin sa panahon ngayon dahil sa pagkakahati-hati ng sambayanan dulot ng iba’t ibang pananaw. Walang hihigit na saya kaysa sa saya ng isang buong pamilya.

Kaya lamang — at mahalagang mabanggit ito — bagamat hindi natin isinasantabi ang pagmamahal na maaring ibigay ng mga homosexual ay hindi pa rin katanggap tanggap ang prinsipyo nina Rey at Domeng. Sa isang eksena, ipinakita na pinagsamantalahan ni Rey si Domeng nang minsang umuwi ito nang lasing na lasing nuong kabataan nila. Kahit na sukdulan ang pag-ibig ni Rey ay kawalan pa rin ng respeto ang pagsamantalahan ang isang taong walang malay. Ikalawa, sinabi ni Domeng na alam niya na nagsamantala si Rey nuon at hinayaan niya bilang kabayaran sa lahat ng kabutihang ginawa ng kaibigan para sa kanila. Ganun ba iyon? Pambayad ba ang sarili sa kabutihan ng iba? Tila walang respeto sa sarili ang prinsipiyong ito. At paano rin ang pangako ni Rey sa asawa na maging tapat? Para sa CINEMA, ang bahaging ito ay masamang halimbawa lalo ngayon panahong napakaraming nagsasabing sila ay kabilang sa tinatawag na “ikatlong kasarian.” — PMF

DIRECTOR: Joel Lamangan; LEAD CAST: Nora Aunor, Philip Salvador, Michael De Mesa, Zanjoe Marudo; PRODUCED BY: Harlene Bautista, Jose Mari Abacan; STORY AND SCREENPLAY: Eric Ramos ; MUSIC: ; CINEMATOGRAPHY: ; EDITING: , GENRE: Drama; COUNTRY: Philippines; LANGUAGE: Filipino; DISTRIBUTED BY: Solar Pictures; RUNNING TIME: minute

--

--

CInEMA
CBCPCINEMA

The film rating and classification board of the Catholic Bishops' Conference of the Philippines.