BALITA | Pagsupil sa maling kalaban, inaasahan sa parusang kamatayan

The Manila Collegian
The Manila Collegian
3 min readAug 17, 2020

Ng: Seksyon ng Balita

Disenyo ni: Vince Julius Balaga

Umingay muli sa Kamara ang usapin ng pagbabalik ng parusang kamatayan para sa mga kasong may kinalaman sa droga matapos itong banggitin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27. Dalawang linggo matapos ang SONA, umabot na sa 12 panukala ang naihain sa mababang kapulungan upang ibalik ang naturang parusa.

Agad naman itong umani ng kritisismo mula sa iba’t ibang mambabatas at organisasyon. Sentro ng mga puna ang pag-aalinlangan sa bisa at posibleng epekto nito, partikular na sa mga Pilipinong migrante. Gayundin, ang kawalang tiwala nila sa administrasyong Duterte na magpapatupad ng batas.

Hindi solusyon sa problema

Kinuwestyon ng ilang mambabatas ang pagsusulong ng parusang kamatayan sa panahon ng pandemya. Sa huling datos, mayroong 161,253 kaso ng COVID-19 sa bansa, na pinakamataas sa buong Timog-silangang Asya. Ayon kay Senador Nancy Binay, mas maiging pag-usapan kung paano mabubuhay sa gitna ng krisis pangkalusugan imbes na talakayin ang pagkitil sa buhay ng tao.

Samantala, pinangangambahan ng grupong KARAPATAN na mas matinding pagsupil sa sektor ng mga mahihirap pati mga kritiko lamang, at hindi sa kriminalidad, ang magiging resulta ng pagpapatupad ng parusang kamatayan.

Binigyang diin ni Carlos Conde, isang mananaliksik mula sa Human Rights Watch, na ang pagpapatibay sa parusang kamatayan ay katumbas ng pagsuporta sa madugong war on drugs ni Pangulong Duterte. Pinapakita sa datos ng Commission on Human Rights (CHR) na umaabot na sa 27,000 katao ang biktima nito, kung saan ang malaking bahagdan nito ay nagmula sa mahihirap na sektor ng lipunan.

Idinagdag pa ni Conde na sa pagsasabatas ng naturang parusa ay lalo lamang lalaganap ang paglabag sa karapatang pantao sa bansa. Sa katunayan, nakapagtala ang CHR ng 55 reklamo kaugnay ng extrajudicial killings (EJKs) noong kasagsagan ng community lockdown.

Kaugnay nito ay muli namang iginiit si Sen. Leila De Lima na ang tanging sagot sa kriminalidad ay ang mas epektibong pagpapatupad ng batas at pagpapabuti sa imbestigasyon at sistema ng prosekyusyon sa bansa.

Hihina ang tindig internasyonal

Sa paggulong ng usapin sa parusang kamatayan, nilinaw ng CHR ang posibleng pagpapahina nito sa posisyon ng Pilipinas sa pakikipag-areglo para sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na hinatulan ng parusang kamatayan sa ibang bansa. Ayon sa ulat ni Albay Representative Edcel Lagman, humigit kumulang 100 OFWs ang kasalukuyang nasa death row.

“If the death penalty is reinstated, the ability of the Department of Foreign Affairs to negotiate on behalf of OFWs will be undermined. Moreover, our country will be considered hypocritical if we reimpose [the] death penalty but at the same time seek the lives of OFWs who are in death row abroad,” paliwanag ni CHR Commissioner Karen Gomez-Dumpit.

Inilahad din ni Gomez-Dumpit na sa pagsulong ng parusang kamatayan ay maaaring labagin ng Pilipinas ang ilang internasyonal na kasunduang kinabibilangan nito. Isa na riyan ang Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights, kung saan ipinagbabawal ang pagsasabatas ng naturang parusa.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.