LATHALAIN | Lakas-Paggawa, Nasa’n ang Ginhawa?

The Manila Collegian
The Manila Collegian
3 min readJun 2, 2020

Akda Nina: Shanin Kyle Manuel at Noelle Mejia
Dibuho Nina: Christina Michaela Cambiado at Justine Vince De Dios

Dibuho Nina: Christina Michaela Cambiado at Justine Vince De Dios

Sa lumalaganap na krisis ngayon, mas maibabalangkas pala talaga ang iba’t ibang uri ng mga manggagawa. Kay laki pala ng bahagdan ng kilos-paggawa, mula sa bigat o ritmo ng gawain, gamit na makinarya, haba ng oras, laki ng sahod, hanggang sa lebel ng proteksiyon at saklaw ng opsyon para tumanggi at mag-alinlangan.

Ang pandemyang COVID-19 ay hindi na lamang isang pandaigdigang krisis sa kalusugan, kundi isa na ring pangunahing krisis pang-ekonomiko. Sa patuloy na paglala ng sosyoekonomikong kondisyon ng bawat Pilipino, tila hindi na sapat ang pagbibigay lamang ng maliit na halaga ng hazard pay o iba pang mga insentibo na pansamantala lang naman ang kontribusyon sa buhay ng mga manggagawa. Ilang dekada nang nakalatag ang lahat ng mga panawagan na panahon na upang taasan ang mga sahod ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, ngunit hanggang ngayon ay nananatili silang lugmok sa kulang kulang na sahod at mapaniil na mga kondisyon sa trabaho.

“Ang pandemyang COVID-19 ay hindi na lamang isang pandaigdigang krisis sa kalusugan, kundi isa na ring pangunahing krisis pang-ekonomiko.”

Dibuho Nina: Christina Michaela Cambiado at Justine Vince De Dios

Dahil sa krisis na ito, lalong naisisiwalat ang mga dati pang isyung ikinahaharap ng uring manggagawa sa kamay ng mga kapitalista at gobyernong nagpoprotekta lamang sa pribadong interes. Ang pawang ideya na “essential” lamang ang mga trabaho nila sa tuwing may krisis ay naglalayon lamang na patuloy pagsamantalahan ng mga kapitalista ang mga manggagawa habang isinasawalang-bahala ang kapakanan nila. May krisis man o wala, kalakhan ng yaman na nililikha ng mga manggagawa ay napupunta sa bulsa ng mga kapitalista at ng gobyerno, samantalang kakarampot lang ang nakukuha ng mga manggagawa.

Ngayong lubhang apektado ang pangunahing pinagkukunan ng hanapbuhay ng uring manggagawa, sa pamamagitan ng pagtitiyak din ng kanilang security of tenure ay mas masisigurong marerespeto ang kanilang mga karapatang magkaroon ng sapat na sahod, mga benepisyong kinikilala ng batas, maayos na kondisyon sa trabaho, at iba pa.

“Dahil sa krisis na ito, lalong naisisiwalat ang mga dati pang isyung ikinahaharap ng uring manggagawa sa kamay ng mga kapitalista at gobyernong nagpoprotekta lamang sa pribadong interes.”

Dibuho Nina: Christina Michaela Cambiado at Justine Vince De Dios

Ang tunay na mga bayani ay ang mga kusang nagdedesisyon na isakripisyo ang kanilang buhay para sa ikabubuti ng mundong tinitirhan nila. Marahil nangangahulugan din ito ng kusang paglagay ng sarili sa panganib para sa kapakanan ng iba, tulad ng mga bumbero, pulis at mga sundalo. Ang pagbansag sa kanila bilang bayani ay tumutulak sa sakripisyong para sa masa nang wala man lang tulong at suporta sa gobyerno. Sa madaling salita, ang pangangatwiran na to ay nagtatanggal ng mga utang at kakulangan ng sistema sa mga manggagawang ito.

“Ang tunay na mga bayani ay ang mga kusang nagdedesisyon na isakripisyo ang kanilang buhay para sa ikabubuti ng mundong tinitirhan nila.”

Sa mata ng mga gitna at naghaharing uri, bayani ang mga manggagawang ito na patuloy na naninilbihan sa kanilang mga interes sa gitna ng krisis, ngunit sa mata ng uring manggagawa, sila ang mga mukha ng hindi nabiyayaan, walang natanggap, at mga napag-iwanan.

Hindi palakpak, salamat, at pagbati kundi pagkilala sa kontribusiyon nila mula sa mismong dugo’t pawis, pagkiling sa kanilang mga karapatan bilang mga manggagawa, at pagsalba sa kanila mula sa bingit ng kamatayang dulot ng ganid ng mga kapitalista, kapalpakan ng gobyerno, at kabulukan ng estado.

#MayoUno2020
#RedLaborDay2020
#AyudaHindiBala

Dibuho Nina: Christina Michaela Cambiado at Justine Vince De Dios

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.