KULTURA

Kultorepaso: Radyo Uswag

The Manila Collegian
The Manila Collegian
3 min readJan 18, 2021

--

Nina Pauline Magsino at Sophie Echivarre

Dibuho ni Gian Catibog

Sa isang malikhaing repleksyon ng mga kasalukuyang kaganapan, ipinamalas ng mga mag-aaral ng Araling Pangkaunlaran ng UP Manila ang kanilang talino at talento sa pagtatanghal at pamamahayag. Ang Radyo-Uswag ay maituturing na isang obra maestra dahil sa malikhain nitong paghahatid ng mga komentaryo sa mga napapanahong isyung panlipunan at pagdadala ng aliw sa mga tagapakinig sa kabila ng mapanghamong panahon.

Nagustuhan namin ang paggamit ng TV show (ang Radyo-Uswag sa pamagat) bilang framing device na nagtatalakay sa mga isyung nilalaman ng kwento. Naramdaman naming talagang tunay na programa sa TV ang pinapanood namin dahil sa mahusay na pag-arte ng mga gumanap bilang mga host nito at dahil sa pag-edit nila ng layout ng video. Makatotohanan din ito sa karanasan ng masang Pilipino — marami sa ating kumukuha ng balita sa radyo o sa TV dahil mas madali itong gamitin kaysa sa internet na nangangailangan ng mas malaking gastusin para sa data na nagagamit nito. Pinapakita din ng framing device na ito ang kahalagahan ng malayang pamamahayag para iparating sa masa ang tunay na estado ng lipunan.

Unang bahagi ng programa ang kantang “12 Buwan ng Lockdown” na naglalarawan sa kulang-kulang na tugon ng pamahalaan sa krisis ng COVID-19. Natuwa kami sa music video na ipinakita dahil ginamit nito ang pagpapatawa para iparating sa nanonood ang mga seryosong isyung pangkalusugan na kinakaharap ng lipunan.

Ang susunod na bahagi ng programa ay ang “On-the-Phone”. Natuwa kami dahil ginamit ang format ng radio show kung saan tumatawag ang mga nakikinig para humingi ng payo, ipinakita ng mga nagtatanghal ang mga problemang kinakaharap ng mga taong tumitira kasama ng mga abusadong magulang ngayong lockdown. Tinalakay ang mga isyu ng patriyarkal na lipunan, ng crackdown sa mga tumututol sa rehimeng Duterte, ng mga sumusuporta sa administrasyon dahil ayaw nilang malagay sa panganib.

Tumagos naman sa puso ng mga SMP (Samahang Minaltrato ng Pasismo) ang kantang “Magsasalita Ako” na eksakto ang paglalarawan sa pilit at paulit-ulit na pagbusal sa midya at mga progresibo. Mahalagang punto ng awitin ang himukin ang mga tagapakinig na magpatuloy sa pagsasalita sa kabila ng lahat ng pang-aalipusta. Ang mga liriko nito ay para nga sa isang samahan — sa pagtindig ay walang maiiwan at walang mag-iisa.

Malikhain din ang naging presentasyon ng “Showbiz Horoscope” kung saan malinaw na ipinabatid ang kapalaran ng bawat zodiac sign, kasama ang ilang mga kontrobersyal na personalidad. Sa segment na ito ay mistulang kino-call out ang iba’t ibang pag-uugali at interes na sadyang taliwas sa pagtupad ng sinumpaang mandato sa mga mamamayan. Nakakaaliw ang mga babala, ngunit tiniyak ng mga manunulat na mayroong mga butil ng katotohanan na dapat tandaan ang mga tagapakinig. Oo, tinutukoy namin ang paalalang huwag tularan ang mga Aries.

Bagama’t madamdamin at pamilyar ang pagsasagutan ng mga kalahok sa larong “Trabahula”, sinikap ng mga nagsadula na isalaysay nang buong linaw ang paghihirap na dinaranas ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa kamay ng mapang-aping estado. Malawak ang pagtalakay dito sa isyu ng red-tagging bilang malalang sakit ng pamahalaan at militar na nagdadala ng kapahamakan sa mga inosenteng mamamayan. Ang bansag na ‘terorista’ ay isang mabigat na paratang — -kadalasan, isa na hindi na napapatunayan.

Sa isang punto ng palabas ay puro static lamang ang maririnig ng madla. Tila isang sci-fi movie na ang aming sinusubaybayan sa halip na isang TV program. Sa aming pagbabasa sa mga salitang lumalabas sa screen ay napansin naming unti-unti na ring tumataas ang aming mga balahibo. Marahil buhat ng ingay ng static. Marahil buhat ng mga letrang tila nang-uusig, nanghihikayat. Marahil buhat ng mensaheng ipinaparating sa manonood. Marahil ang lahat ng ito ay may bigat, may papel sa pagbuo ng karanasan.

Ipinakita ng pagwawakas ng Radyo-Uswag at pagsilang ng “Himigsikan” na hindi natatapos ang laban sa isang paalam. Ang mga ideya at prinsipyo ay mananatiling buhay hangga’t may nakikinig. Ang espiritu ng pakikibaka ay hindi matatagpuan sa mga lansangan bagkus sa mga taong patuloy na tumitindig at nagsasalita sa harap ng matinding oposisyon. Lahat tayo ay may lugar, lahat tayo ay may kakayahan. Hindi tayo mananatiling tagapakinig lamang.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.