[OPINION] Looking for: transient (no to scammers pls)

by Tuesday Javar | May 3, 2023

Highland 360
Highland 360
3 min readMay 3, 2024

--

Grapiko ni Kate Merindo

Ngayong nagsisimula nang umakyat ang mga tao sa Baguio City dulot ng sobrang init na panahon sa ilang lugar, nagsisimula na ring kumita ang mga pabahay at iba pang tirahan na pwedeng rentahan ng mga turista. Kung bago ka pa lang sa Baguio, pagbaba mo galing sa bus ng Victory Liner ay sasalubong na agad sayo ang mga nag-aalok ng transients at bedspace. Halo-halo sila, may mga matatandang lalaki at matatandang babae. Syempre bilang isang turista, lalo na ay kung wala ka pang nahahanap na panandaliang matitirhan, maaari kang kumagat sa ganoong eksena.

Mahirap din namang maghanap ng mapagkakatiwalaang landlord o landlady lalo na sa online. Kunwari ay magpopost sila ng magandang bahay tapos ang presyo ay mas mababa pa sa pamasaheng nagastos mo papuntang Baguio. Malamang ay marami nang nabiktima nito. Kaya naman, ang pamahalaang lungsod ng Baguio ay pinapayuhan ang mga turista na maging mapagmatyag sa ganitong mga pangyayari. Ayon kay City Permits and Licensing Officer Allan Abayao noong 2023, ang City Tourism Office ay patuloy na nagbibigay ng mga babala at payo upang maging gabay ng publiko sa pagpoprotekta mula sa mga ilegal na aktibidad ng mga scammers.

Naalala ko pa noon nang magkwento ang aking mga kaibigan tungkol sa paghahanap nila ng bagong dormitoryo. Maraming nag-alok ngunit may isang babae silang nakausap at agaran silang hiningian ng down payment upang mareserba na. Dahil nga ay desperado nang makalipat, nagbigay sila agad. Ilang araw lang ang makalipas ay hindi na nila ito makontak at hindi na nakuha muli ang kanilang pera. Siguro ay may parteng kasalanan nila na nagbigay sila agad ng pera kahit na hindi pa nakikita ‘yung bahay, ngunit nasa scammers pa rin ang buong sisi. Kaugnay rito, nagpayo noong 2023 ang City Tourism Office na palagiang mag fact-check sa mga Facebook groups at pages kung lehitimo ang kanilang mga nakakausap na may-ari ng pinauupahang bahay. Bukod pa rito, nabanggit din ni Abayao na ang lungsod ay patuloy na lumilibot sa iba’t ibang baranggay upang bigyan ng abiso ng paglabag ang mga may-aring hindi pa rin rehistrado ang negosyo. Patuloy din daw nilang sinasabihan ang mga may-ari ng bahay na maging tapat sa kanilang mga kostumer. Ngunit, bakit tila hindi pa rin natatapos ang panloloko ng mga ito sa tao? Kulang pa ba ang ginagawa ng pamahalaang lungsod?

Noon pa man ay nangyayari na raw talaga ang ganitong mga kaganapan. Noong Oktubre 28, 2023, naglabas din ng paalala ang Baguio City Tourism mula kay Mayor Benjamin Magalong tungkol sa mga mapanlinlang na kunwari ay nag-aalok ng matitirhan. Para na rin sa mga nabiktima, inabisuhan nila ang mga ito na kontakin sila sa Regional Anti-Cybercrime Unit — Cordillera (RACU Cordillera) upang maireklamo. Mas pinaiigting din daw nila kasama ng Anti-Cybercrime Group of the Philippine National Police ang pagsubaybay sa account ng mga scammers. Sa ganitong paraan daw ay inaasahang bumaba ang kaso ng panloloko sa mga turista.

Sa totoo lang, parang hindi naman ata nababawasan ang kaso ng ganitong mga pangyayari. Imbis na maghahanap ka nalang sana ng matutuluyan, mas uunahin mo pa tuloy ang magreport sa mga awtoridad tungkol sa naranasan mo. Kumbaga, imbis na magpapahinga at magpapalamig na lamang sa Baguio, mas iinit pa tuloy ang ulo mo dahil sa mga mapanlinlang na tao. Naiintindihan naman na mahirap talaga ang buhay ngayon, ngunit kailangan ba talagang perwisyohin ang iba? Kung ganito lamang ang magiging sistema ng buong lungsod hanggang sa hinaharap ay baka wala nang turista ang gugustuhin pang dumayo rito. Sana ay hindi ito ang gawin nilang pamamaraan upang maisakatuparan ang kanilang layunin, bagkus ay maghanap pa ng mas makatwirang paghahanapbuhay. Sana rin ay tulungan sila ng ating pamahalaan na mahanap ang tuwid na landas na kailangan nilang tunguhin.

--

--