Write About Love

CInEMA
CBCPCINEMA
Published in
4 min readJan 14, 2020

Sa kabuuan ay malaki ang maitutulong ng pelikula sa mga nangangarap o mahilig sa pagsusulat ng kwento lalo na para sa pelikula.

Technical assessment: 3 ★★★✩✩
Moral assessment:
3 ★★★✩✩
CINEMA rating:
V14
MTRCB rating: PG13

Matatanggap sa isang malaking film production company ang isinumiteng script ni Miles (Miles Ocampo) na may pamagat na “Just Us” subalit may kondisyon na pagandahin pa ito. At dahil baguhan, tutulungan siya ng batikan manunulat na si Rocco (Rocco Nacino). Katulad ng mga napagkasunduan ay magkasama nilang pagagandahin ang mga elemento ng script ng”Just Us” na umiinog sa love story ng mga tauhan na sina Joyce (Yeng Constantino) at Marco (Joem Mendoza). Mayroon lamang sila 30 araw para gawin ito. Sa magkasama nilang pagtatrabaho sa script ay magiging pagkakataon din na malaman nila ang mga ganap sa kani-kanilang personal na buhay lalo na sa aspeto ng lovelife. Mabibisto ni Rocco na ‘no boyfriend since birth’ o NBSB si Miles samantalang si Rocco naman ay dati ng nabigo pero may kasalukuyang girlfriend na ni-label niyang complicated. Mababahagi din ni Miles na broken family sila at ang nangyari sa love story ng magulang nya ang totoong pinaghugutan niya ng script nya “Just Us”.

Kwento sa loob kwento ang Write About Love. Maganda ang storyline ng pelikula. Mahusay ang ginawang trato ng direktor kung saan aktwal na pinakita sa pelikula ang mga tagpo sa sinusulat na script ng mga pangunahing tauhan. Maayos na natahi ng director at ng editor ang sabay na paghahatid ng daloy ng dalawang kwento ng manunulat at ng sinusulat nilang script. Lutang na lutang ang emosyon ng mga tauhan bilang mga manunulat at kung paano naiimpluwensyahan ng mga kalagayan nila sa buhay ang pagbubuo nila ng kwento nakapaloob sa script na kanilang sinusulat. Makabuluhan ang palitan ng mga linya sa pagitan ng mga pangunahing tauhan bilang mga baguhan at batikan manunulat. Mayaman ang ito sa inpormasyon at tips sa pagsusulat.

Tama lamang ang mga pagganap nina Nacino at Ocampo bilang mentor at under study hindi bilang love partner dahil wala hatid na kilig ang dalawa. Samantala maliban sa husay sa pagkanta ay mukhang di bagay ang karakter ni Joyce kay Constantino. Hilaw sa paglalabas ng emosyon na masaya, masakit, malungkot, nag-aalala — parang pilit ang dating. Epektibo naman ang mga effects ng paglabas sa screen ng deadline countdown, typing text script, at description ng setting. Nagsilbi itong breaker sa nakaiinip na eksena tulad ng paulit-ulit na pag-uusap ng dalawang manunulat. Mainam na bagamat maikli ay mayroon kuha ng camera sa magandang tanawin sa Sagada, sa malaking

bahagi ng pelikula ay mga simpleng sinematograpiya lamang ang napakita. Ang higit na lumutang sa pelikula ay ang inilapat na musika. Malaki ang naitulong ng mga tinampok na awitin ng mga OPM artists kasama na mismo ang gumanap na si Constantino. Sa kabuuan ay malaki ang maitutulong ng pelikula sa mga nangangarap o mahilig sa pagsusulat ng kwento lalo na sa pelikula. Nagbigay ng praktikal tips ang Write About Love kung paano lumikha, mag-manipulate at bigyan ng sandamakmak na conflict ang mga tauhan at kung paano winawakasan ang isang kwento.

Kinakailangan ba na magkaroon muna ng karanasan sa pakikipagrelasyon sa pag-ibig upang makasulat ng kwento tungkol sa pag ibig? Pinahihiwatig ng pelikulang Write About Love na hindi ito requirement para maging epektibo manunulat ng kuwento ng pagibig. Ang magmahal ay isang magandang damdamin na maari ring makasakit kaya ang taong nagdesisyon na bigyan ng pagkakataon ang damdaming ito ay dapat din maging handa na masaktan. At para patuloy pa rin magmahal ay minarapat na gamitin ang pag-iisip upang maging responsable sa pagpapahayag ng nararamdaman. Bilang isang manunulat na mula sa broken family ay pilit na ginagawang hopeful ang isang hopeless situation katulad ng nais mangyari ni Ocampo sa hiwalay na magulang. Hinayaan kasi ng kanyang ina na iwan sila noong bata pa sya at sumama sa ibang babae ang kanyang ama. Isang paalala ng pelikula na nakakapekto ang pagiging broken family sa mga anak. Samantala, nakitaan ang pelikula ng katapatan sa karakter ni Nacino na turuan at hindi maging mapagsamantala sa pagsasanay ng isang baguhang babae sa pagsusulat. Sagana sa mga makabuluhan mensahe ang pelikula tungkol sa pagmamahal, relasyon, pagpapatawad at pag-abot sa pangarap. Subalit tumalakay din sa ilang sensitibong tema katulad ng broken home, adultery at live-in na kailangan ng hinog na isipan upang lubos na maunawaan. — IBD

DIRECTOR: Crisanto Aquino LEAD CAST: Rocco Nacino, Miles Ocampo, Joem Bascon, Yeng Constantino SCREENWRITER: Crisanto Aquino, Ays de Guzman PRODUCER: Lester Tabor-Tarrela, Fernando Ortigas, E.A. Rocha EDITOR: Vanessa de Leon DISTRIBUTOR: TBA Studios LOCATION: Philippines

--

--

CInEMA
CBCPCINEMA

The film rating and classification board of the Catholic Bishops' Conference of the Philippines.