[KULTOREPASO] Pick Me, Amy: The Manifestation and Materialization of a #Jowa

The Manila Collegian
The Manila Collegian
5 min readJun 19, 2022

Nina Christina Cambiado, Gwyneth Cruz, at Joanna Honasan

Sugar (Nilanggam ka na ba?), spice (Hotness levuhl: 100), and everything…NAUGHTY (ehe)? Put a finger down naman diyan sissy kung suki ka ng Tinder, Bumble, Grindr + 99 others. Oo beh, ramdam ka nila — ang super strong mong desire na magkaroon ng #Jowa. Kaya naman upang madamayan ka sa dream mong iyan with underlying lessons, inihandog ng UP Manila Dramatista ang Pick Me, Amy. Isa itong one act play na umiikot sa bida nating si Amy at ang kanyang quest sa paghahanap kay The One (officially) through a dating application called Jublezz (n. ja•bolz). Kasama niya rito ang bestie niyang si Sabby para tulungan siyang pumili among the brainy x progressive Alma, religious x sporty Jisuel (aka Jisu), and rich x conyo Carl.

Matapos maka-match ang tatlong ito sa Jublezz, nagkaroon sila ng mala-online sabong na Zoom session. Dahil nasa getting to know stage pa lang sila, ipinakilala muna nila ang kanilang mga sarili. Unang dumating ang mukhang “formal” at “sophisticated” na si Alma, isang iskolar na working student mula sa Universidad De Pilipinas. Sumunod naman si Jisu o Jisuel, isang K-Pop fan, sakristan, mama’s boy, at Aviation student mula sa FATTS-Manila. Huli namang dumating ang rich and conyo kid ng Araneta Manila De Universidad na si Carl. At dahil kumpleto na sila, dumako na ang mga bida sa hot seat ng kanilang meeting: ang pagsasagot ng 30 Questions. Sino ang mas angat? Sino ang mas karapat dapat para puso ni Amy? Mainit ang naging tunggalian ng kanilang pagmamahal kay Amy at pati mga pananaw sa buhay. Mula sa “I made time for you,” ni Alma, “Ikaw ang Jennie Kim ng puso ko,” ni Jisu, at hanggang sa “I guess I can call you… baby,” ni Carl ay may kaniya-kaniyang naging estilo ang tatlong ito.

Para sa mga hindi nakapanood ng dula na ito, Pick Me, Amy is yet again one of the most interesting one act plays na inilabas ng Dramatista. Kumbaga, kung pamimiliin si Amy ng jojowain, parang ang gandang maging ka-talking stage ng palabas na ito. Ang dami niyang layers. Mapapa-second look ka talaga. At first glance, mukha siyang tipikal na feel good play na tungkol sa isang babae na bet na bet nang magkaroon ng jowa kaya umasa sa online dating app. If you get past this pabebe stage ng palabas, dadalhin ka nito sa mundong hahamunin, kukuwestiyunin ang kadalasang nagiging pananaw natin sa mga bagay-bagay.

It’s a play that will push you to reflect sa mga simpleng bagay. Bakit nga ba gusto ni Amy magka-jowa? Talaga bang gusto niyang magka-jowa? O baka naman gusto niya magka-jowa kasi uso ang magkaroon ng jowa? Naging sentro ng palabas na ito ang paghahanap ni Amy ng susunod niyang makakarelasyon ngunit sa ilalim ng mapaglaro at kwelang belo nito ang mga isyung pumapalibot sa kontemporaryong lipunang kinabibilangan natin. Gaya ni Amy, marami sa ‘tin ang nagkakaroon ng kagustuhang makasama ang The One. Bagaman normal lang naman at valid ang maghanap ng ating potential partner, hindi maikakaila na marami sa‘tin ay nadadala lang sa pressure ng iba na ang formula sa perfect life ay: jowa + magandang academic performance. Siguro ay tingin ng marami ay malungkot ang pagiging single at mas normal ang magkaroon ng partner. Maaari din na gusto ng iba magka-jowa para matabunan ang kanilang unresolved trauma o issues. Siguro din ay tingin ng iba, ang pagkakaalpas lang mula sa single life ang pinakamagandang mangyayari sa isang tao. Ang tanong kay Amy, at para na rin sa mga nahahaling sa ideya ng pagkakaroon ng karelasyon — Ready ka na ba?

Bukod pa dito, at syempre hindi na namin palalawigin pa kasi #NoToSpoilers, may isa pang natitirang layer ang Pick Me, Amy. Ito ay ang obvious-na-hindi obvious na koneksyon nito sa nakaraang eleksyon. Dumaan sa matinding screening process ang mga potensyal partners ni Amy. Nariyan si Carl na nuknukan ng hero complex (gustong maging politician dahil naniniwala siyang siya ang magpapabangon muli sa mga tao) na may baluktot namang mga pananaw sa buhay: materyalistiko, perpetuator ng cheating, at masyadong nakaasa sa tatay niya. Plus, nariyan din si Jisuel na puro salita ng Diyos ang laman ng utak pero tutol sa mga LGBT at pabor sa sa vote-buying dahil “nakatutulong” pa rin naman ito. Sa huli, may isa pang option si Amy na isang peak ideal partner, siya si Alma: mahalaga ang quality time, ipaglalaban ka, at higit sa lahat — kulay rosas ang bukas sa kanya. Pero s’yempre, gaya ng mga Pilipino, hindi pa handa si Amy sa gano’ng pinuno, este jowa.

Nag-manifest sa Pick Me, Amy ang iba’t ibang charm ng Dramatista. Makulit. Nakakaantig-damdamin. Kritikal. Isa siyang reflective na palabas, ngunit makikita rin ang elements, kumbaga, ng isang pagtatanghal na nilikha ng mga taga-Unibersidad ng Pilipinas. Isinama nila sa istorya ang mga normalisadong isyung panlipunang dapat nga ay pagtuunan ng pansin at pagnilayan. Kahanga-hanga rin ang hindi direktang pagtalakay nila sa mga naging matunog na presidential candidates noong nakaraang eleksyon; para bang, nagawa nila itong fun play na open sa lahat ng manonood ngunit epektibo pa rin sa paghahatid ng mensahe, regardless sa mga pick-up lines na nakapangingilabot more than nakakikilig. Bukod pa rito, maganda rin ang editing, sound design, at pag-arte ng mga aktor ng dula; siguradong mapupukaw nito ang atensyon ng mga manonood. Sa kabilang banda, marami pa sanang aspeto ng palabas ang pinush pa sana. Gaya ng mabagal na flow ng istorya at ang kakulangan nito sa ilang exciting na twist na mas nagpakulay sana sa mga kaganapan. Nandoon na lahat ng elements and message na kritikal para mamulat pa ang mga manonood ngunit medyo naging short sa pag-build up papunta sa climax. Nandoon na sa exciting part, tatawirin na lang, pero biglang nag-stepback pa imbes na mag-move forward.

All in all, Ang “Pick Me, Amy”ay parang isang memorable na ka-fling sa dating app. Ang sarap niyang balik-balikan. Kailangan natin ng mas marami pang halimbawa ng ganitong mga palabas, yung tipo na makaka-relate ka at makakapag-reflect pa kahit magaan yung buong vibe ng pagtatanghal. Nakakatuwa, maganda, at masayang panoorin. Naging pulido at epektibo rin ang mga aspeto ng dula sa likod ng lente. Bukod sa magandang editing at sound design, binigyang kulay din ng mga aktor ang bawat karakter nila — natuwa ang manonood sa mga nakakatuwa, at nainis ang mga manonood sa mga karakter na nakakainis.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.