Unforgettable

CInEMA
CBCPCINEMA
Published in
4 min readNov 14, 2019

Puno ng inspirasyon at hitik sa kabutihang-asal ang pelikula.

Technical assessment: 4 ★★★★✩
Moral assessment:
4 ★★★★✩
CINEMA rating:
VA
MTRCB rating: G

Nakatira si Jasmine (Sarah Geronimo) sa Baguio kasama ang kanyang Lola Olive (Gina Pareno) na siyang nagpalaki sa kanya simula nang mamatay ang kanyang mga magulang. Hindi pangkaraniwan si Jasmine — meron siyang photographic memory at meron din siyang mga kilos at gawi na maituturing na katangi-tangi o special gaya nang sensitibo siya sa ingay at malakas na tunog at kung minsan ay meron din siyang tantrums o nagwawala nang walang malinaw na dahilan. Hindi rin siya maaring makapag-isa dahil sa kanyang kalagayan. Nang magkasakit ang kanyang Lola Olive, kinailangan ni Jasmine na mamalagi muna sa Maynila kasama ang kapatid na sina Dahlia (Ara Mina) at Violet (Meg Imperial). Dito siya magkakaron ng bagong kaibigan — isang aso na papangalanan niyang Happy — dahil kamukha ito ng laging ikinukuwentong aso ng kanyang lola noon at ito raw nagpagaling sa kanyang lola noong siya ay nagkasakit. Kaya din naisip ni Jasmine na baka si Happy ang maging daan sa paggaling ng kanyang Lola. Yun nga lang, hindi magiging madali para sa kanya ang pumunta sa Baguio sapagkat tutol ang kanyang mga kapatid. Bilang pursigido, pipilitin ni Jasmine na makarating ng Baguio mag-isa kasama lamang si Happy sa anu pa mang paraan.

Kahanga-hanga ang Unforgettable sa tapang nitong maghayag ng kwentong hindi pang-pormula para sa takilya. Walang kilig, walang sigawan, walang histerya ngunit punong-puno ng puso ang pelikula. Ninais nitong isalarawan ang tunay na saloobin ng mga taong may special needs, partikular na ang autism na madalas ay naikakahon sa iba’t-ibang isteryotipikal na imahe. Sa pagkakataong ito, nabigyang hustisya ng madamdamin at tapat na pagganap ni Geronimo ang papel ng isang taong nasa ganitong kalagayan. Hindi katatawanan, hindi pabigat sa lipunan, at lalong hindi isang kaawa-awang may kapansanan, kungdi sadyang iba lamang sa karamihan. Pang-unawa at hindi awa ang ninais ipahiwatig ng pelikula. Tila baga ipinapasok ng Unforgettable ang mga manonood sa mundo ng mga katulad ni Jasmine — payak at tahasang paglalahad lamang ng isang kuwentong punong-puno ng pag-asa. Malinaw na daloy, masusing detalye, maayos na kuha ng kamera, at matalinong direksiyon — iyan ang inihaing obra ng pelikula.

Maraming aral ang dulot ng kwento ni Jasmine, mga aral na ipinasa pa sa kanya ng kanyang lola. Nangingibabaw dito ang kabaitan. “Maging mabait ka — sa tao, sa hayop, dahil ang kabaitan ay bumabalik one million times,” ayon kay Lola Olivia. Kamangha-kamangha at tila kabalintunaan pa ang kabaitang ipinakita ni Jasmine sa lahat ng uri ng tao at maging sa hayop kaya’t masasabing tunay nga siyang iba. Laging tamang piliin ang maging mabait at mabuti sa kapwa at sa lahat ng bagay na may buhay.

Ang relasyon ni Jasmine sa asong si Happy ay nagsasalarawan ng pagiging magkakaugnay ng lahat ng nilalang. Ipinakita rin sa pelikula ang kahalagahan ng dasal at pananampalataya. Nariyan din ang matibay na pagkakaibigan at ang pagpapahalaga sa pamilya. Dalisay ang puso ni Jasmine at talaga namang ipinakita kung paanong ang mga katulad nila ay biyaya at anghel sa lupa. Kahanga-hanga ang pagpupursige ni Jasmine sa kabila ng lahat — marahil kung ang lahat lamang ng tao ay magiging katulad niya na walang takot sa paggawa ng mabuti, magalang, madasalin at mapagmahal, magiging tunay na Unforgettable sa kabutihan ang lipunang ating ginagalawan. Puno ng inspirasyon at hitik sa kabutihang-asal ang pelikula at maging ang mga batang manonood ay maraming mapupulot sa pelikulang ito. — RPJ

DIRECTORS: Jun Lana, Perci Inatalan STARRING: Sarah Geronimo, Gina Pareño, Ara Mina, Yayo Aguila, Kim Molina, Meg Imperial, Caleb Santos SCREENPLAY BY: Keavy Eunice E. Vicente, Ash M. Malanum PRODUCER: Vic del Rosario Jr GENRE: Drama MUSIC BY: Emerzon Texon CINEMATOGRAPHER: Mackie Galvez FILM EDITOR: Lawrence Ang PRODUCTION DESIGN BY: Marxie Maolen F. Fakul PRODUCTION COMPANY: Viva Films, The Idea First Company DISTRIBUTED BY: Viva Films COUNTRY: Philippines LANGUAGE: Pilipino, English RUNNING TIME: 1 hour 26 minutes

--

--

CInEMA
CBCPCINEMA

The film rating and classification board of the Catholic Bishops' Conference of the Philippines.