Hindi pa huli: Pagbabalik sa pagmamahal para sa sariling wika

T A Y O
Kids for Kids
Published in
4 min readAug 28, 2021
Illustrated by Keana Sanchez

Noong unang taon ko sa kolehiyo, may pinabasa sa amin ang aming propesor sa Purposive Communication na artikulong inilabas ng noong 2011 sa pamagat na Language, Learning, Identity, Privilege. Hindi ko mabibigyang hustisya ang kakaibang artikulo ni Soriano, ngunit sa madaling salita, ang pananaw ng awtor tungkol sa kanyang sariling wika ay galing sa posisyong pribilehiyo; sa kanyang opinyon, ang wikang Filipino raw ay parang gawaing bahay, katulad ng paghuhugas ng pinggan — hindi niya gusto ito, ngunit kailangan niyang gawin. Para sa kanya, ang sarili niyang wika ay wika ng kalye — “language of the streets.” Hanggang ngayon, naalala ko parin ang aking emosyon pagkatapos basahin ito. Sapagkat hindi naman panibagong posisyon ang pananaw ng awtor tungkol sa sarili niyang wika, nakakadismaya isipin na buhay na buhay parin ang ganitong kuro-kuro. lalo na’t Maaring mas dumami pa ang ganitong pananaw lalo na’t tinanggal ng CHED ang Filipino at Panitikan bilang parte ng pangunahing kurikulum ng kolehiyo mula 2019.

Paano tayo dumating sa ganitong punto, na patuloy paring minamaliit ang ating sariling wika?

Hindi pinaglaban ng ating mga pambansang bayani na maging sariling atin ang wikang Filipino para lang masintabi at makalimutan ito. Hindi pa huli, kababayan; marami pang panahon upang muling bisitahin ang wikang nagpalaki sa atin, sa ating mga magulang, sa mga lolo’t lola, at sa ating mga ninuno. Palaging narito ang inang wika upang salubungin tayo at sorpresahin sa kagandahan at kalawakan nito — kailangan lang nating magtiyagang balik balikan pa rin ito.

Paano tayo nakarating sa ganitong punto?

Naintindihan ko rin ang pinanggalingan ni Soriano sa kaniyang artikulo dahil pinalaki rin ako sa bahay na Ingles ang pangunahing wika sa pakikipag-usap. Hanggang ngayon, naalala ko pa ang mga nakapaskil sa gilid ng aming mga silid-aralan noong elementarya na “English Only Policy!” bilang paalala na ang wikang Ingles ay palaging gawing prayoridad sa anumang diskursyo o usapan na magaganap sa loob ng kampus (madalas, nagkakaroon pa ng mga demerit ang mga estudyanteng nahuhuling nagta-tagalog).

Pictures from unsplash.com

Mahalaga ring tandaan na maraming Pilipino ang naininiwalang mas nakakataas ang wikang Ingles kaysa sa wikang Filipino. Masisisi ba natin ang ating sarili kung karamihan ay ay pinalaki sa paniniwala na Ingles ang solusyon sa kahirapan? Sa eskwelahan, may English Only Policy, at aminin man natin o hindi, palaging inuuna ang mga estudyanteng may perpektong balarila. Sa paghahanap-buhay, kinakailangang maging magaling sa wikang Ingles, lalo na’t sa malaking industriya ng mga BPO o call center. Mula sa midya hanggang sa default language ng mga social media apps, ang wikang Ingles ay sentralisado para sa mga Pilipino. Sa bansang desperadong manaig sa teknolohiya at globalisasyon, nangunguna ang wikang Ingles. Dahil dito, hindi na nakakagulat na maraming naniniwalang mas lamang ang Ingles bilang isang lenggwahe kaysa sa Filipino.

Ngunit dapat bigyang pansin na ang paniniwalang ito ay hindi nagbibigay hustisya sa ating identidad bilang isang Pilipino. Kinakailangan ang ating kusang loob na kontrahin at hamunin ang posisyong binaon sa ating lipunan ng mga institusyong sumasalungat sa wikang Filipino.

Nais kong balikan ang wikang Filipino. Saan ako pwede magsimula?

Mambabasa, magsimula ka sa iyong sarili. Sa iyong tahanan. Hindi biro ang magmahal sa sariling wika. Kung katulad ko ay pinalaki kang nangunguna ang wika ng iba, patawarin ang pagpapabaya sa sariling wika at balikan ito. Posibleng maging mahusay ka sa dalawang wika at higit pa.

Pictures from unsplash.com

Hindi susulong ang ating mga wika kung hindi natin sisimulang balikan ang paggamit nito sa lahat ng antas — sa pang araw-araw; sa akademya, sa agham at matematika; at sa panitikan. Matagal nang kinaya ng mga edukado na gumamit ng Filipino sa kanilang mga propesyon; kung kinaya nila ito, ano ang pumipigil sa atin bilang sambayanan na sumunod dito?

Hindi pa huli. Oras na para bigyang pansin at lubos na pagmamahal ang ating wika.

Ipagdiwang at pagyamanin ang pagkakaiba-iba nito, dahil kapag patuloy pa itong binalewala at isinantabi, patuloy itong mawawala, at patuloy tayong mawawalan ng sariling pagkakakilanlan.

Mga Sanggunian

Written by Ashlee Baritugo, a talented writer from our team who has been changemaking together with us for more than a year.

--

--

Kids for Kids
Kids for Kids

Published in Kids for Kids

We are a Youth Organization on Culture, Climate, & Children’s Rights, crafting a community of young people to give them a platform to safeguard the future of the next generations where every child‘s right, does not have to be fought for but lived out everyday.

T A Y O
T A Y O

Written by T A Y O

Standing up for and with others.