The Panti Sisters

CInEMA
CBCPCINEMA
Published in
5 min readSep 20, 2019

Hindi ito angkop sa mga bata dahil sa maselang tema at mga eksena nito, bulgar na lengguahe, at mga astang pasaway na maaaring tularan ng mga may murang isipan.

Technical assessment: 3 ★★★✩✩
Moral assessment:
2.5 ★★✬✩✩
CINEMA rating:
V16
MTRCB rating: PG

Ipapatawag ni Don Emilio Panti (John Arcilla) ang tatlo niyang anak na lalaking pare-parehong mga bakla. Si Gabbi (Paolo Ballesteros) at si Daniel (Martin del Rosario) na humiwalay na sa mga magulang nila ay mga anak ni Don Emilio at asawang si Nora (Carmi Martin), samantalang si Samuel (Christian Bables) ay ang anak niyang lumaki sa kabit niyang si Vilma (Rosana Roces). Nang magkasama-sama na silang lahat (pati na ang magkaribal na mga ina), isisiwalat ni Don Emilio na siya ay may kanser at mabubuhay na lamang ng isa hanggang isa’t kalahating taon. Hahamunin niya ang tatlong anak na bigyan siya ng apo habang siya’y nabubuhay, at bilang gantimpala ay pamamanahan sila ng 100 milyong piso bawa’t isa. Kung isa lamang ang makakapagbigay ng apo sa kanya, ang buong 300 milyong piso ay mapapasa-kanya. Sa pagnanasang makuha ang mana, kung ano-anong paraan ang gagawin ng tatlong bakla para lamang may maipresintang apo sa ama.

Me ipinagkaiba ba ang The Panti Sisters sa kilatis ng Die Beautiful o Born Beautiful? Sa bongga’t sa taray, parehong putahe lang. Kalahati ng pagiging isang komedya ng The Panti Sisters ay nakasalalay sa apelyidong sadyang pinili para magpatawa. Hindi nga naman patok kung The Cruz Sisters o The Santos Sisters lang — hindi nila masasabing “Mabaho na nga ang apelyido natin, lalo mo pang pababahuin!” Pati ang mga pangalan ng asawa at ng kabit ay hinugot sa pagiging sikat ng dalawang magkaribal na artista: Nora at Vilma. Ito’y isang pelikulang may agenda na dinamitan bilang entertainment. Sa opening credits pa lang ay mahuhulaan mo na ang layunin nito pagkat ang mga linya ay pawang kulay rainbow! Susubukan kang aliwin nito sa “bading humor” habang sa katatawa mo ay inilalapat na nito sa kamalayan mo na normal, natural, at walang masama sa pagsasama ng dalawang lalaki bilang mag-asawa, halimbawa, o sa pagsiping ng isang bakla sa isang babae sa hangaring mabuntis ito at makamtan ang salaping gantimpala. Hitik din sa stereotypes ang pelikula: masama ang ama dahil muhing-muhi ito sa mga anak na bakla; kapuri-puri ang bakla dahil kaya nitong akuin ang pagiging ama sa ampong sanggol; ganid ang kabit na sa hangad yumaman ay uudyukan ang anak na nagnanasang maging “isang ganap na babae, atbp.” Tila hindi tarok ng The Panti Sisters na pinalalabas din nitong masama ang mga bakla — walang galang sa magulang at walang pakialam sa sasabihin ng iba masunod lamang ang kapritso na sa tingin nila’y karapatan.

Ang ikinatawa ng CINEMA ay ang Don Emiliong may kanser at ilang hakbang na lang ang layo sa hukay ay para pa ring isang Heneral kung makasinghal sa pamilya. (Miss Ballesteros, bakit naman hindi mo kasi inayos ang makeup ni Arcilla — pinaitim mo man lang sana ang paligid ng mga mata niya at kinalbo pa nang kaunti ang bumbunan para mabawasan ang pagka-macho niya at maging kapani-paniwala bilang isang pasyenteng nagki-chemo. Gets?)

May nakasabay kami sa takilya, isang ina na nagtatanong kung puwedeng panoorin ng kasama niyang 4-year-old na batang babae ang The Panti Sisters. Sa loob ng sinehan, may mga boses-bata ring nangingibabaw sa tawanan. Kahit na “PG” ang iginawad na rating ng MTRCB sa pelikula — maaaring panoorin ng mga bata basta may kasamang matanda — sa ganang amin, hindi pa rin ito angkop sa may murang isipan dahil sa maselang tema at mga eksena nito, mga astang pasaway, at bulgar na lengguahe na maaaring tularan ng mga bata. Bagama’t sinikap ng pelikula na ipakitang maayos na ang lahat sa dulo — nagsisi na ang masamang ama, nagpatawaran na ang magkakagalit, at isang “happy family” na ang lahat, hindi ito ito naging tapat sa katotohanan. Sa tunay na buhay, hindi ganoong kabilis dumarating ang tunay at makabuluhang pagbabago.

Sa turo ng Simbahang Katolika, kung meron mang hindi tamang ginagawa ang ating kapwa, dapat pa rin silang igalang at mahalin; ang dapat kamuhian ay ang kanilang pagkakamali at hindi ang kanilang pagkatao. Ngunit kailangan din nating ingatan ang ating sarili laban sa mga mapang-akit na ideolohiyang nagsusulputan ngayon sa ating paligid at pinipilit iwaksi ang turo ng ating pananalig. May pakay ang Panginoon sa paglikha ng dalawang kasarian — babae at lalaki — at ito’y upang ipagpatuloy ang lahi ng sangkatauhan. Ang pagsalungat sa turong ito ay hindi nanggagaling sa tunay na pagmamahal kundi sa pagbibigay-hilig lamang sa sarili.

Ito ang nararapat ipaliwanag at ipaunawa sa lahat — babae, lalaki, matanda, at lalo na sa bata — na ang tao ay hindi sinusukat ng Simbahan ayon sa kanyang kasarian, bagkus, kinikilala nito ang kanyang kaluluwa at sinusunod ang kalooban ng Panginoon upang arugain ito tungo sa kanyang pagiging ganap na taong nilikhang kawangis ng Lumikha. — TRT

DIRECTOR: Jun Lana LEAD CAST: Paolo Ballesteros, Christian Bables, Martin Del Rosario, John Arcilla, Carmi Martin, Rosana Roces PRODUCERS: ALV Films, Black Sheep, Quantum Films , The Idea First Company DISTRIBUTOR: ABS-CBN Film Productions GENRE: Comedy LOCATION: Philippines LANGUAGE: Pilipino RUNNING TIME: 1 hour 48 mins.

--

--

CInEMA
CBCPCINEMA

The film rating and classification board of the Catholic Bishops' Conference of the Philippines.