Unbreakable

CInEMA
CBCPCINEMA
Published in
3 min readDec 8, 2019

Ang pagkakaibigan ay di nasusukat sa pagkakatulad kundi sa pagtanggap ng bawat isa ng kanilang pagkakaiba.

Technical assessment: 3★★★✩✩
Moral assessment:
3★★★✩✩
CINEMA rating:
V16
MTRCB rating: R13

Seryoso si Mariel (BeaAlonzo) sa buhay, responsable dahil na din sa panganay at pamilyang sinusuportahan. Samantala, si Deena naman ay may-kaya, padalus-dalos, marupok, at kwela. Sa kolehiyo, dawit si Deena (Angelica Panganiban) sa away-agawan ng boyfriend, pumagitna at nadamay na rin si Mariel, at doon na nagsimula ang pagkakaibigan nila. Sa maraming pagkakataon, si Mariel ang tagapagligtas ni Deena sa mga kapalpakan niya. Susubukin ang pagkakaibigan nila ng sunud-sunod na sigalot. Sa kasal ni Mariel kay Justin (Richard Gutierrez), makikilala ni Deena si Bene (Ian Veneracion), kapatid ni Justin. Di lalaon, si Deena at Ian naman ang makakasal. Paborito ng biyenang si Helen Saavedra (Gloria Diaz) si Deena, pero pagdating kay Mariel, kumukulo ang dugo nya. Makukunan si Mariel, aangat naman ang career ni Deena, pero magugupo sa pagkamatay ni Bene, kaya alalay na naman si Mariel. Isang araw, malalasing si Deena, pati si Justin, at may mangyayari sa kanilang dalawa. Magkakaanak sila, at ito na ang magiging dahilan ng tuluyang paghihiwalay ng landas ni Mariel at Justin bilang mag-asawa, at ni Mariel at Deena bilang matalik na magkaibigan. Hanggang sa dumating na naman ang isang dagok sa buhay ni Deena.

Puno ng problema ang pelikulang ito, puno rin ng drama kung saan papaiyakin tayo ni Mariel habang tumatawa sa mga pakwela ni Deena. Sakto ang casting kay Bea at Angelica, at bagay na bagay ang script na binigay sa kanila. Eto ata yung pelikulang walang kilig — ang kadalasang formula ng mga patok sa takilya — pero pinilahan ng libu-libong tao. Madaming sanga ang istorya, na di masyadong naikabit sa main plot. Halimbawa, bakit ba inis na inis si Helen kay Mariel, saan galing yun? Pero kahit pa nga may mga nakaligtaang puntos at ang daming mga coincidences, di tayo nahirapang sundan ang istorya. Malinis kasi ang editing. Epektibong teknik ang pagsisingit ng eksena ng pagkalunod ni Deena na siyang angkla sa isa-isang paghimay ng kwento hanggang sa dumating sa climax. Sa tubig din mangyayari ang muling pagtatagpo ng dalawa matapos ang matagal na taon nang pagkakalayo.

Pang-mature audiences po lamang. Ang dami kasing isyu dito ng casual sex, alcohol, suicide, at tragic death. Mabigat sa dibdib, kahit pa nga malinaw naman at walang pangingiming pinakita sa pelikula na ang masama ay masama, na ang kapusukan samahan pa ng pag-inom ng alak ay di nauuwi sa maganda, at di sagot sa problema ang pagkitil sa sariling buhay. Angat na angat ang kaibahan ng pagkatao ni Mariel at Deena, kaya malakas ang dating ng mensahe na ang pagkakaibigan ay di nasusukat sa pagkakatulad kundi sa pagtanggap ng bawat isa ng kanilang pagkakaiba. Walang hanggang pagpapatawad ang pinakita ni Mariel kay Deena. At nakita nating di nila pinabayaang maging biktima sila ng mga pangyayari — pareho silang bumangon, pareho silang lumaban. At sa huli, pareho silang nagpatawad. Ang pelikulang ito ay para sa mga besties. — MOE

Director: Mae Czarina Cruz Lead Cast: Angelica Panganiban, Bea Alonzo, Richard Gutierrez, Gloria Diaz, Ian Veneracion, Rosanna Roces Screenwriter: Vanessa Valdez Editor: Beng Bandong Musical Director: Cesar Francis Concio Cinematographer: Hermann Claravall Genre: Drama Distributor: Star Cinema Location: Philippines Running Time: 1hr 59min

--

--

CInEMA
CBCPCINEMA

The film rating and classification board of the Catholic Bishops' Conference of the Philippines.