KULTURA | Coping MEME-chanism

Gampanin ng Memes sa Krisis ng Lipunan

The Manila Collegian
The Manila Collegian
5 min readJul 24, 2020

--

Nina: Christina Michaela Cambiado at Gwyneth Cruz

DIbuho ni: Justine Vince de Dios

Ayon sa isang tarot reading sa YouTube, “January will be the month of karma” — maraming unexpected events na hindi kanais-nais. Maraming mahihirapan, maghihinagpis, manghihina. Kulang na lang, Death Card ang hugutin.

Siyempre nung una, kebs lang. Sa January 3 pa naman babalik ang mga tao sa realidad dahil hungover pa sa bakasyon. Eh sakto, biglang BOOM! Nag-drone strike ang Amerika na kumitil sa isang heneral ng Iran. Tila nagkatotoo ang mga hula sa isang iglap. Sa susunod na taon na lang mag-New Year’s Resolution kung buhay pa tayong lahat.

Nagmistulang impyerno ang nakaraang taon, este buwan sa sunod-sunod na kamalasan: pagliyab ng Australia, pagsabog ng Taal, pagkalat ng Coronavirus. Kung may isang bagay man ang henerasyon na ito na wala ang huling beses na nag-World War, ayun ay ang ginhawang nagbibigkis sa sanlibutan — memes.

Hanggang saan aabot ang pag-scroll mo?

Nung pumutok ang kabi-kabilang balita ng giyera at sakuna, nagsisulputan din ang samut-saring memes, mapa-morbid humor man o pa-hugot.

Nasa panahon tayo na may nag-aalala sa bias nilang K-Pop na ma-draft sa militar. Na tipong “We’re in the Endgame” ang status update ng mga hindi mahiwalay ang Avengers sa pantasya ng mga uhaw sa digma. Na mas nakakapag-donate pa ang nagbebenta ng nudes kaysa sa mga bilyonaryo. “Nasaan ang humanity”, ang hanging question matapos iparamdam sa Chinese na panay “Sorry i’m no sick please” kung paano magmahal ang isang Pinay. At bakit hindi na lang daw ang presidente ang gapiin ng chopper? (Busy pa kung paano iihi sa bulkan.)

Binibigyan ng memes ang nakararami ng rason para maging socially active. Nagkakaroon ng network sa pagbabahagi ng sentimyento. ‘Ika nga, ★BASTA POST NI IDOL ⓛⓘⓚⓔ KO YAN.!!★ Panghikayat din ang memes na makasubaybay sa breaking news.

Dahil kinakailanganan ng wit, maiintindihan lang ang patawa kung malay sa nangyayari. Mas nakakabisa pa nga ang mga format nito kaysa sa laman ng mismong balita. Nagsisilbi itong platform sa pag-unawa sa bawat isyu dahil pinag-iisa nito ang saloobin at opinyon ng iba’t ibang personalidad. Ito ‘yung sinasabi na lahat ng tao’y may say na. Nagmimistulang conference kung saan lahat ay pwedeng matapatan ng spotlight. Iba’t ibang kampo ang nagsasalita patungkol sa isang pangyayari, produkto o isyung panlipunan — lahat ay nagiging involved.

Dahil marami ang nakikisangkot, nagagamit ang memes para makalahok ang mga tao na umaksyon. Ginigising nito ang drive na makaimpluwensiya ng kapwa sa pagpapalaganap ng impormasyon na hindi mabigat ang dating. Paano mo maaatim ang paghawi sa racism bunsod ng nCov kung hindi mo nabasa ‘yung kopyadong mga post ng sabayang pag-sorry ng mga Tsino sa kani-kanilang condo? Mapapa-panic buying ka talaga ng N95 mask kung bumalandra sa news feed n’yo ang galit na mukhang gumuhit diumano sa usok ng Bulkang Taal.

Tuwing may puputok na krisis, nasusukat ng mga tao ang kanilang sariling kondisyon sa pagkawala ng tensyon. Kumbaga, mapapasabi ka ng “Nakakahinga pa ‘ko, nandito pa ‘ko” sa kabila ng mga totoong banta sa buhay. Ito rin ang isa sa mahahalagang pakinabang ng memes — nagbubukas ito ng space para maka-recover mula sa stress.

Marami ang nag-share na sumabog daw ang Taal dahil sa kakakanta ng mga tao ng Tala. Bukod sa nagkapalit lang ang mga titik at sa naganap ang parehong penomena sa magkalapit na panahon, isang taong nagpapatawa lang ang makakaisip na pag-isahin ito. Napatunayan lang na mababa nga talaga sa reading comprehension ang mga Pilipino charot; napatunayan nito na makakahanap parati ng paraan ang sinoman na magpagaan ng malagim na yugto.

Ultimong ang mga naapektuhan mismo ng bulkan ay magpamalas din ng katatawanan. Silang mga nabakwit ay nakuha pang mag-post ng kani-kanilang mga napulot mula sa mga donation box gaya ng wedding gown, school o office uniform, at memorial shirt mula sa di-kilalang kamag-anak na matagal nang pumanaw.

Maituturing na mature defense mechanism ang humor dahil napapainog ng tao ang internal nilang nararamdaman sa gitna ng mga bagay na labas sa kanyang kontrol. Nakikita sa bagong perspektibo ang mga problema para matantiya kung gaano kalala ang isang sitwasyon.

Sa kabila ng paglahad nito ng ating humanismo, malaki rin ang nagiging ambag ng memes na bumuo ng kinabukasan na may bahid ng diskriminasyon at kawalang-pakialam, laluna sa mga pagkakataong mas nananaig ang detachment kaysa pagpupulso.

May tendency ang ibang lumilikha ng memes na maging insensitive, lalo ‘pag wala sa tiyempo. Tumatabang ang bisa ng mga pinagpo-post ng kung sino-sino kung nababahiran ito ng pambabastos o pagbubulag-bulagan sa kalagayan ng mga nahihirapan. Sa kaso halimbawa ng World War 3, mawawalan talaga ng saysay ang katatawanan nito kung hindi ka pa pinatatahimik ng mga bomba. Lakas din makahatak ng likes ang kahit anong kombinasyon ng #PrayFor, pero ang binabalak mo yatang ipagdasal ay ‘yung pahubad mo sa tabi ng beach.

Sumasalamin ang alinmang Internet activity sa pribilehiyong magtago sa likod ng screen. Hindi na baleng kunwari willing ma-expose sa virus, dead inside naman na daw sila. Madali talagang gawing biro ang mga bagay na hindi nating direktang nararanasan. Ipagpalagay mang nakaka-add insult to injury ang memes, may maiiwan pa rin itong peklat. May forever sa Internet.

Nakikita natin ang kung anomang imahen sa usok na ibinuga ng bulkan dahil hindi tayo nagkakandarapa makapunta sa evacuation center.

Mapapahagikgik pa tayo sa balitang isa palang Koreanong lasing ang iniwang mag-collapse sa publiko, pero mababahala ka pa rin sa kaakibat nitong racist undertones dahil hindi na mahiwalay ng iilan ang Coronavirus sa mga mamukhaan lang na hindi bilogan ang mga mata.

Natural isipin na kadalasa’y wala namang naiaambag na katuturan ang memes bukod sa pinapaypayan lang nito ang mga napapanahong isyu, tanda na may kapasidad ang mga unconscious nitong mga distributor na maging maalam pa rin sa balita. Ngunit maya’t maya’y lilitaw ang mga tunay na balita na animo’y daig pa ang nagpapatawa.

Magtataka ka kung papaanong mas nauna pang nagkaroon ng opisyal na pahayag ang Palasyo sa pagpanaw ni Kobe kaysa sa mga nasalanta ng bulkan o kung paanong may pang-donate pala tayo ng mga mask sa Wuhan pero naubusan ang mga nasa Taal. Na tipong sa gatas pa isisisi ang kamangmangan ng kabataan at hindi sa pangangain ng mga lupain para mapatayuan ng subdivision. Na may ganang basagang bioweapon ang 2019-nCov. Mas malalim pa ang talakayan sa mga meme page at Twitter kaysa sa nangyayari sa Senado.

Nagkakasundo tayo sa tawanan at damayan dahil nagsisilbing moda ng pagpapasikat ang pakikilahok sa meme culture. Nagbubukas ito ng diskurso at naiaangat ang antas ng kamalayan ng mga tao. Bukod sa hinahandugan tayo nito ng pag-unawa at pakikisimpatya, pakikiisa sa daang libong taong malayo man o sapul sa trahedyang bumabaybay sa araw-araw, nagiging daan ito para mapalitaw ang mga bagay na nakakatawa man sa una, gaya ng tahasang pangliligalig at panlilito ng pamahalaan, taimtim namang naseseryoso dahil sa dala nitong mga implikasyon sa totoong mundo.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.