EDITORYAL | Mga tanda ng huling kapanahunan

The Manila Collegian
The Manila Collegian
4 min readJul 25, 2020
Larawan mula sa: CEGP

Kamakailan lamang ay ni-redtag ang SINAG, ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya ng UP Diliman, tatlong araw matapos nitong mag-ulat ukol sa pambobomba ng militar sa mga komunidad ng Lumad sa Surigao del Sur.

Matatandaan din natin ang panliligalig sa mga mamamahayag na sina Frenchiemae Cumpio ng Eastern Vista at Joshua Molo ng UE Dawn dahil sa kanilang mga kritikal na pananaw sa administrasyon. Si Cumpio, na dating punong-patnugot ng UP Vista sa Tacloban, ay nananatiling nakapiit mula nang dakpin siya noong ika-7 ng Pebrero 2020 — halos 6 na buwan na ang nakararaan.

Hindi na bago ang ganitong mga pangyayari. Kung tutuusin, padron na ng bawat anti-mamamayang rehimen ang paggamit ng dahas upang busalan ang midya.

Ngunit kasaysayan na mismo ang saksi sa di matalu-talong pwersa ng katotohanan.

Mula noong 1931, nananatiling balwarte ng malaya’t mapagpalayang pamamahayag ang College Editors Guild of the Philippines (CEGP). At sa ika-89 anibersaryo ng pagkakatatag nito ngayong araw, pinatutunayan nitong hinding-hindi magagapi ng kahit anong administrasyon, hamon, o panahon ang papel ng midya sa pagbabago ng lipunan.

Ang CEGP ay ang pinakamatanda, pinakamalawak, at natatanging alyansa ng mga pahayagan ng mag-aaral sa kolehiyo sa Asya-Pasipiko. Nalampasan nito ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at ang Rehimeng Marcos na responsable sa pagpapasara at pandarahas sa mga himpilan ng midya sa pamamagitan ng Batas Militar.

Nagsimula ang CEGP sa pagsasama-sama ng mga estudyanteng patnugot ng ilang kilalang pamantasan sa Metro Manila noong 1931 sa panguguna ni Ernesto Rodriguez Jr., punong patnugot ng The National (National University). Nagsilbi naman bilang unang pangulo ng bagong sibol na organisasyon si Wenceslao Vinzons, punong-patnugot ng Philippine Collegian (UP Diliman) at martir ng bayan.

Nang lumaon, mabilis na dumami ang mga kasaping publikasyon ng CEGP. Nagkaroon din ito ng mas progresibong oryentasyon, partikular sa pamamagitan ng makabayang ideolohiya ni Claro M. Recto noong dekada singkwenta, at sa pamumuno ni Antonio Tagamolila bilang pambansang tagapangulo ng CEGP noong 1971.

Kasabay din ipinagdiriwang ngayong ika-25 ng Hulyo ang unang National Campus Press Freedom Day. Ito ay alinsunod sa RA 11440 o ang National Campus Press Freedom Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong ika-28 ng Agosto ng nakaraang taon. Nilalayon nitong paigtingin ang kahalagahan ng malayang pamamahayag sa mga paaralan na siyang patuloy na ipinagtatanggol ng CEGP kahit noong wala pa ang nasabing batas.

Kung babalikan natin ang mga nakaraang pangyayari, kabalintunaan ang pag-iral ng mga batas na katulad ng RA 11440 kung ang mismong nagpapatupad ay siyang primaryong lumalabag. Ngunit hindi na ito nakagugulat. Noon pa man ay tila angking talento na ng estado ang pagpapaikot sa konsepto ng hustisya upang umayon sa pansariling interes.

At walang iba pang mas napapanahong halimbawa ng pagpapamalas ng talentong ito kaysa sa di-makatarungang pagpapasara sa ABS-CBN at ang patuloy na pag-atake sa Rappler. Bagama’t baog sa sapat na argumento ang kongreso at ang Korte upang idiin ang kanilang mga kaso, pulitika ang malyeteng tuluyang humatol at humahatol sa kanila.

Kung kayang gawing sirko ng estado ang hukuman laban sa mga malalaking pangalan sa midya tulad ng ABS-CBN at Rappler, paniguradong hindi ligtas ang mga mas maliliit na himpilan tulad ng mga publikasyong alternatibo’t pangkampus. Kasama na rito ang kinabibilangan nina Frenchiemae Cumpio at Joshua Molo; maski ang CEGP at humigit-kumulang 800 nitong mga kasaping grupo. Maski ikaw, na isang ordinaryong mamamayan, ay hindi nito sasantuhin.

Ang pagaresto kay Cumpio ay nakaugat sa mga bogus at patung-patong na kaso ng mga otoridad dahil sa kanyang kritikal na pagsusulat. Kabilang na rito ang mga alegasyon na diumano’y opisyales siya ng Communist Party of the Philippines (CPP) at iligal na nagmamay-ari ng mga armas. Samantala, kasong cyberlibel naman ang ibinanta kay Molo kung hindi niya babawiin ang kanyang mga opinyon ukol kay Duterte sa social media.

Ilan lamang sila sa mga alagad ng midyang patuloy na nakararanas ng pamamasista ng estado. Lalo lamang itong nagiging makatwiran ngayong ganap na batas na ang karimarimarim na Anti-Terror Bill. Mabibigat ang mga paratang laban sa mga tulad nilang di-hamak na kabataan; habang ang mga tuta ng pangulo ay malaya pa ring nakapagbabahagi ng maling impormasyon sa kanilang mga blogs, nagdaraos ng mañanita, pinababayaan ang responsibilidad bilang senador, o nagkakalat ng sakit habang nagliliwaliw sa labas.

Sa unang taon ng National Campus Press Freedom Day, hindi na sapat ang magdiwang lamang sa ating mga tagumpay.

Isang palatandaan ang araw na ito sa mas tumitinding laban nating mga mamamahayag-estudyante. Ginugunita rin natin ngayon sina Wenceslao Vinzons, Emmanuel Lacaba, Lorena Barros, Antonio Tagamolila, Liliosa Hilao, Benjaline Hernandez, Jose Burgos Jr., Ernesto Rodriguez Jr., Randy Malaya, mga biktima ng Maguindanao Massacre, at ang lahat ng mga alagad ng midya na inalay ang buhay sa ngalan ng tunay na malayang pamamahayag at karapatang pantao.

At sa huli, araw din ito ng pagpapalakas ng mga panawagan upang palayain si Frenchiemae Cumpio; tuldukan ang pangliligalig sa mga tulad ng SINAG, at nina Joshua Molo at Maria Ressa; ibasura ang Anti-Terror Law; ibalik ang prangkisa ng ABS-CBN; at bigyang-prioridad ang kasalukuyang pandemya.

Ang pagsulat ay isang pagpapasya, ika ng slogan ng CEGP. Noong naging parte ang mga pahayagang pangkampus sa pagpapatalsik kay Marcos, mas naging malinaw kung para kanino ang ating sinusulat. Kaya naman sinong nagsasabing hindi ito magagawa muli ngayon, kung kailan may panibagong diktador na sumusunod sa yapak ng kanyang hinalinhan?

Ganap na ang mga tanda ng huling kapanahunan ng mga naghahariharian.
Malapit na ang paghuhukom ng masang mesias.

#CEGP89
#DefendPressFreedom

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.