Pagsusuri ng Pelikula: 100 Tula Para Kay Stella

Jherimie Anne Salvador
CopoDLSZ
Published in
3 min readAug 28, 2017
Pinagmulan sa Starmometer

Si Fidel Lansangan (JC Santos) ay ipinanganak na may “speech defect” at kinakailangan niyang limitahan sa tatlong salita ang kanyang pangungusap upang hindi mautal. Taong 2004 ang kanyang unang taon sa kolehiyo bilang estudyante ng kursong sikolohiya sa “Pampanga Agricultural College”. Doon nakilala niya ang rakista na si Stella Puno (Bela Padilla) na napaibig sa kanya. Sa kanyang apat na taon sa kolehiyo, siya’y nagsulat ng 100 tula para sa taong mahal niya, sa pag-asang mamahalin din siya.

Si Fidel at Stella ay ang kabaliktaran na isa’t isa. Si Fidel ay isang mahiyaing estudyante, napakatalino at “grade-conscious na honor student” habang si Stella naman ay isang matapang na rakista (na paboritong banda ay Rivermaya) na mas kinahihiligan ang kumanta sa kanyang banda kaysa sa pag-aaral.

Ang mahiyain na si Fidel ay nagsimulang magsulat ng mga tula para kay Stella, ngunit hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob upang maipabasa man lamang ang kanyang mga tula. Si Stella naman ay marami nang naging kasintahan para lamang makakuha siya ng kontrata sa kanyang pagkanta. Habang sa pagsulat naman ni Fidel ng kanyang pang-isang daang tula, kakayanin ba niyang ibigay kay Stella ito at sabihin sa kanya ang kanyang nararamdaman sa loob ng apat na taon na lihim niyang pagtingin?

Ako’y pumasok sa sinehan at umaasa na ito ay magiging isang magaan at masayang pelikula ngunit ako’y lumabas ng sinehan na mabigat ang pakiramdam. Sa talento ng mga bida na si JC Santos at Bela Padilla, talagang mararamdaman ng tagapanood ang pagkabigo at sakit ng parehong karakter. Para sa akin, hindi naging madali ang pagdala ng mabigat at masakit na damdamin sa dalawang oras na pinanuod ko ito.

Isa sa mga napansin ko sa pelikula ay hindi katanggap-tangap na si Stella at si Fidel ay 17 taong gulang lamang kung ikukumpara mo sila sa kanilang mga kaklase. At dahil mukha silang matanda para sa edad nila, may mga bagay na ginagawa nila na hindi kapanipaniwala dahil gawain lamang iyon ng mga bata.

Pero sa pangkalahatan, ang pelikulang ito ay napakaganda na para sa isang “indie film”. Hindi mo lamang mamahalin ang napakagandang tanaw ng Mt. Arayat pero mapapansin mo din ang pag-iyak mo para sa istorya ng pagmamahalan ni Fidel at Stella na naipakita sa kakaibang paraan. Maaalala mo ang mga napakagandang kanta ng Rivermaya tulad ng 241 at Balisong (isinalin ng bandang “The Juans” nang napakaganda).

Mararamdaman mo ang tuwa at sakit sa damdamin ng mga karakter sa pelikulang ito. Ang “100 Tula Para Kay Stella” ay mag-iiwan ng impresyon na gugustuhin mong ipagsapalaran ang lahat para sa iyong iniibig; at kahit pa nasasaktan ka, kung nakikita mong masaya ang iyong minamahal, matututunan mong magpaparaya. Binibigyan ko ito ng 8/10.

Tungkol sa may-akda: Si Jaimie Salvador ay ang Associate Editor ng Counterpoint. Siya ay naging miyembro ng publikasyon noong siya ay nasa Baitang 10 at naging Literary Editor nito noong taong 2016–2017. Sa kasalukuyan, siya ay isang estudyante ng Baitang 12 sa De La Salle Zobel na kumukuha ng kursong Humanities and Social Sciences.

--

--