Tin Can
Carpe Diem!
“Tara sumakay tayo sa roller coster.” yaya sa akin ni Tricia.
“Uhhh,” dagling putol ni Ruben, “Hindi ka pa napapagod? Hinihingal na ako eh.”
“Tara na.”
Bigla niyang kinuha ang kamay ng binata. Halata sa mukha ni Ruben ang pagod, pero hindi ito sapat para mapahinto ang maligalig na si Tricia.
Panahon ng pista: maraming tao sa peryahan, maraming tao na nagbabalak kumita sa mga palaro, may mga taong nag-aabang lang ng swerte gaya na lamang ng mga pitaka ng mga kalalakihan na laging nakausli, at mga taong nagnanais lang ng kaunting saya. Karamihan sa mga taong aligagang umiikot sa peryahan ay ang magkaibigang sina Tricia at Ruben.
Natapos rin ang kanilang pagsakay sa roller coaster. Halos mawalan ng ulirat si Ruben sa hilo. Pero napawi ang lahat ng iyon nang may isang palad ang humaplos sa kanyang kamay na sobrang pamilyar sa kanya.
“Last na. Sa tsubibo. Sagot ko.”
Nakaluwag si Ruben. Mas nakakarelaks nga naman ang sumakay sa tsubibo.
Kalawangin na ang tsubibo. Halatang nakikipagtagalan ang mga parte nito sa panahon. Sa bawat pag-ikot nito ay ang mahihinang ingay ng mga turnilyong tinatakpan ng kalawang. Ngunit kahit na nakikitaan na ng katandaan, nagagawa ng tsubibo na maging bata. Pinturado ang bawat upuan sa tsubibo. Malinis ang paligid nito. Kaayaya pa ring sakyan ang pobreng ride.
Sa pagtanaw sa langit, naisip nila ang mga mangyayari sa susunod na araw. Lahat ng pangamba ay naging kasiguraduhan. Ang lahat ng lungkot ay naging saya.
“Kapag ba natuloy iyon,” malumanay na hinto ni Tricia. “anong gagawin mo?”
Tumingin sa malamlam na mata ni Tricia ang lalaki. “Magiging masaya ako.”
“Bakit naman?” tanong ni Tricia.
“Dahil meron nang sasalubong sa akin sa langit kapag pumunta ako doon.”
Sa taas ng kanilang upuan sa tsubibo, kita ang buong baryo. Kita rin ang langit na noong panahong iyon ay kahel na may kaunting tintang pula. Dama ng dalawa ang hangin na kasing lamig ng sinabi ni Ruben. Kasing lamig ng dalawang taong naghihintay sa paglubog ng araw; sa paglubog ng ‘kanyang’ araw.
“Sabi na’t naririto ka eh.” bati ng isang matandang lalaki sa taong nakaupo sa tapat ng isang puntod.
“Aba eh kayo ho pala,” salubong ng binata na sa paglipas ng panahon ay tinubuan ng kaunting puti sa bumbunan, “matagal-tagal na rin ho pala.”
“Oo. Matagal-tagal na. Pero salamat sa palagian mong pagdalaw.” tugon ng matanda.
“Alam niyo ho, mabuti rin na naging kaibigan ako ng anak ninyo.”
“Bakit naman?” pagtataka ng matanda.
“Kasi sa kanya ko natutunan ang mga dapat gawin bilang isang lalaki. Na dapat hindi basta-basta gumawa ng desisyon. Na dapat ang aasikasuhin ko ay ang pagiging malakas at maprinsipyo. Sa kanya ko natutunan ang paniniguro sa kung ano man ang tumatakbo sa utak ko.”
“Isa ka talagang mabait na bata.” Hinipo ng matanda ang ulo ng lalaki.
“Pero ho, hanggang ngayon nalulungkot pa rin ako.”
“Bakit iho?” pagtataka ng matanda.
“Kasi ho, naging sigurado ho ako kung kailan mawawala siya. Naging sigurado lang ako na siya na nung wala na siya.”
Umihip ang hangin. Malamig. Sakto sa damdamin ng ngayo’y ni Ruben na sobrang lamig. Ngunit pasasaan pa ang lamig ng damdamin kung may dala namang dalawang lata ng beer ang tatay ng may-ari ng puntod? Nakita na ng matanda ang lahat, at ang kailangan lang nila ay magpainit.
“l$���C�