Lola Igna

CInEMA
CBCPCINEMA
Published in
4 min readSep 21, 2019

Ginagawa nating parang historical artifact ang mga matatanda, hinihila sila para sumabay sa ating henerasyon pero hindi naman tayo nag-uukol ng panahon para makilala ang kanilang henerasyon.

Technical assessment: 3.5 ★★★✬✩
Moral assessment:
3.5 ★★★✬✩
CINEMA rating:
V13
MTRCB rating: PG

Nananahimik mag-isa si Lola Igna (Angie Ferro), edad 118-taon, sa kanyang bahay-kubo sa gitna ng palayan. May taglay siyang taray at talas ng dila, matigas ang ulo at di mo pwedeng manduhan. Mula nang isali siya ng alkalde sa isang kumpetisyon para sa titulong “oldest living person in the world” — at nagdaos pa ng isang press conference tungkol dito — nabulabog na ang kanyang mundo. Sumabog ang balita sa media. Sa isang magdamag, naging tourist attraction siya. Dumadayo sa kanyang tirahan ang maraming tao para mag-usyoso at magpa-selfie — tuloy sumigla ang turismo at ekonomiya sa kanyang baryo. Pati ang kanyang apong si Nida (Maria Isabel Lopez) ay ninegosyo na rin ang pagtitinda ng mga Lola Igna souvenirs. Nakita siya sa TV, kaya natunton siya ng kanyang apo-sa-tuhod na si Tim (Yves Flores), anak ng apo niyang si Ana (Meryll Soriano) na matagal nang umalis sa kanilang baryo. Naglagi si Tim sa piling ng abuela na ibinibida niya sa kanyang vlog. Babaybayin ng pelikula ang buhay ni Lola Igna na gusto nang lisanin ang mundong ito, pero parang wala pa sa tamang panahon.

Mula sa premyadong direktor ng Cinemalaya independent film festival na si Eduardo Roy Jr. (FUCCBOIS, 2019 at Pamilya Ordinaryo, 2016), narito ang Lola Igna, ang pelikulang humakot ng Best Picture, Best Actress, Best Screenplay, at Best Musical Score awards sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) 2019. Talagang maganda ang lapat ng musika sa pelikula, na sumasabay sa tawa at tuwa ng mga eksena. Maganda rin ang mga kuha, ang cinematography, lalo na sa mga malapitang anggulo sa bawat emosyong nababasa sa mukha ni Lola Igna at ang mga wide shots na nagpapakita ng relasyon niya sa kanyang palayan. Anupa’t pwede nang palampasin ang ilang mga di napagtuunan sa produksyon, gaya ng kawayang dingding ng bahay kubo ni Lola Igna, na sa sobrang bago ay mamerde-merde pa. Di ba dapat ay luma na ang lahat?

Mabagal ang maraming mga eksena, nakakaantok — yun ba ang gustong palabasin ng direktor, na ganun ang takbo ng buhay ni Lola Igna, palaging dapit-hapon, naiinip sa pagdating ng gabi? Bagamat may pangunahing mensahe, marami itong patong-patong na subthemes na di nahimay nang mabuti, tulad ng bakit umalis si Ana sa baryo, at bakit sila nag-away ng kanyang ateng si Nida. Tuloy, di mapukaw ng istorya ang ating imahinasyon at damdamin. Oo nga’t pag nagpapatawa sila, natatawa din tayo, pero pag nalulungkot sila o nagagalit, di natin masabayan. Gayunpaman, saludo tayo sa napakagaling na pagganap ni Angie Ferro — tunay ngang deserving siya sa Best Actress award. Si Meryll Soriano rin, na sa maikli ngunit maigting na paglitaw sa pelikula ay di maaaring hindi mapansin.

Ang Lola Igna ay isang napakagandang paglalarawan ng kahalagahan ng matatanda sa lipunan, ang kanilang dignidad at karapatang mag-desisyon para sa kanilang sarili. Pero nakakalungkot din kung paanong ginagawa nating parang historical artifact ang mga matatanda, hinihila sila para sumabay sa ating henerasyon pero hindi naman tayo nag-uukol ng panahon para makilala ang kanilang henerasyon. Tinatrato natin silang parang selfie: tungkol ito sa amin, di tungkol sa ‘yo. Nakapaloob ang mensaheng yan sa konteksto ng pamilya at pagpapatawad sa isa’t-isa nina Lola Igna, Ana, Nida, at Tim. Mahirap nga namang umabante at humarap sa kinabukasan nang may bagahe kang pinapasan. Importante sa atin bilang mga Kristyano at Pilipino iyan, at tanto iyan ni Lola Igna. Payo nga nya: “Nida, wag mo nang pahirapan ang kapatid mo. Patawarin mo na siya.” — MOE

DIRECTOR: Eduardo Roy Jr. LEAD CAST: Angie Ferro, Yves Flores, Maria Isabel Lopez, Meryll Soriano SCREENWRITERS: Eduardo Roy Jr., Margarette Labrador PRODUCERS: Ferdinand Lapuz, John Joseph Tan Editor: Carlo Francisco Muntag MUSICAL DIRECTOR: Andrew Florentino CINEMATOGRAPHER: Tey Clamor GENRE: Drama Distributor: ERJ Found Film Production Location: Philippines Running Time: 1hr 53min

--

--

CInEMA
CBCPCINEMA

The film rating and classification board of the Catholic Bishops' Conference of the Philippines.