Miss Granny

Komedyang may laman ang pelikula, pero nasasapawan ng komedya ang laman nito

CInEMA
CBCPCINEMA
4 min readSep 9, 2018

--

DIRECTOR:
Joyce Bernal
LEAD CAST:
Sarah Geronimo, James Reid, Xian Lim, Nova Villa, Boboy Garovillo
SCREENPLAY:
Jinky Laurel
PRODUCERS:
Neil Arce, Vincel del Rosario III, Veronique del Rosario-Corpus
GENRE:
Comedy, Fantasy, Musical
MUSIC:
Len Calvo
EDITING:
Joyce Bernal, Chrisel Galeno-Desuasido
CINEMATOGRAPHY:
Rody Lacap
PRODUCTION DESIGN:
Shari Marie Montiaque

PRODUCTION COMPANY:
N2 in association with Viva Films
DISTRIBUTORS:
Viva Films
COUNTRY:
Philippines
LANGUAGE:
Filipino
RUNNING TIME:
1 hr 53 min

Technical assessment: 3.5 ★★★✬✩
Moral assessment:
3★★★✩✩
CINEMA rating:
PG13

Mabuting tao pero me pagka-bugnutin ang nagkakaidad nang si Fely Malabaño (Nova Villa). Hindi lang magustuhan ang lasa ng sinigang ay magtataray na sa manugang (Lotlot). Maoospital ang manugang dahil sa sobrang stress, at ilalagak si Fely ng kanyang anak na si Ramon (Nonie Buencamino) sa isang ‘nursing home’ o tahanan ng mga matatanda, bagay na ikalulungkot ng ina. Isang araw, maaakit siya ng isang photo studio na may display na litrato ng paborito niyang artistang si Audrey Hepburn. Magpapakuha siya ng litrato para ipatong sa ataol niya pagdating ng panahon — papangakuan naman siya ng photographer na pababatain nito ang histura niya. Totoo ngang babata si Fely, babalik sa kanyang pagkadalaga. Asiwa siya sa pagbabagong nangyayari, babalikan niya angphoto studio para maghanap ng paliwanag, pero hindi na niya makikita ang talyer sa lugar na kinatagpuan niya. Kalaunan, magugustuhan na din niya ang bagong hitsura niya — at bibigyan niya ng bagong pangalan ang sarili: Odrey. Magiging magulo’t malungkot ang buhay niya, lalo na’t gusto pa rin niyang nakikita nang lihim ang anak at apo niya, pero masaya din, dahil matutupad na ang childhood dream niyang maging isang singer.

Halaw sa orihinal na kwentong Koreano ang Miss Granny, na tinimpla ni Bernal para sa panglasa ng Pilipino. Kapanipaniwala ang pelikula sa kabila ng pagiging pantastiko ng kuwento nito, salamat sa tamang set, costumes at lalo na mga sinaunang kanta na buong siglang binanatan ni Geronimo. Makikitang nahihinog na sa pag-arte si Geronimo dahil naibigay niya ang hinihingi ng papel na batang Fely: namimighati man o mabangis na hinahambalos ng bangus si Lorenz (Xian Lim), “carry” niya. Komedyang may laman ang Miss Granny, pero nasasapawan ng komedya ang laman nito, halos hindi na tuloy mapapansin ang husay ng pagganap ni Buencamino at Villa, halimbawa, nang kailanganin ang drama sa kuwento. Sana’y tinabas pa ng konti ang sobrang mahahabang eksenang patawa, para hindi ito lumabas na “trying hard” at nang lalong mangibabaw ang hugot ng mga pangunahing tauhan. Pero madaling patawarin ang kakulangang iyon, kasi nakakaaliw panoorin si Geronimo — para ka nang nanood sa concert niya nang hindi gumagasta ng libo-libong piso.

Puno ang mga sinehan sa mistulang pakikipagtalbugan ng Miss Granny at The Hows of Us — mahilig talaga ang manunood na Pinoy sa romantic comedy. Ayos ang mensahe ng Miss Granny — ang unahin ang kapakanan ng pamilya kaysa sa sariling kasiyahan. Nagsakripisyo si Fely/Odrey para sa ikaliligtas ng buhay ng apo, halimbawa. Isang paalala lamang mula sa CINEMA, kapag nanonood tayo ng kinahihiligang palabas, lalo na’t kung ang kuwento’y umiikot sa elemento ng pantasiya tulad ng Miss Granny, ingat lang, at baka umangat ang mga paa natin at lumutang tayo sa alapaap sa pag-aakalang iyon ang katotohanan ng buhay. Ituro sa kabataan na ang mga pangarap ay natutupad lamang at nagbibigay ng ganap na kasiyahan kung dinadaan sa hard work — kayod kalabaw, ika nga — sabi nga sa Bibliya, “He who does not work, neither shall he eat.” — TRT

For more details on the scoring system, see Review Guidelines: How CINEMA does its work.

--

--

CInEMA
CBCPCINEMA

The film rating and classification board of the Catholic Bishops' Conference of the Philippines.