Mga Maling Akala

ni: Bea Jane V. Serna

Bea Jane
Gana Philippines
3 min readAug 30, 2021

--

Ito’y tanong ng aming gurong nakapinta sa mukha’y isang ngiting nakagagaan ng pakiramdam.

Ang aking mga kaklase’y nagsipili na ng kani-kanilang mga bayani. Kadalasang ibinanggit na mga pangala’y kilalang-kilala ng lahat, kabilang na si Jose Rizal, Andres Bonifacio, Melchora Aquino, at Gregorio del Pilar. Ako lamang ang kakaiba, sapagkat ang sagot ko’y sarili kong Ina.

Noon, puso ko’y napuno ng poot at galit,

Sapagkat sa aking isip ako’y ipinagpalit,

Aking inang hindi ko na nasisilayan,

Panunumpa niya’y ‘di madaling bitawan.

Pangalan ma’y hindi makikita sa kasaysayan,

Buhay at serbisyo’y kanyang inilaan,

Para sa taumbayang nangangailangan.

Ito ang aking Ina, ang siyang bayaning hindi ko ipagpapalit, kailanman.

Akala ko hindi ako mahal ng aking Ina.

Sa mga panahong kailangan ko siya, wala siya. Sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, kahit sulyap man sa kanyang mukha ay hindi ko magawa. Mga mata ko’y pulang-pula na sa walang katapusang paghagulhol na siyang nais lamang ay makapiling ang aking Ina. Bago ako matulog ay iisa lamang ang aking hiling, na umuwi ka na, Inay.

Akala ko mas mahal sila ni Inay kaysa sa akin.

Hanap-hanap ko ang aruga ng isang Ina, at sa kadahilanang wala siya dito at siya’y nandoon, inisip kong mas mahal niya ang mga taong hindi niya naman kilala. Sinasakripisyo niya ang kanyang oras, lakas, at sigla, upang alagaan ang mga taong may sakit, kahit hindi niya man sila kaano-ano,

Akala ko ginusto ni Inay na mawalay sa aming pamilya.

Alam kong ako’y matigas ang ulo, at baka ito’y dahilan kung bakit gusto niyang makatakas kahit panandalian lang. Sa lahat ng problemang pasan niya, hindi ko maitatanggi ang hirap na kanyang pinagdadaanan. Minsa’y naririnig ko na lamang ang bawat hikbi sa kanyang pag-iyak, na siyang sa bawat luha’y nadarama ko ang sakit.

Sa kabila ng lahat, napaisip ako.

Bakit sinisisi ko ang aking Ina?

Bawat patak ng pawis ay itinitiis niya para sa ikabubuti ng aming pamilya. Sakripisyo niya ay hindi maikukumpara. Inaalagaan mo ang mga taong may sakit, na kahit hindi mo kilala’y pag-aaruga mo’y parang pamilya mo rin sila. Sahod mo man ay hindi sapat kung tutuusin, tungkulin mo ito’t panunumpa.

Inay, alam kong pagod ka na, sapagkat ang init ng suot mo’y hindi maikukumpara. Gusto mo lamang ay makapaghinga, kapiling kami, ang iyong pamilya. Kahit anong pilit mo man na umuwi’y di mo magawa, dahil mapapahamak mo kami, at kailangan ka nila.

Sana ay mag-ingat ka palagi, Inay. Hindi man magara ang iyong suot katulad ng ibang mga bida, walang laban si Darna sa lakas na taglay mo, sapagkat handa ka na ialay ang buhay mo para sa iba. Ipinagmamalaki kita, Inay. Kahit hindi man nila pinapahalagahan ang iyong mga ginagawa sa pang-araw-araw, sana ay madama mo ang pagmamahal ng ipinapakita ko bilang anak mo.

Pagmamahal sa kabila ng mga mask, face shield, at PPE na iyong suot.

--

--