The Hows of Us

Sa kagustuhan ng pelikula na mangiliti, mapapailalim ang makabuluhang mensahe ng pelikula na dapat sana’y sinisiryoso ng manonood

CInEMA
CBCPCINEMA
3 min readSep 21, 2018

--

LEAD CAST:
KATRHYN BERNARDO, DANIEL PADILLA, JEAN GARCIA, SUSAN AFRICA
DIRECTOR:
CATHY GARCIA-MOLINA
SCREENWRITER:
CATHY GARCIA-MOLINA, CARMI RAYMUNDO
PRODUCER:
OLIVIA LAMASAN, CARLO KATIGBAK
EDITOR:
MARYA IGNACIO
MUSICAL DIRECTOR:
JESSIE LASATEN
GENRE:
ROMANCE, COMEDY
CINEMATOGRAPHER:
NOEL TEEHANKEE
DISTRIBUTOR:
ABS-CBN FILM PRODUCTIONS

LOCATION:
PHILIPPINES
RUNNING TIME:
117 minutes

Technical assessment: 3.0 ★★★✩✩
Moral assessment:
2.0 ★★✩✩✩
CINEMA rating:
V16

Masaya ang pagsasamahan ni George (Kathryn Bernardo) at Primo (Daniel Padilla), maligayang nangangarap, at buong pag-asang matatamo ang mga ito. Tanggap ng pamilya ni George si Primo, lalo na ng kinalakihan niyang Tita Lola, kung kaya naman sa kanilang dalawa rin mismo ipamamana ng matanda ang bahay nito sa kanyang pagpanaw. Bigo si Primong matupad ang kaniyang pangarap na maging sikat na musikero at maisalba ang kanilang banda kung kaya’t isa-isa na din siyang iiwanan ng mga ka-banda niya. Didibdibin ito ni Primo at malulugmok siya sa depresyon habang hirap na hirap namang aagapay sa kanya si George sa kabila ng pagsusumikap nitong magtrabaho at mag-aral para maging isang doktor. Aabot sa sukdulan ang pagod at pagtitiis ni George sa pinapasan, kung kaya’t sa ika-pitong taon ng kanilang relasyon ay galit at luhaan niyang palalayasin si Primo sa kanilang bahay. Ang paghihiwalay nila ay tatagal ng dalawang taon. Makakaahon kaya si Primo sa kanyang pagka-palalo at makasarili? Matututo din kaya si George sa kanyang pinagdadaanan?

Makinang ang pelikula, maayos ang kaaliw-aliw na dialogue na mahusay namang nai-deliver ng lahat ng mga nagsiganap. Akma sa kuwento ang production set, kabilang na ang minanang lumang bahay at ang mga eksenang kinunan sa Amsterdam. Pero hindi malaking hamon ang papel nila Padilla at Bernardo — kung baga, de kahon na ang ganoong klase ng pag-arte nila pagka’t sanay na sanay na sila sa pagiging magkatambal sa mga rom-com. Sa kabila ng talinong nasasalamin sa mga mahahabang linyang binibigkas ng mga tauhan, hindi pa rin gaanong umangat sa karaniwang romantic comedy ang The Hows of Us. Hindi nakakaantig damdamin ang mga luha ni Bernardo at Padilla pagka’t nangingibabaw pa rin ang kagustuhan ng pelikula na mangiliti. Sa pagpa-“pakipot” ni George at sa sobrang pagka-bilib-sa-sarili ni Primo, mapapailalim ang makabuluhang mensahe ng pelikula na dapat sana'y sinisiryoso ng manonood.

Ang magandang hatid ng The Hows of Us ay ang kahalagahan ng pananagutan tungo sa ikabubuti ng isang relasyon. Tampok din ang pagpapakasakit para sa mga minamahal sa buhay, at ang pagsusumikap upang maabot ang pinapangarap. Paalala ng CINEMA sa manonood: tila walang pagpapahalaga sa kasal ang kuwento. Bukod sa pagsasama nila George at Primo sa ilalim ng iisang bubong — at lumalabas pang kunsintidora ang matandang nagpamana ng bahay sa kanila — wala ni pahapyaw na pag-uusap tungkol sa matagalang relasyong binasbasan ng kasal. Mababaw ang kanilang mga pangarap — magtagumpay sa napiling karera, magkamit ang maginhawang pamumuhay, at maging maligaya. Ang pakikipag-relasyon sa tunay na buhay ay hindi larong bahay-bahayan lamang. Higit na magbubunga ng mabuti ang isang pagsasama kung itó’y isinasabuhay nang naaayon sa kalooban ng Diyos para sa sangkatauhan. — TRT

For more details on the scoring system, see Review Guidelines: How CINEMA does its work.

--

--

CInEMA
CBCPCINEMA

The film rating and classification board of the Catholic Bishops' Conference of the Philippines.