Kontraktwalisasyon: Ang Kalaban ng Uring Manggagawa

josh valentin
CopoDLSZ
Published in
3 min readSep 20, 2018
Larawan mula sa Kilusang Mayo Uno (KMU)

Ang mga manggagawa ng bayan ay patuloy na inaapi.

Ang pagkakaroon ng mababang minimum wage, ang pagiging kontrakwal at ang malupit at hindi makataong kondisyon ng mga manggagawa sa mga pabrika at pagawaan ay patuloy pa ring nangyayari sa buong Pilipinas.

Nailalantad na ng mga mangagawa ang pasakit na dahilan ng mga kapitalista na hindi nagbibigay ng tamang sahod at benepisyo. Ang pakikibaka ng mga manggagawa ng mga kumpanya tulad ng NutriAsia, Jollibee, Monde Nissin, PLDT, at iba pa ay naging boses upang malaman ng taumbayan ang kanilang karanasan bilang manggagawa sa mga kumpanyang nagmamaltrato sa kanila. Pero bakit walang nangyayari para ipanalo ang karapatan ng mga manggagawa ng bansa, lalo na sa isyu ng kontraktwalisasyon?

Ang batas ukol sa pagproprotekta ng mga manggagawa na nakararanas ng paglabag sa karapatan nila ay hindi epektibo. Ang ating pangulo ay nagbigay ng pangako noong siya ay tumatakbo pa lang na papahalagahan niya ang mga karapatan ng manggagawa sa pamamagitan ng paglaban sa kontraktwalisasyon. Hindi katulad sa nakasanayan na tatapusin niya ang pangako sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, pinangako niya na tatapusin niya ang kontrakwalisasyon sa loob ng isang linggo. Sa nakasanayan, nabigo na naman niya ang sambayanan sa kanyang mga hindi natupad na pangako.

May panukala namang ipinatupad ang pangulo ukol sa kontraktwalisasyon na kanyang pinirmahan ngayong taon. Ngunit, wala namang nagbago. Bakit? Ito ay dahil ang nilalaman ng bagong executive order ay hango lamang sa hindi naging epektibo na mga panukalang hindi nagbibigay ng proteksiyon sa mga manggagawang pautuloy na nakararanas ng paghihirap dahil sa mga nagpapatakbo ng kumpanya. Ang problema sa mga panukalang ipinatutupad ng pamahalaan ay ang kakulangan sa kaparusahan ng mga lalabag sa batas. Dahil dito, patuloy na pinagsasamantalahan ang mga manggagawa lalo na ang mga kontrakwal.

Nakalulungkot na makita na walang batas na nagbibigay ng proteksiyon sa mga manggagawa — patuloy pa rin ang hindi makatarungang pagsasamantala sa mga manggagawa. Pagod na pagod na ang mga manggagawa sa isang sistema na may benepisyo para sa kanilang mga amo, kahit na sila ang nagkakandahirap para makakuha lamang ng maliit na sahod. Ang sistemang ito ng kontraktwalisasyon ay hindi na bago. Ang neoliberal na polisiyang ito ay nanggaling pa mula sa panahon ng Kastila sa paraan ng cabo system at iba pang paraan. Napakaluma na ng mga isyung lumalabag sa karapatan ng mga manggagawa, pero hindi pa ito naaksyunan dahil sa personal na interes ng mga kapitalista.

Maraming taon na ang nakalipas, at isyu pa rin ang karapatan ng manggagawa. Ang paghihirap ng manggagawa ay hindi dapat tumatagal nang tumatagal. Dapat nang gumalaw ang gobyerno — lalo na ang Department of Labor and Employment — ukol sa isyung ito at pati na rin ang iba pang isyu na nararanasan ng manggagawa tulad ng mababang minimum wage at ang malupit na kondisyon na nararanasan sa mga pagawaan at pabrika. Bilang estudyante, dapat rin tayong makisama sa panawagan ng mga manggagawa laban sa mga lumalabag sa kanilang karapatan. Dapat na marinig ang boses ng uring manggagawa, kaya dapat nating tulungan na iangat ang kanilang pakikibaka tungo sa pagkamit ng kanilang karapatan.

Tungkol sa may-akda: Si Josh Valentin ay ang ang Managing Editor ng Counterpoint. Sa kasalukuyan, siya ay isang nasa Baitang 12 sa De La Salle Zobel-Vermosa na kumukuha ng kursong Humanities and Social Sciences. Siya rin ang Media Assistant ng Mission Youth-Zobel. Ang bumubuhay sa kanya ay ang laban ng masa at malamig na kape.

--

--

josh valentin
CopoDLSZ

writes about material conditions and alternative realities ★ commentary and analysis on pop culture, poetry, and philippine politics.