Mga Wikang Kinalimutan sa mga Siglong Nagdaan

ni Reinheart Shane Z. Villaruz

Reinheart Shane Z. Villaruz
Gana Philippines
6 min readAug 27, 2021

--

Ang wika ay sumasalamin sa kasaysayan at yaman ng kultura ng isang bayan. Ayon kay Anderson (2021), ang wika at kultura ng isang bansa ay magkaugnay at hindi maaaring pag-aralan ang isa kung hindi lubos na nauunawaan ang isa pa.

Sa kabuuan, ang Pilipinas ay binubuo ng mahigit 183 wika, mahigit 93% nito ay mga katutubong wika. Batay sa Summer Institute of Linguistics (SIL), 11 sa mga wikang ito ay nagsisimula nang yumao, samantalang 28 naman ay nanganganib nang maglaho. Sa katunayan, dalawang wikang Aeta, Villa Viciosa Agta, at Dicamay Agta ang tuluyan nang nabaon sa limot. (Reysio-Cruz, 2019)

Ang iba pang mga wikang malapit nang mawala o “nearly extinct” ay ang wikang Ata, Isarog Agta, Arta, at Sorsogon Ayta na mayroon na lamang natitirang tatlo, lima, labing-isa, at labinlimang dokumentadong tagapagsalita, ayon sa pagkakabanggit.

Subalit, ano nga ba ang nagtutulak sa mga wikang ito upang unti-unting lumisan sa mga isip at bibig ng mga Pilipino?

Ayon kay Rynj Gonzales, isang espesyalista ng language assessment sa SIL, ang urbanisasyon ay ang nagtutulak paalis sa mga katutubo mula sa kani-kanilang mga lupang ninuno o ancestral lands. Batay naman kay Jesus Federico Hernandez, isang propesor sa UP Department of Linguistics, ang militarisasyon, pagmimina, pagtotroso, at pagtatayo ng mga imprastraktura sa mga katutubong lupa ay maaaring maging dahilan ng pagkabuwag ng mga lingguwistikang komunidad sa bansa. Gayunpaman, ang maituturing na pinakamalaking sagabal sa pagyabong ng mga katutubong wikang ito ay ang kahirapan. Dulot din ito ng pagkabigo ng gobyerno sa pagpapaunlad ng mga rehiyon kung saan naninirahan ang mga tribong ito. Ang paggamit ng mas nangingibabaw na wika ay nagiging susi sa pakikipagsapalaran sa buhay. (Reysio-Cruz, 2019)

Hindi maitatanggi na makapangyarihan ang wika at hindi ito mapaghihiwalay sa kultura at pagkakakilanlan ng isang bansa, subalit, mayroong mga bagay na nagdudulot sa tuluyang paglaho nito sa makabagong mundong ating tinitirhan sa kasalukuyan. Dulot ng modernisasyon, nahihinto na ang pagpapamana ng mga wika ng ating mga ninuno sa mga bagong henerasyon. Upang makahabol sa patuloy na pagbabago ng mundo, unti-unti nang nababaon sa limot ang mga katutubong wikang Pilipinas.

Katutubong alpabeto bago ang pananakop ng Espanya

Kaakibat ng wika ay ang alpabeto ng Pilipinas na nagtataglay ng sarili nitong mga titik, simbolo, guhit, at kudlit. Kasabay ng unti-unting paglimot sa ating mga wika ay ang paglaho rin ng alpabetong unang ginamit ng ating mga ninuno bago pa man tayo sakupin ng mga banyaga.

Bukod sa mga katutubong wika sa bansa, ang Pilipinas ay nagtataglay rin ng alpabetong ginagamit bilang sistema ng pagsusulat ng mga ninuno bago tumapak ang mga dayuhan sa bansa — — ang Baybayin. Ang salitang baybayin ay nagmula sa salitang “baybay” na nangangahulugang “to spell” sa Tagalog — ang wikang karaniwang ginagamit sa pagsusulat ng baybayin. Ang alpabetong ito ay nagmula sa sinaunang India at ito ay isa lamang sa 16 iba pang mga sistema ng pagsusulat sa Pilipinas bago ang pananakop ng Kastila.

Ang Baybayin ay nagtataglay ng 17 karakter: 14 katinig at 3 patinig ngunit pag sinamahan ng kudlit, mga markang nagpapabago sa mga patinig, ang kabuuang bilang ng mga karakter ay nagiging 45. Ang paraan ng pagsulat na ito ay tinatawag na abugida. Kapag ating bibigkasin ang bawat letra sa baybayin nang walang mga kudlit, ang mga ito ay nagtatapos sa tunog “â” tulad ng babâ, kakâ, dadâ, at iba pa. Sa paglalagay ng kudlit, maaaring mabago ang tunog ng bawat letra.

Ayon kay Bielenberg (2018), bukod sa Tagalog, ginagamit din ang wikang Pangasinan, Bisaya, Ilokano, Bikol, at Kapampangan noon sa pagsusulat ng naturang alpabeto. Ang salitang “baybayin” ay unang lumitaw taong 1613 sa isa sa mga pinakamaagang lengguwaheng diksyonaryong nailathala na pinamagatang “Vocabulario de Lengua Tagala.” Tinatawag ang alpabetong ito ng mga Espanyol noon na “Tagalog writing” o “tagalog letters.” Samantala, “Moro writing” naman ang tawag ng mga Bisaya noon dito dahil ito ay nagmula sa Maynila kung saan laganap ang mga Muslim na mangangalakal. Sa kabilang banda, tinawag ng mga Bikolano ang iskrip na ito bilang “basahan” at ang mga letra nito bilang “guhit.”

Isa pang karaniwang ngalan sa baybayin ay ang alibata — isang salitang naimbeto sa ika-20 siglo ni Paul Versoza, miyembro ng lumang National Language Institute.

Ano ang dahilan ni Versoza sa pag-imbento ng salitang Alibata?

“In 1921 I returned from the United States to give public lectures on Tagalog philology, calligraphy, and linguistics. I introduced the word alibata, which found its way into newsprints and often mentioned by many authors in their writings. I coined this word in 1914 in the New York Public Library, Manuscript Research Division, basing it on the Maguindanao (Moro) arrangement of letters of the alphabet after the Arabic: alif, ba, ta, “f” having been eliminated for euphony’s sake,” ani Paul Versoza ukol sa pagpapakilala ng salitang Alibata.

Subalit, ayon kay Paciente (2021), ang mas luma at mas tamang ngalan ay ang Baybayin sapagkat ito ay dati nang nababanggit sa mga lathala noong panahon ng mga Espanyol sa Pilipinas sa ika-17 hanggang ika-18 siglo.

Ano na ang nangyayari sa pagpapalawig ng Baybayin sa bansa?

Bagamat ito ay kumalat sa Pilipinas noong 1500, ito ay nagsimulang mapag-iwanan noong 1600 sa kabila ng pagsubok ng mga klerong Espanyol na gamitin ito sa pagbabahagi ng Ebanghelyo. Sa ika-17 at ika-18 siglo, patuloy pa rin ang paggamit sa Baybayin sa pagsulat ng kanilang mga pangalan kahit na karamihan ng mga dokumento noon ay nakasulat na sa Espanyol. Ngunit ayon kay Sebastian Totanes noon 1745, bihira na lamang ang Pilipinong marunong magsulat at magbasa ng Baybayin sapagkat karamihan ay gumagamit na ng Kastila.

Sa kasalukuyan, ang Baybayin ay sinusubukang buhayin muli ng mga Pilipino. Sa katunayan, mayroon nang mga Baybayin keyboard na madaling magagamit sa internet. Gumagawa na ng aksiyon ang mga mamamayan na palawigin muli ang minsan nang nakalimutang wika at alpabeto ng ating mga ninuno.

Ano ang panganib na dala ng pagkalimot sa wika at alpabeto ng ating bansa?

Pagkakakilanlan ng Pilipinas ang nakataya. Hindi maitatanggi na sa dami ng siglong tayo ay binihag ng iba’t ibang mga dayuhan, unti-unti nating nakalimutan ang tunay nating pagkatao bilang mga Pilipino. Ang obramaestrang kulturang pinanday ng ating mga katutubong ninuno ay marahas na ibinaon sa lupa at binura sa mga puso at isip ng mga Pilipino.

Kaya naman, hahayaan ba nating tuluyang maglaho ang orihinal na pagkatao ng Inang Bayan? Ilang beses na siyang hinubaran ng tunay niyang pagkatao at binihisan ng mga mananakop ng banyagang kultura at wika sa kagustuhang burahin ang tunay niyang pagkakakilanlan.

Kung hindi ngayon, kailan? Kung hindi ikaw, sino? Sino ang bubuhay sa mga wika ng bayang ito kung hindi tayong mga Pilipino?

SANGGUNIAN

Anderson, V. (2021). Relationship Between Language and Culture. Mars Translation. https://www.marstranslation.com/blog/language-and-culture

Bielenberg, A. (2018). Baybayin and Nationalism. Aliosha Pittaka Bielenberg. https://alioshabielenberg.com/baybayin-and-nationalism/

Morrow, P. (2002). Baybayin — The Ancient Script of the Philippines. http://paulmorrow.ca/bayeng1.htm

Paciente, D. R. (2021). Learning Baybayin: A Writing System From the Philippines. Owlocation. https://owlcation.com/humanities/Learn-how-to-type-write-and-read-baybayin

Reysio-Cruz, M. (2019). Saving PH diverse languages from extinction. Inquirer.net.https://www.google.com/amp/s/newsinfo.inquirer.net/1155014/saving-ph-diverse-languages-from-extinction/amp

--

--