BALITA | Mga Anomalya sa Ayuda ng Gobyerno

The Manila Collegian
The Manila Collegian
3 min readAug 7, 2020

Ng: Seksyon ng Balita

Mahigit apat na buwan matapos mapasailalim ang bansa sa COVID-19 lockdown, inilahad ng IBON Foundation na nananatili pa ring mabagal, kaunti, at kapos ang naging saklaw ng Social Amelioration Program (SAP) ng Administrasyong Duterte para sa mga Pilipino. Sa kabila nito, patuloy ang naging panawagan at paniningil ng mga kritiko upang maisiwalat at masolusyunan ang sumisidhing problemang dulot ng nasabing programa.

Ang Pangako ng SAP

Ang SAP ay isa sa mga programang inilunsad ng pamahalaan upang matulungan ang mga pamilyang lubhang naapektuhan ng pagsasara ng ekonomiya ng bansa. Kabilang ito sa mga mandato ng Batas Republika Blg. 11469 o The Bayanihan to Heal as One Act, na nagbigay ng karagdagang awtoridad kay Pangulong Duterte para sugpuin ang krisis pangkalusugang kinakaharap ng Pilipinas.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang itinalaga ng pangulo bilang tagapangasiwa ng nasabing programa. Pangunahing mithiin nito ang makapagbigay ng buwanang ayuda na nagkakahalaga ng Php 5,000 hanggang Php 8,000 sa mahigit 22.7 milyong pamilya sa loob ng dalawang buwan.

Mga Problema ng SAP

Gayunpaman, inilahad ng IBON Foundation na lumabas sa huling ulat ng Pangulo hinggil sa aksyon ng pamahalaan sa krisis na tanging Php 26.3 bilyon pa lamang mula sa nakalaang PHP 275-bilyong pondo ang nagamit ng rehimen sa implementasyon ng SAP. Ibig sabihin, mababa pa sa isang-katlo ng kabuuang bilang ng mga benepisyaryo ang aktuwal na naabutan ng tulong ng programa.

Maliban dito, noong Hulyo 28 ay inamin ng DSWD na mahigit 239,000 pamilyang nakalista bilang benepisyaryo ng SAP ang hindi talaga kuwalipikado. Mahigit 676,000 indibidwal naman ang nakatanggap ng dobleng pinansyal na ayuda mula sa pamahalaan. Bagkus, halos limang milyong pamilya na naturingang waitlisted sa SAP ang hindi na nabigyan ng subsidiya.

Nagresulta ang anomalyang ito sa dalawang buwang pagkahuli sa pamamahagi ng SAP. Inilahad ni Joy Aceron, Convernor Director ng G-Watch at Researcher Adviser ng Accountability Research Center, na ang magulong implementasyon ng SAP ay bunga ng kawalan ng malinaw na impormasyon at plano ng pamahalaan hinggil dito.

“We see as early as now the growing level of misinformation about the government’s social amelioration package.” ani ni Aceron. “The vague, general, and fragmented information being provided by the government is causing distress among citizens and implementers on the ground.”

Panawagan sa Administrasyon

Bunga ng mga pagkukulang ng SAP bilang pangunahing tulong sa mga Pilipino, patuloy na nanawagan ang IBON Foundation sa Administrasyong Duterte na muling suriin at tuklasin ang mga nararapat na aksyon hinggil sa epektibong pagsugpo sa lumalalang krisis na kinakaharap ng bansa.

“The inadequacy of the Social Amelioration Program (SAP) underscores the government’s failure to address the plight of the most vulnerable Filipinos in the time of COVID-19.” ani ng IBON. “The Duterte administration’s hype that it is close to completing the distribution of the second tranche of SAP also conceals how many Filipinos will not get aid that they still badly need.”

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.